Patay, Nakakapag-text?
Rey T. Sibayan
March 21, 2006
Sa panahong ito ng makabagong teknolohiya kung saan uso ang text sa cellphone at internet sa pamamagitan ng kompyuter ay marami sa ating mga kababayan ang nakakaranas ng kababalaghan tulad na lamang ng umanoy pagte-text ng mga taong sumakabilang buhay na.
Ako mismo ay nakasaksi sa ganitong pangyayari nang mamatay ang aking bayaw, ilang taon na ang lumipas nang magawa pa nitong makapagpadala ng text sa kanilang katulong para dalhin ang kanyang paboritong gamit sa lalawigan ng Cavite kung saan nangyari ang aksidente. Walang kaalam-alam ang katulong at sinagot pa nito ang text ng aking bayaw. Laking gulat na lamang ng katulong ng pagdating nya ay nalaman nyang patay na pala ang aking bayaw bagupaman ito nakapag-text sa kanya.
Bigla kong naitanong sa aking sarili, paanong makakapag-text ang patay samantalang imposible namang magamit nito ang cellphone na noon ay nawala sa lugar ng aksidente na maaaring kinuha ng ibang tao.
Kamakailan sa isang kolum ni Professor Jimmy Licauco ng Innermind Development Institute, sumulat sa kanya ang isang Joe Bayani na nagsabing ang kanyang kasintahan na si Carmina ay laging nagpapadala ng text messages sa kanya sa panahon ng burol nito at sinasabi nito kung gaano nya kamahal ang lalaki. Ang buong akala ni Joe ay matatapos na ang pagpapadala ng text ng kanyang girlfriend nang ito ay mailibing ngunit nagkamali siya dahil sa patuloy pa rin ito sa kanyang pagte-text. Ang sim card na gamit ni Carmina ay ginagamit na ng kanyang pinsan ngunit sa kabila nito ay nagagawa pa rin nitong magamit ang numero kahit nasa kabilang buhay na.
Isa namang kababayan natin na reader din ng Balita ang nagsabi na maging siya ay dumanas ng ganitong kababalaghan. Naka-text nya ang kanyang kaibigan na nagngangalang si Randy noong Nobyembre taong 2005 nang sabihin sa kanya na ito ay nagpapagaling matapos na siya ay ma-ospital.
Narito ang bahagi ng kuwento sa akin ni Beverly Jalmasco:
“Nagpapagaling kasi siya kagagaling pa lang sa ospital. Sinabi nyang pupunta siya ng Canada after a week at pagkatapos nun ay di na nag-text. Makalipas ang ilang araw, nag-wrong send ako sa number nya at nag-reply yung katulong nila at sinabing patay na siya noong October 15 pa. Eh di ko makalimutan, November talaga ka text ko siya. Sa katunayan ay kausap ko pa nun ang kapatid ko at alam nya na katext ko yung friend ko. Ano po ba yun? Totoong patay na talaga siya. Bakit po yun nangyari sa akin?”
RS: Tulad ng mga naunang insidente na binanggit ko sa aking kolum ngayon, ay talagang nangyayari na ngayon na ang mga espiritu ng mga patay ay nagagawang makapag-text sa daigdig ng mga buhay, ke maniwala man tayo o hindi. Ang mga patay na patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga buhay ay silang mga kaluluwang hindi matahimik o tinatawag na “earthbound souls”. Sila ang mga kaluluwang hindi alam na sila ay sumakabilang buhay na o hindi matanggap ang katotohanan na sila ay patay na dahil sa hindi pa kumpleto ang kanilang misyon sa mundong ito. Kung paanong nagagawa nilang makapagpadala ng text sa ating daigdig ay sila lamang ang makapagsasabi nyan. Ngunit sa mga pananaliksik ng mga eksperto ay hindi malayong magawa ito ng mga espiritu dahil sa kabilang buhay ay walang imposible kapag napagana ng husto ang kapangyarihan ng kanilang kaisipan. Hindi bat kaya ring pagalawin ng mga multo o kaluluwa ng patay ang anumang bagay sa paligid? Ito ay dahil sa kakayanan ng kanilang isip bilang mga kaluluwa. Lagi nating isipin na ang isip ay wala sa utak dahil ang utak ay kasamang namamatay ng ating katawang lupa, ngunit ang isip ay nakakabit sa ating kaluluwa.
