Alien Abduction, Totoo ba ito?

Marami nang mga dokumentadong kaso sa ibang bansa lalu na sa Estados Unidos ang nagsasabing totoo ang alien abduction o ang sapilitang pagkuha sa mga tao ng mga nilalang mula sa kalawakan o mga tinatawag na ekstra-terestriyal (ET).

Bagaman may mga pagtatalo o debate tungkol dito ang mga mananaliksik at mga imbestigador, ang mga biktima ng ganitong pangyayari ay tapat sa kanilang testimonya bagaman magkakaiba ang sinapit nang kunin ng mga ET, iisa naman ang kanilang paniniwala batay sa kanilang karanasan na totoo lahat ang kanilang nakita, naramdaman at naranasan.

Si Budd Hopkins, isang sikat na imbestigador ng alien abduction sa Amerika ay kumbinsidong totoo ang mga pagdukot o pagkuha ng mga ET batay sa nasiyasat na niyang maraming kaso ng ganitong kakaibang karanasan ng tao.

Ito ang dahilan kung bakit itinatag ni Hopkins ang Intuders Foundation, isang non-governmental group na naglalayong matulungan ang mga taong dinala ng mga kakaibang nilalang mula sa ibang planeta.

Sa ulat ni Ian Gillespie ng London Free Press, batay sa kanyang sariling pananaliksik ay kumbinsido siyang marami na ang dumanas ng alien abduction.

Sa katunayan aniya, marami nang mga grupo sa ibat-ibang panig ng mundo lalu na sa US at Britanya ang nag-aalok ng kani-kanilang serbisyo sa mga taong dumanas ng sapilitang pagdukot ng mga ekstra-terrestriyal.

Binanggit niya na kung papasok kayo sa Google Search ng Internet at itipa mo ang katagang “alien abduction” humigit-kumulang sa 85-libong mga testimonya, mga grupo at mga kasaysayan o ulat na nagpapatunay na karaniwan na itong nangyayari ngayon.

Kung sa buong akala natin ay pawang mga kathang-isip lamang ito bakit marami na ang naglalaan ng panahon para ito ay siyasating mabuti.

Batay sa ulat ng British Broadcasting Company, apat na milyung mga Amerikano ang nagsabing sila ay mga biktima ng alien abduction.

Dito sa Pilipinas, may mga nakausap na nagsabing sila ay nagkaroon ng pagkakataong bigla na lamang dinala sa kakaibang lugar habang sila ay tulog at nakita nila ang mga kakaibang nilalang na may malalaking mata. Dahil sa ganitong mga ulat, ang mga kaso ng alien abduction ay hindi maituturing na mga kuwentong kutsero.

Ano ba ang pangunahing layunin ng mga ET kung bakit nila ito ginagawa sa tao? Batay sa aking pananaliksik tungkol dito dalawang klase ang pangunahing layunin ng alien abduction – maaaring ito ay may masama o mabuting intensiyon. Ito ay depende rin sa karanasan ng bawat biktima.

Ang masamang intensiyon na natukoy dito ng mga eksperto, ay ang masusing pag-aaral na ginagawa ng mga ET sa pisikal na katawan ng tao na karaniwang ginagawa ng isang uri ng alien na tinatawag na “Grey” mula sa Zeti Reticuli Star System sa kalawakan. Ang Grey alien ay may taas na 3 hanggang 4 na talampakan, mala-bombilya ang ulo at maituturing na mapanganib na ET na may malalaking kulay itim na mata at kulay abo o gray ang balat.

Ang maituturing namang mabuting intensiyon ng alien abduction ay ang pagkuha sa tao hindi para pag-aralan ang katawan kundi ay para kausapin at bigyan ng magagandang mensahe na nagbibigay ng inspirasyon sa tao tulad ng pagmamahalaan, kapayapaan, pangangalaga sa kalikasan at ipinapaliwanag na mabuti ang kanilang mabuting intensiyon kung bakit sila narito sa ating planeta.

Ito ay karaniwang ginagawa ng ibang uri ng alien na matatangkad at pawang unat ang mga katawan, may malalaki o may katamtamang laki ng mata na may malalaking hugis-bombilyang ulo. Ang mga ito ay karaniwang nagpapakilang mula sa mga karatig-planeta at ibang star system.

Sa pamamaraan ng alien abduction ay maituturing din itong dalawang klase. Una, ang pagkuha sa buong pisikal na katawan ng tao na karaniwang nangyayari kapag tinamaan ng kakaibang liwanag ang biktima saanman ito naroon ngunit kalimitan ay sa ilang na lugar; at ang pangalawa ay ang pagkuha habang tulog ang isang tao, maaaring ito ay pisikal o espiritwal.

May mga palatandaan din na maaaring masabi na biktima ng abduction ang isang tao, masama man o mabuti ang intensiyon. Ito ay epekto ng proseso ng abduction at ang paglalagay ng implant o mga maliliit na bagay na nagsisilbing tatak o marka na ang isang tao ay nakuha na.

Kabilang sa mga palatandaan ng alien abduction na maaari pa ring siyasating mabuti ay ang palaging pagdurugo ng ilong o sanmang lugar sa katawan na di kayang ipaliwanag ng duktor; mga panaginip o bangungot na paralisado ang katawan at parang dinala ka sa kakaibang lugar; ang pakiramdam na palaging may sumusubaybay o nakatingin sayo; interes sa kalawakan o buhay sa ibang planeta; nakakita ng alien o UFO sa panaginip man o habang gising; palaging pananakit ng ulo na hindi kayang pahupain ng gamot; may matinding reaksiyon pag nakakita ng larawan ng alien; mga hindi maipaliwanag na pasa o peklat sa katawan; panaginip na lumilipad; at marami pang iba na maaaring gawing basehan na kayo ay kinuha o inimbitahan ng mga alien o ekstra-terestriyal.

Kung meron kayong ganitong mga karanasan mag-email lamang sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang FB Page: Misteryo Pilipinas. Pwedeng pumasok sa FB Group: Misteryo Paranormal Network (MPN)

One thought on “Alien Abduction, Totoo ba ito?

Comments are closed.