17 taong gulang na binatilyo, nakakita ng UFO

Tayo lang ba ang nilikha sa buong kalawakan? May nilalang ba sa ibang planeta? Ito ang tanong sa inyong lingkod ng isang 17 taong gulang na binatilyo mula sa lalawigan ng Rizal.

Sa murang edad ni Ishmael Dagaman ay nagtatanong at nagsasaliksik din siya tungkol sa katotohanan kung may mga taga-ibang planeta mula nang makakita siya ng mga UFO o mga hinihinalang sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal.

Narito ang nilalaman ng liham sa akin ni Ishmael:
“Ako po si Ishmael Dagaman ng San Mateo, Rizal, 17-taong gulang. Mga tatlong kolum na po ninyo ang nabasa ko simula lang ng dumating ako dito sa Maynila tungkol sa Astronomiya.

Ako po ay mahilig magsaliksik tungkol sa mga bagay na iyan dahil nakaranas na ako ng dalawang beses, yun nga lang kahit na nakakita na ako ng tatlong UFO, ay nag-aalinlangan pa rin ako. Baka gawa lang yan ng mga tao na kung saan ay mataas na ang kanilang teknolohiya at di pa pina-paalam sa karamihan kung taga-saang lugar dito sa mundo sila nakatira.

Una ko pong naranasan ay noong elementarya pa lamang ako at nakalimutan ko kung anong taun yun, pero di ko makalimutan ang nakita kong bilog na lumilipad at ito ay kulay abo (gray). Mga sampung minuto mahigit ang tinagal ng bilog at lumiit na ito ng lumiit hanggang sa maglaho.

Pangalawa ko pong karanasan noong Mayo 16, taong 2002, 16 na taong gulang na po ako. Mga alas-8:15 hanggang alas-8:30 ng gabi nang makita ko una ay iisa lamang na ilaw na maningning pa sa bituin ang nakita ko at ito ay lumilipad ng pahalang. Mga apat na segundo na paglipad niya, huminto ito at parang bala ng baril na
lumipad pataas at naglahong parang bula.

Sinundan pa ito ng isa tulad ng una, lumilipad ito ng pahalang at saka huminto rin at parang bala na lumipad pataas at naglaho.

Isa pa sa pagdududa ko kung totoo ang mga ito dahil nabasa ko po ang Genesis sa Bibliya na sa mundo lang natin nilagyan ng Diyos ng mga buhay. PERO NALILITO PA RIN AKO DAHIL NAKARANAS AKO NG MGA UFO. Kinakailangan ko pang malaman kung totoo po bang may mga E-T?”

Hanggang ngayon ay mahirap pa ring patunayan ng pisikal na ebidensiya kung totoong may nilikha mula sa ibang planeta na dumadalaw na rin dito sa ating daigdig. Ngunit ano yung mga dokumentadong imbestigasyon sa bumagsak na sasakyang hugis-platito o flying saucer sa Roswell, New Mexico noong Hulyo 2 taong 1947. Natagpuan din dito ang bangkay ng dalawang nilalang na malalaki ang ulo at mata at ang mga kamay ay may apat na mahahabang daliri.

Sa tanong ni Ishmael kung totoong may ET at kung tayo lang ang nilalang sa buong kalawakan? Sasagutin ko naman yan ng isa pang tanong: Ano kaya ang naging layunin ng Panginoong Diyos nang likhain nito ang di mabilang na mga planeta sa buong kalawakan? Alangan naman na walang silbi ang ibang planeta at palamuti lamang ang mga ito sa buong kalawakan kung walang nakatira at tayo lang ang nilalang.

Sa puntong baka gawa rin ng tao ang mga nagpapakitang UFO o flying saucer. Ang sagot ko naman ay may ganyan nang lumabas na teorya. May lumabas pa ngang balita na ang Amerika ay nakagawa na rin daw ng flying saucer ngunit inililihim lang sa publiko.

Ipagpalagay na lang natin na meron ngang nagawa ang US, ngunit ang tanong ko: Saan nakuha ng US ang ganung ka-modernong teknolohiya at materyales sa paggawa? Lalu pa nga at nabunyag na rin ang umano’y kasunduan ng pamahalaang-Amerika sa mga E-T mula sa star system Zeta Reticuli. Pinatunayan na rin ito sa naging testimonya noong Mayo taong 1989 ng imbentor na si Robert Bob Lazar na nagtrabaho bilang siyentipiko sa loob ng Area 51.

Kung totoo man ang ganitong mga testimonya ay mahirap pa ring paniwalaan ng karamihan maliban lamang kung aminin ito mismo ng mga kinauukulan at isiwalat sa buong mundo ang buong katotohanan. Ano kaya magulat na lamang tayo isang araw, matagal na palang may ugnayan at nakikisalamuha sa tao ang mga taga-ibang planeta.

Para sa inyong mga suhestyun, katanungan at karanasan mangyaring mag-text sa 0916-7931451, o kaya ay lumiham sa inyong lingkod Rey T. Sibayan, MBC Building, CCP Complex, Roxas Boulevard, Pasay City o mag-e-mail sa psiphenomena@yahoo.com.