Isang araw, merong kababayan natin ang nagtanong sa akin kung tama bang makipag-ugnayan sa mga patay sa pamamagitan ng Ouija Board at iba pang pamamaraan tulad ng spirit of the glass, coin, at ball pen?
Kung ang personal na opinyon ko ang tatanungin, hindi ko gagawin yun dahil sa posibleng panganib na maaaring idulot ng ganitong hakbang sa mga taong gumagawa nito, at maaari lamang itong gawin ng tao na merong sapat na kaalaman at kakayanan.
Kung gagawin lamang itong isang katuwaan lalu na sa hanay ng mga kabataan ay mangyaring wag nang ituloy dahil sa posibleng masamang mangyari lalu na kapag ang nabuksan ay ang pintuan sa mababang antas o level na dimensiyon kung saan nananahan ang mga negatibong espiritu.
Lagi kong naaalala ang isang karanasan ng aking kapatid nang naging katuwaan nilang magkakaiban na gawin ang spirit of the glass sa mismong bahay namin sa lalawigan ng La Union na humantong sa kanilang pagkasindak nang biglang sumabog ang baso na ginamit nila sa naturang sesyon.
Kasunod nito ay halos gabi gabi silang binabangungot at tila nararamdaman nilang merong kaluluwa na laging nakasunod sa kanila saanman sila magpunta.
Nawala lamang ang ganitong mga karanasan at pagpaparamdam nang nag-alay sila ng dasal sa sinumang kaluluwa na kanilang natawag nang gawin nila ang spirit of the glass, at mula noon ay ayaw na nilang makarinig ng anuman tungkol sa kanilang ginawa at binalaan din ang iba pa na wag gagawin ang pagtawag sa kaluluwa ng patay bilang isang uri ng laro o katuwaan.
Batay sa aking nalalaman, ang paggamit ng Ouija board, at spirit of the glass ay isang mabisang paraan para mabuksan ang pintuan ng kabilang dimensiyon lalu na sa daigdig ng mga patay.
Ngunit ang panganib dito ay hindi mo matiyak na ang tinatawag mong pangalan ng sumakabilang buhay ay siya nga ang biglang darating sa sandaling ginawa niyo ang ugnayan.
Ito ay sa katotohanan na ang mga negatibo o masasamang espiritu ay maaaring magkunwaring sila ang inyong tinatawag para lamang makapasok sa daigdig ng mga buhay.
Ibig sabihin, kahit sinuman sa mga espiritu sa kabilang dimensiyon ay maaaring magsabing sila ang inyong tinatawag ngunit sa katotohanan ay kampon pala sila ng kadiliman na nais lamang na makipag-laro sa ginagawa niyong ugnayan sa kabilang dimensiyon.
Ang laging payo ko sa mga taong nagtatanong sa akin tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga sumakabilang buhay, hayaan natin na sila ang makipag-ugnayan natin lalu na ang mga namayapa nating mahal sa buhay.
Kung meron naman silang mensahe sa atin, ay marami silang paraan na gawin yun tulad na lamang ng pagpapakita sa ating panaginip, pagpaparamdam sa atin, pagpapakita sa atin kahit na tayo ay gising at mga kataga na mababasa natin sa pagkakataon na maaalala natin sila.
Hayaan na lang natin na sila ang magparamdam o magpakita para sabihin ang kanilang mensahe hindi yung tawagin natin sila para maka-ugnayan. Ngunit may mga pagkakataon na kailangang-kailangang gawin yun ngunit ito ay dapat na gawin lamang ng mga taong may sapat na kakayanan na isakatuparan ito sa ligtas na pamamaraan.