Wala na ngang imposible sa mga panahong ito dahil habang umuusad ang panahon sa mas makabagong pamumuhay ng tao ay lalung lumalawak ang kaalaman ng mga siyentista kahit na ang naiisip nating hindi kayang gawin ng tao sa mas lohikal na pamamaraan ay maaari nang isakatuparan.
Una kong sinulat sa aking artikulo ang ginagawa nang hakbang ngayon ng mga siyentista na makagawa ng space elevator para sa mas komportable, mas mura at mas madaling makarating sa kalawakan nang hindi na kailangan
pang magsanay para sa mas mabilis na paglipad ng sasakyang pangkalawakan.
Isang balita ng BBC World Service Outlook ang bumulaga sa akin tungkol sa teknolohiyang maaaring maglaho ng parang bula ang isang tao sa isang iglap na nais nito sa pamamagitan ng kanyang kasuotan at hindi sa pamamagitan ng mahika o anumang kapangyarihan.
Alam naman ng karamihan na ang biglang paglaho ay espesyal na abilidad ng mga nilalang sa ibang dimensiyon tulad ng mga engkanto, multo, ekstra-terestriyal at iba pa ngunit sa ngayon ay maaari na itong gawin ng tao
anumang oras na nais nito.
Kung paano ito maaaring gawin ng tao, ito ay sa pamamagitan ng naimbentong “invisibility cloak” na maaaring magamit sa mga pagkakataon na kinakailangang hindi ka dapat makita ng ibang tao.
Ang nakaimbento nito ay isang hapones sa pangalang Professor Susumi Tachi at sinabing ang invisible material na kanyang ginamit ay gawa sa libu-libong maliliit na beads. Ipinakilala ni Professor Tachi ang kanyang imbensiyon
sa isang exhibition sa San Francisco noong buwan ng Hunyo at lahat ay namangha sa kanyang ginawa.
Ayon sa prupesor, ang kanyang naimbentong invisibility material ay tinagurian niyang “retro-reflectum”na gumagana sa tulong ng computer.
Ipinaliwanag ni Professor Tachi, na ang invisibility cloak ay gumagana sa pamamagitan ng computer na may kakayahang ilagay ang image ng paligid sa mismong kasuotan o tinatawag na image projection na animoy salamin at ang sinumang titingin ay hindi na ito mapapansin bagkus ay makikita na lamang kung ano ang na-generate na three-dimensional (3d) image.
Inamin naman ng Japanese scientist, na ang kanyang naimbento ay maaaring magamit sa pag-espiya sa kalaban at ang matindi pa nito ay pangambang baka mapunta ito sa mga sindikato ng mga magnanakaw at iba pa.
Ayon kay Tachi, una niyang naisip ang ideya noong taong 1977 ngunit hindi siya agad na nagtagumpay dahil sa ang image na kayang i-project noon ay “flat” at hindi kapani-paniwala.
Eksaktong 27 taon ang ginugol ni Professor Tachi para magtagumpay ang kanyang naisip na teknolohiya noon at ngayon ay maaari nang pakinabangan ng tao.
Ang mainam pa nito hindi lamang sa jacket o coat ang maaaring magawa mula sa retro-reflective material, dahil sa nais din ng siyensitang Hapones na makagawa nito para sa dingding o sahig ng eroplano para makatulong ng malaki sa mga piloto. #