Peke o Totoo?

Peke o totoo? Ito ang lagi nating tinatanong kapag nakakita tayo ng mga larawan at video ng mga multo o espiritu. Ngunit meron tayong laging nakakaligtaan na isipin at pagnilayang mabuti, kung ano ba ang mga mensahe na gustong iparating sa atin ng mga nasa kabilang dimensiyon.

Marami nang mga artikulo at mga dokumento tungkol sa manipestasyon ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon ang magpapatunay na sila ay totoo, ngunit dahil sa impluwensiya ng negatibong paniniwala natin sa mga multo at espiritu ay binabalewala natin.

Nitong nakalipas na Undas o kapiyestahan ng mga Kaluluwa ay naging tampok na naman sa mga artikulo sa diyaryo at mga palabas sa telebisyon ang hiwaga ng kabilang buhay at samut-saring mga kuwento.

Bagupaman ang Undas ay nakapanayam din ako ng mga TV network at iba pang grupo tungkol sa mga kababalaghan sa mga larawan sa pagpapakita ng mga multo, pakikipag-ugnayan ng mga elemento o engkanto sa mga tao at maging ang ugnayan sa atin ng mga taga-ibang planeta na kilala sa katawagan na ekstra-terestriyal.

Ang napapansin ko lang sa mga ginawang panayam sa akin, ang laging direksiyon ng tanong ay kung totoo bang may mga multo, elemento at mga ekstraterestriyal? At ang matindi pa nito merong mga grupo na pilit na ginagawan ng paraan na pabulaanan ang mga totoong manipestasyon.

Sa aking personal na pananaw, bagaman totoong merong mga computer software na ginagamit para dayain ang mga larawan at palalabasin na merong multo o kababalaghan, mas marami pa ring mga larawan at mga video ang masasabi kong totoo at hindi dinaya ng makabagong teknolohiya.

Lalu na at may mga manipestasyon na kahit anong paraan pa ang gawin ay hindi kayang kopyahin sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya, dahil sa ang tunay na pagpapakita ng mga espiritu, multo man yan, anghel, elemento o ekstraterestriyal ay masasabi kong naiiba.

Ang nais ko lang naman na bigyan diin na kapag tayo ay pinagpakitaan ng mga nilalang na ito sa kabilang dimensiyon, personal mang nagpakita sa atin o sa pamamagitan ng larawan at video, alamin natin ang mga mensahe nila sa ating buhay.

Maaaring meron silang nais sabihin sa atin na makatutulong sa atin, o di man kaya ay sila ang nangangailangan ng tulong natin lalu na ang mga ligaw na kaluluwa na gumagala sa ating paligid.

Maaaring nais nilang sabihin na andyan lang sila sa ating tabi lalu na ang mga namayapa nating mahal sa buhay o kundi man ay nangangailangan ng mga mas eskpertong tulong para na rin sa kanilang ikatatahimik.

May mga manipestasyon na napagkakamalan nating multo ang ibang nilalang na nasa mas mataas na antas sa kabilang dimensiyon kabilang na ang mga anghel. Kung kayat sadyang napakahalaga na alamin natin kung sila ba ay kaluluwa o ibang nilalang tulad ng anghel. At yan ay mapatutunayan natin kung ano ang mensahe na maaaring nais nilang iparating sa atin.

Kung mga elemento man yan tulad ng mga engkanto (kapre, duwende, diwata at iba pa), mahalaga ring alamin natin kung ano ang nais nilang iparating sa atin maaaring mahalaga rin ang mensahe na nais nilang sabihin.

Gayundin ang mga Ekstra-Terestriyal, mahalaga ring alamin natin ang mga mensahe at hindi yung tayo ay tutunganga lamang sa isang tabi at pinapanood natin sila tulad ng mga UFO sighting.

At ang maituturing kong pinakamahalaga sa lahat na dapat nating pakinggan sa bawat segundo ng ating buhay ay – ang Poong Maykapal, ang lumikha sa lahat hindi lamang sa planetang ito, hindi lamang sa pisikal na daigdig kundi sa buong kalawakan at sa lahat ng antas ng kabilang dimensiyon o kabilang buhay.