2006-06-06 01:13
Takot ba kayo sa numero 666? Marami ang nagtatanong ano nga ba ang tunay na nasa likod ng naturang kinatatakutang kumbinasyon ng mga tatlong numero 6. Naukit sa ating isipan na dapat na iwasan ang naturang kumbinasyon ng numbero 6 dahil sa ito raw ay “tatak ng demonyo”. Ngunit alam ba ninyo na ang pagkatakot sa bilang na 666 ay tinatawag na Hexakosioihexekontahexaphobia.
Ano ba ang katotohanan sa likod ng 666? Ito nga ba ay ang tatak ng demonyo o mali lamang ang interpretasyon ng mga grupong relihiyon at iba pang sektor tungkol dito.Dahil sa paniniwalang ito nga ay tatak ng demonyo na maghahasik ng kadiliman sa buong sanlibutan ay marami nang mga personalidad sa buong daigdig mula pa noong unang panahon hanggang ngayon ay inakusahang siya ang Anti-Christ na merong tatak na 666.
Ang mga sinaunang Kristiyano na naniniwalang magugunaw na ang mundo ay gumamit ng numerology sa wikang Aramaic, Greek at Hebrew at lumabas na si Roman Emperor Nero ang umanoy Anti-Christ.
Nang hindi mangyari ang kinatatakutang katapusan ng mundo sa mga panahong yun tulad ng pagkakaintindi sa Revelation o Pahayag, nangangamba ang tao na posibleng mangyari ang katapusan ng mundo sa malapit na hinaharap, at marami sa mga maimpluwensiyan lider ang inakusahang may tatak na 666.
Kabilang na nga sa umanoy may tatak na 666 ay sina Martin Luther, Henry VIII, Robespierre, Napoleon Bonaparte, George Washington, Adam Weishaupt, Lenin, Adolf Hitler, Stalin, Mao Tse Tung, Franklin Roosevelt, Winston Chruchill, Harry Truman, Prince Charles, King Juan Carlos ng Spain, Mikhail Gorbachev, Bill Clinton, Osama Bin Laden, ang mag-amang George Bush at lahat ng mga santo papa.
Ang mga ito ay pinaghinalaang may taglay na bilang na 666 alinsunod sa interpretasyon ng Bibliya sa sinulat na ebanghelyo ni Apostol Juan na kilala nga bilang Revelation o Pahayag.
Ngunit sa pananaliksik na ginawa ng dating British Intelligence agent Edward Alexander (Aleister) Crowley (1875-1947), lumalabas na ang numero 666 ay hindi naman pala masama, bagkus ito ay maituturing na sagradong bilang na ang kahulugan ay ang kapangyarihang taglay ng araw.
Si Crowley na mismong lumantad at nagsabing siya ay Beast 666 ay nagsabing ang naturang bilang ay sagrado dahil sa ito ang misteryosong numero ng Araw na nagbibigay ng buhay, at may kaugnayan din ang bilang na ito sa heart chakra o psychic center sa dibdib ng tao na kilala rin bilang “Christ Center”.
Kung bakit ganito ang interpretasyon ni Crowley, binanggit nito ang sagradong itinuturo ng Hebrew Kabbalah na nagsabing ang “sphere” ng Araw ay ang pang-anim na purong espiritu o pure essence ng Panginoong Diyos.Para maipaliwanag ng husto ang ganitong paniniwala ay inilatag ito sa mga numero na siyang tradisyung ginagawa ng mga Kabalista sa panahon ng sinaunang Babylonia. Isang kuwadradong tinaguriang “magic square” na binubuo ng 36 na maliliit na kuwadrado (6 x 6). Ang mga numero ay mula 1 hanggang 36 na kapag inayos sa isang balansyadong pamamaraan kung saan ang bawat hanay at linya nito ay pare-parehong 111, na kapag pinagsama-sama ay ang kalalabasan ay 666.
Ipinaliwanag din ni Crowley ang kanyang sariling interpretasyon sa nakasaad sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya, na ang nais ipahiwatig ni San Juan sa kanyang sinulat na katapusan ng mundo ay ang katapusan ng tinatawag na “old age” dahil sa pagpasok ng “new age” sa ika-20 siglo ng buhay ng tao sa mundong ito.
Halos tumugma naman ito sa lumabas na pagsusuring ginawa ng mga Bible Scholar na ang isinasaad sa Book of the Revelation o Aklat ng Pahayag ni San Juan o St. John of the Divine ay hindi tumutukoy sa katapusan ng mundo, kundi isinalarawan lang nito ang masasamang pangyayari sa buhay ng tao sa mga kamay ng mga Romano na nagwakas sa ikalawang Jewish Revolution noong A.D. 72 na sumira noong sa Herusalem.
Ngayon masasabi ba nating nakakatakot ang numbero 666. Sa aking personal na pananaw, bago natin husgahan ang sinuman na kesyo siya ay “kampon ng kadiliman” na maghahasik ng kasamaan sa mundo, mainam na suriin nating mabuti ang ating sarili kung ano ba ang ginagawa natin sa ating kapwa, maaaring tayo mismo ay maituturing na isang “demonyo” na umaapi sa ating kapwa, yumuyurak sa dangal ng kapwa, nabibingi-bingihan sa karaingan ng ating kapwa at ang masaklap pa nito ay tayo mismo ang pumapatay sa ating kapwa.
Pingback: Is 666 an Evil Sign or a Powerful (Sacred) Number? :: Rey T. Sibayan