UFO Crash sa Roswell, muling iimbestigahan

UFO Crash sa Roswell, muling iimbestigahan
Rey T. Sibayan
August 24, 2004

Sampung taon matapos na isara ng pamahalaang-Amerika ang kontrobersiya tungkol sa bumagsak na hinihinalang sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal o UFO crash sa Roswell, New Mexico, mismong ang gobernador nito ang nagnanais na muling buksan ang imbestigasyon.

Ayon kay Governor Bill Richardson, “wala pang sapat na paliwanag hanggang ngayon sa misteryong bumabalot sa UFO crash, gobyerno man o mga pribadong imbestigador na nagsiyasat sa naturang insidente.

Maraming lumabas na teorya habang maraming opisyal na paliwanag ang pamahalaan ng Estados Unidos.”

Bagaman, naglabas na ng pahayag ang US Air Force na hindi sasakyang pangkalawakan ng mga ET ang bumagsak sa Roswell, marami pa rin sa hanay ng mga imbestigador at mananaliksik sa larangan ng UFOlogy na ito ay totoong spacecraft ng
mga taga-ibang planeta, subalit itinago lamang ng US government.

Iginiit ni Governor Richardson, na mas mainam na ilabas ng pamahalaang-Estados Unidos ang katotohanan tungkol sa naturang insidente para mabigyan ng kalinawan ang lahat.

Si Richardson ay napag-alamang nanilbihan din sa gobyerno ng US bilang Energy secretary ni dating President Bill Clinton.

“Kayang tanggapin ng mga Amerikano ang katotohanan tungkol sa insidente, kahit na gaano ito kahiwaga o pangkaraniwan sa mata ng tao maisiwalat lamang ang pawang katotohanan sa pamamagitan ng tamang pagsisiyasat ay malalaman talaga kung ano ang nangyari sa July 4, 1947,” ani Richardson.

Ang ganitong posisyon ng gobernador ay nakasaad din sa aklat na sinulat mismo ng opisyal na may pamagat na “The Roswell Dig Diaries” na inilathala ng Pocket Books na sinuportahan ng TV Sci-Fi Channel.

Isang aide ni governor Richardson si Billy Sparks ang nagsabing nais ng opisyal na ipawalang-saysay ang mga ulat na lumabas tungkol sa Roswell o kaya ay ilabas ang tunay na katotohanan tungkol dito lalu na ang mga itinagong detalye ng naturang insidente.

Ang ganitong posisyon ni Richardson ay bilang reaksiyon sa lumabas na report noong taong 1994 na walang misteryo at hindi totoo ang UFO crash nang ilabas ng US Air Force ang “Roswell Report: Case Closed.”

Iginiit ng US government sa report na yun na ang mga nakuhang debris o mga pira-pirasong materyales ay bahagi ng bumagsak na hindi pangkaraniwang “military research balloon”, na merong hypersensitive acoustic sensors na dinesenyo para matukoy ang anumang Soviet A-bomb test noon.

Ang kahilingan ni governor Richardson na magkaroon ng imbestigasyon sa Roswell Crash ay inasahan naming umani ng pagbatikos mula sa mga hindi naniniwala sa Ekstra-Terestriyal.

Ayon kay Dave Thomas, Pangulo ng New Mexicans for Science and Reason, isang skeptics group sa Albuquerque, Mexico, dismayado sila sa naging pahayag at pananaw ni Richardson tungkol sa Roswell Crash.

Subalit, kinampihan naman si Richardson ni Greg Graves, executive director ng New Mexico Republican Party na naniniwalang mas higit pa sa “man-made weather balloon” ang bumagsak sa Roswell.

Ayon kay Graves, nais niyang malaman ang katotohanan sa naturang nangyari dalawang taon bago pa man siya ipanganak, lalu na at malaki ang naitulong nito sa kanyang mga kababayan sa Roswell.

“Libu-libong mga tao ang nagtutungo sa Roswell taun-taon para tignan ang aming museyo. Malaki ang naitulong nito sa aming ekonomiya lalu na ng itampok ang aming lugar sa “X-files” at mga palabas sa telebisyon,” ayon kay Graves.

Ang Roswell Crash ay itinuturing ng maraming imbestigador ng UFO na isa lamang sa mga insidente na pilit itago sa publiko ng US government.

Para sa inyong mga suhestyun at di-pangkaraniwang karanasan, mag-text sa 0916-7931451 o mag-e-mail sa etsarehere@yahoo.com. #