Ilan pang tanong ng ating mga kababayan sa inyong lingkod:
(09223337145) Magandang Araw po Mr. Sibayan. Nabasa ko sa isang kolum mo, Misteryo at Lohika, ang tungkol sa mga koro ng mga anghel. Meron bang mga aklat na nabibili tungkol dito? Meron ba kayong alam na isang grupo na nagtitipon para makaalam ng paranormal na katulad na naisulat mo sa iyong kolum?
RS: Maraming salamat sa walang sawang pagsubaybay sa aking kolum. Oo, maraming mga aklat sa mga tindahan na mabibili tungkol sa koro ng mga anghel. Bagaman hindi natin masasabing kumpleto ang mga aklat na ito, nasa sa iyo kung ano ang naaangkop sa nais mo. Sa tanong mo kung merong mga grupo na nagtitipun-tipon tungkol sa paranormal, may mga grupo nang nabuo tulad ng samahan ng mga naging estudyante ni Prof. Jimmy Licauco – ang Innermind Association of the Philippines.
(09154424653) Mr. Sibayan, sana sa pamamagitan ng iyong kolum sa Balita, makarating sa mga kababayan natin ang panawagan ko na wag iasa ang kapalaran sa mga gameshow tulad ng wowowee o kauri nito. Magsikap na lang sila. May kasabihan nga “ang naghahangad ng kagitna isang salop ang nawawala.”
RS: May punto ka sa iyong sinabi ngunit ang maaari lang natin gawin ay magbigay ng payo o suhestyun sa ating mga kababayan. Nangangahulugan na hindi natin sila maaaring pilitin na sumunod sa ating nais. Bagaman, kailangan lamang na wag tayong magsasawang magbigay ng paalala sa kanila.
PEH (09173554260) Misteryolohika, ano po ba masasabi niyo sa trahedyang nangyari sa Saint Bernard, Southern Leyte. May nagpahiwatig po ba sa nakatira at nagpadama sa diwa ng mga nakatira doon?
RS: Sa pagkakaalam ko may isang nakaputing babae daw ang nakitang naglibot sa naturang bayan partikular sa barangay Guinsaugon para bigyan ng babala ang mga residente bagupaman nangyari ang naturang trahedya. Ngunit hindi nakinig ang mga tao. Ang leksiyon na maaari nating makuha dito, paniwalaan man natin sa hindi ang anumang mensahe, mainam na maging handa o alerto sa lahat ng oras.
Ricky Patingo ng Calamba, Laguna: Sir dami ko na po koleksiyon ng artikulo mo sa Balita. Gusto ko po humingi ng advise o tulong. Meron po ako gift na gusto ko po i-develop. Malakas po ang vibration ko sa nangyayari sa ating paligid.
RS: Isa ka rin sa mga taong sensitibo o may malakas na pakiramdam ngunit hindi mo nasabi sa akin kung anong partikular na karanasan ang meron ka gayunman nagtatanong ka kung pwede mo pa to ma-develop. May mga grupo na nag-aalok ng seminar para mahasang mabuti ang abilidad ng pag-iisip tulad ng mga seminar ni Prof. Licauco. Pwde ka makipag-ugnayan sa akin tungkol dyan.
(09262122675) Ask ko lang po kung ano ang ibig sabihin na lumilipad at laging nahuhulog sa tubig. Pag malapit na ako lumapat ay nagigising ako.
RS: Nais ipahiwatig sayo ng iyong panaginip na wag kang magdali sa iyong buhay lalu na para maabot ang iyong gusto o ambisyon dahil baka bigla panandalian lamang ang tagumpay at balik ka sa dating buhay. Ngayon kung bakit pag malapit ka nang lumapat sa binagsakan mo ay nagising, yan ay tanda na dumanas ka ng astral travel o out of body experience na karaniwang nararanasan natin sa ating pagtulog lalu na kapag tayo ay nananaginip.
Kung kayo po ay magtatanong o magbabahagi ng inyong karanasan sa mga kababalaghan, pakibanggit lamang po ang inyong pangalan at kung taga-saan po kayo. Maraming salamat po.