Hindi na talaga mapigil ngayon ang pag-unlad ng siyensiya ng tao tulad ng hangaring marating ang kalawakan nang mas ligtas at hindi magastos.
Ito ang dahilan kung bakit nilaanan ng $10-bilyun para gawin ang isang maambisyoso ngunit mas praktikal na sasakyan patungong kalawakan na hindi na kailangang gumastos ng malaki at lumipad ng mabilis makalabas lamang sa atmospera ng ating planeta.
Si Physicist Brad Edwards, dating nagtrabaho sa Los Alamos National Laboratory at director ngayon ng research department ng Institute for Scientific Research sa Fairmont, West Virginia, ay nabigyan ng pagkakataon na ipursige ang kanyang naunang naisip noong dekada 90 na maaaring makagawa ng “space elevator”.
Binigyan ng NASA Institute for Advanced Concepts si Edwards ng halagang kalahating milyung dolyar para ipursige ang kanyang konsepto at mapakinabangan ng buong mundo sa hinaharap.
Marami ang nagsabing imposibleng gawin ang space elevator sa loob ng kahit tatlongdaang taon ngunit ayon kay Edwards sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya ng tao sa ngayon ay maaari na itong isakatuparan.
Tinukoy dito ni Edwards ang paggamit ng carbon nanotubes – ang nanoscale carbon structure na animnapu hanggang isandaang beses na mas matibay sa ordinaryong bakal ngunit napakagaan.
Ang proyekto ay tinaya ni Edwards na maaaring matapos sa loob ng labinlimang taon at posibleng mapakinabangan na ng tao pagsapit ng 2015.
Sa disenyo ni Edwards, isang rocket ay kailangang paliparin sa taas na 22-libong milya lulan ang isang “anchor satellite” na paliliparin naman sa taas na 62-libong milya kasabay naman ng pagladlad ng animo’y ribbon na gawa sa carbon-nanotubes habang ito ay pumapailanlang patungong kalawakan.
Ang kabilang dulo ay kailangang ikabit sa isang nakalutang na plaporma sa karagatan ng equator ng ating planeta, sa kanluran ng Galapagos island ng bansang Ecuador.
Kapag naging matatag na ang pagkakabit ng carbon-nanotube ribbon sa planeta at sa anchor satellite sa loob ng tinatawag na “geosynchronous orbit” sa kalawakan, ikakabit na dito ang electric elevators na paaandarin ng ground-based lasers para magdala ng anumang bagay nang hindi lalagpas sa bigat na limang tonelada.
Kapag nasa geosynchronous orbit ang 45-toneladang Anchor Satellite ay ipapadala naman nito pabalik sa Earth ang carbon-fiber-filament payload para ikabit sa base station.
Mahigit sa 200 “climbers” para dagdagan ang animo’y grado ng carbon-nanotube ribbon hanggang sa lumapad ito ng isang metro bilang kable kung saan ikakabit ang elevator.
Inaasahan naman ni Edwards na may mga kakaharapin silang problema tulad ng masamang kalagayan ng panahon, bagyo, meteorites, nakakasirang atomic oxygen at paglalagay ng laser system, maituturing naman aniya itong malaking hamon sa larangan ng physics at engineering.
Kapag nagtagumpay ang naturang proyekto ay mas mainam itong gamitin kesa sa karaniwang pagpapalipad ng mga space shuttle at space rockets para sa paglalagay at maintenance ng satellite sa orbit ng Earth.
Ang pinakamaambisyosong gamit pa nito ay ang mas madaling paglapag ng tao sa buwan at sa iba pang karatig planeta tulad ng Mars.#