Maraming pamamaraan ang ginagawa ng mga Ekstra-Terestriyal para patunayan lamang na sila ay narito na sa ating planeta. Kabilang na nga rito ang pagpapakita ng mga UFO o Unidentified Flying Objects na karaniwan na ring nakikita ngayon sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Sa nakalipas kong artikulo ay isinalaysay ko sa inyo ang aming nasaksihan sa Caliraya, Laguna kung saan nagpakita noong Setyembre 27 ang anim hanggang sa siyam na mga UFO.
Bagaman ipinalabas din ito sa telebisyon ay lumabas lamang na katawa-tawa ang naturang kaganapan dahil sa hindi man lang nabigyan ng diin kung ano nga ba ang dahilan at nagpakita ang mga UFO sa tao.
Tulad ng unang sinabi ko, nais lamang na patunayan ng mga ET na hindi tayo nag-iisa sa kalawakan . Heto ang lohikang tanong ko sa inyo. Para ano pa at nilalang ng Diyos ang milyun milyun kundi man bilyun na mga planeta, mga bituin at galaxy sa kalawakan kung tayo lang mga tao o human being ang nilalang na buhay? Hindi bat malaking pagsasayang lamang ng pagod at enerhiya kung tayo lang tao ang maituturing na nilalang ng panginoong Diyos?
Ngayon, kaliwat-kanan na ang mga nangyayaring UFO sighting hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibat-ibang panig ng ating planeta, ngunit ang tao ay nanatili pa ring di kumbinsido na totoo ang mga pangyayaring ito.
Sa totoo lang ito nga ang dahilan kung bakit, hinahamon ko ang mga ET na ito na magpakita sa anumang paraan sa tao. Yun bang hindi maitatanggi na sila nga ay totoo.
At marahil bilang tugon sa aking hamon, ay isang kakaibang nilalang o anino ang biglang lumitaw sa aking larawang ito na talagang tumakip na sa aking mukha.
Kinunan ko ng litrato ang aking sarili sa pamamagitan ng phone camera sa lobby ng ABS-CBN noong linggo (Oktubre 2, 2005) pagkatapos naming mag-guest sa lingguhang programa sa radyo ni Jimmy Licauco at Frances Gloria.
Laking gulat ko nang tumambad sa aking paningin ang kakaibang nilalang na tumakip sa akin sa litratong ito. Marami sa mga natanong kong kaibigan na may kakayanang makakita ng mga espiritu ang nagsabi na ito ay isang ET at siyang nagbabantay sa akin. Ano po sa palagay ninyo?