Dracula at vampires, totoo ba?

Dracula at vampires, totoo ba?
Rey T. Sibayan
October 22, 2004

Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtatanong kung totoong may mga taong bampira o mga taong sumisipsip ng dugo ng tao para lamang mabuhay ng imortal tulad ni Count Dracula.

Ang bampira at Dracula ay naging bantog mula nang malimbag ang aklat ni Bram Stoker tungkol sa kanyang nobela na may pamagat na “Dracula” noong taong 1897. Hanggang ngayon ay tampok na sa mga pangunahing pagtitipon tuwing unang araw ng Nobyembre o mga Halloween party ang pagsusuot ng damit ni Dracula at bampira.

Sa katunayan, ang istorya ni Stoker tungkol kay Dracula ay base sa tunay na buhay ni Vlad Dracula (1431-1476).

Si Dracula ay prinsipe ng Transylvania, sa bulubundukin ng Carpathian ng bansang Romania. Ang pangalang Dracula ay halaw sa salitang Romano na ang kahulugan ay “devil” o dragon.

Sa totoo lang si Vlad Dracula ay hindi bampira, subalit nakilala ang prinsipe sa malupit nitong pamamalakad sa kanyang kaharian. Dito ibinase ni Stoker ang kanyang nobela at isinalarawan ang prinsipe sa taong animo’y sumisipsip sa dugo ng tao.

Matinding kalaban noon si Dracula dahil sa hindi nito tinatantanan ang mga ito, at sobrang lupit kung magparusa sa mga lumalabag sa kanyang kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tinagurian din siyang ‘Tepes’ o ‘the Impaler’.

Nagwakas lamang ang kalupitan ni Dracula nang siya ay patayin ng isang assassin sa pagitan ng Disyembre 1476 hanggang Enero 1477.

Gayunman, sa pananaliksik ng mga eksperto ang kuwento tungkol sa mga bampira ay mas nauna pa kay Stoker at sinasabing nagsimula pa ito noong 1047 at tinukoy dito ang isang Russian Prince bilang “Vpir Lichy” o Wicked Vampire.

Isandaang taon ang lumipas, nakatala naman sa sinulat ni Walter Map na may pamagat na “De Nagis Curialium” ang mga totoong karanasan ng mga taong nakakita ng mga nilalang na merong pangil sa England.

Dahil dito, hindi maiwasang magtuluy-tuloy ang pangamba tungkol sa mga bampira at naging matindi ang takot ditto ng mga mamamayan ng Prussia at Hungary noong 1700.

Naging laganap ng mga panahon na yun ang mga misteryong sakit, o di man kaya ay mga pagpatay na ang estilo ay katulad ng pagkagat ng mga bampira.

Hanggang ngayon ay bantog pa rin sa makabagong lipunan ang kuwento tungkol sa bampira at palaging nagtatanong ang tao kung totoong meron nito.

Ayon sa mga eksperto sa paranormal, hindi totoo ang mga taong bampira na sumisipsip sa dugo ng tao. Subalit may mga kulto ng taong tinawag ang kanilang sarili na mga bampira.

Sila yung mga taong nagdadamit ng animo’y si count Dracula, takot sa liwanag ng araw at umiinom din ng dugo ng tao.

Ang konklusyon ng mga eksperto sa mga taong ito, hindi sila maituturing na kampon ng kadiliman, yun nga lang kakaiba sila sa pangkaraniwan dahil yun ang kanilang paniniwala.