Roswell, Déjà vu at Panaginip
Rey T. Sibayan
January 18, 2006
Kada labas ng aking artikulo ay marami sa ating mga kababayan ang nais na ibahagi ang kanilang kakaibang karanasan na hindi basta maipaliwanag maliban lamang kung ikaw ay nasa larangan ng paranormal.
Sa kabila ng may mga tao na nais akong patahimikin ng ilang grupo dahil salungat sila sa aking paniniwala at isinusulat sa aking kolumn, ay marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nagtatanong kung ano ba ang ibig sabihin ng kanilang mga karanasan.
Wala akong hangarin na baguhin ang paniniwala ng sinumang nakababasa ng aking sinusulat bagkus ay nais ko lamang na ihayag ang mga pangyayari na hindi basta maipaliwanag ng relihiyon o ng siyensiya.
Ang layunin ng aking kolum ay mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ng ating mga kababayan na merong ibat-ibang karanasan sa kanilang buhay. Mga karanasan na hindi nila basta masabi sa kapwa sa takot na sila ay pagtawanan lamang dahil hindi sila maintindihan. Sa abot ng aking kakayanan at kaalaman ay pinagsisikapan kong masagot ang inyong mga katanungan.
Tanong ng 09063426136: Magtatanong lang po ako tungkol sa mga alien at sa Roswell kung talagang nangyari ito sa New Mexico?
RS: Ang Roswell UFO Crash ay nangyari nung gabi ng Hulyo 2, 1947 nang bumagsak sa Rantso ng mga Foster malapit sa Corona, New Mexico ang isang flying saucer. May mga nakuhang pira-pirasong bahagi ng kakaibang sasakyan si William “Mac” Brazel at ang kanyang 7-taong gulang na batang kapitbahay na si Dee Proctor.
Noong Hulyo 6, 1947, ipinakita ni Brazel ang pira-pirasong bahagi ng sasakyan kay Chaves County Sheriff George Wilcox. Tinawagan naman ni Wilcox ang Roswell Army Air Field at kinausap si Intelligence Officer Major Jesse Marcel na agad namang nagtungo sa tanggapan ng sheriff at tinignan ang debris ng bumagsak na sasakyan.
Hulyo 8, 1947. Ipinag-utos ni Col. William “Butch” Blanchard, commanding officer ni Marcel, na maglabas ng press release si 2nd Lt. Walter Haut at ihayag sa publiko na merong natagpuang bumagsak na flying saucer ang US Army. Si Haut ay siyang public information officer ng 509th Bomb Group sa Roswell AAF. Agad na dinala ni Haut ang statement kay Frank Joyce ng radio station KGFL at mula noon ay umugong na ang balita tungkol sa bumagsak na flying saucer.
Kinahapunan, ay binawi ni General Roger Ramey sa isang press conference ang unang istorya tungkol sa bumagsak na flying saucer at sinabing ito ay hindi isang UFO kundi isang weather balloon. May ulat din noon na may mga nakuhang katawan ng kakaibang nilalang sa kinabagsakan ng flying saucer ngunit lahat ng ito ay pilit na pinagtakpan ng pamahalaang Amerika.
Tanong ni Sed ng Batangas: Ano po ibig sabihin ng panaginip pag nakita mo ang sarili mo na nagdadalang tao? Ano rin po ang puting kabayo
RS: Karaniwan ang isang panaginip ay mensahe ng iyong subconscious mind para malutas ang isang problema o isang sitwasyon sa buhay. Para sa isang dream interpreter, kailangan nya ang buong detalye ng iyong nakita sa panaginip para makuha ang buong kahulugan. Ang isang pagdadalangtao sa isang panaginip ay marahil isang bagong pag-asa o bagong buhay. Ang puting kabayo ay maituturing na isang simbolo ng paglalakbay ngunit tulad ng sinasabi ko hindi makukuha ang eksaktong kahulugan kung hindi buo ang detalye.
Tanong ni Mila Paz Demonteverde: Ask ko lang po kasi kaming magkakapatid na babae ay pare-pareho ang panaginip at madalas po naming napapanaginipan na yung bahay po naming na nun na up and down ay may butas na malaki sa gitna na ngayon po ay sementado na dahil na-renovate na po.
RS: Nais ipahiwatig ng inyong panaginip lalu na at pare-pareho kayong nakakita nito sa panaginip na isang babala ng hindi pagkakaunawaan sa inyong pamilya. Ang bahay ay simbolo ng isang tahanan na ang butas sa gitna nito ay marahil magkaroon ng away o problema sa relasyon sa isat-isa.
Tanong ng 09273331427: Kuya Rey bakit po yung nangyayaring iba sa akin ay nangyari na pero alam kong hindi ko pa naman ginagawa. Bigla na lang po itong pumapasok sa isip ko na nangyari na. Pakisagot lang po.
RS: Ang isang sitwasyon na akala mo ay nakita mo na noon ngunit ngayon mo lang naranasan ay ang tinatawag na “déjà vu”, isang katagang Pranses na ang ibig sabihin ay already seen o nakita na. Ang déjà vu o paramnesia ay katagang itinawag ni French psychic researcher Emile Boirac sa kanyang aklat na L’Avenir des sciences psychiques (The Future of Psychic Sciences).
Bagaman, sa hanay ng mga siyentista ang déjà vu ay isang problema sa kaisipan ng tao, ngunit sa hanay ng mga mananaliksik sa paranormal at naniniwala sa memorya ng ating kaluluwa at kakayanan ng isip na makita ang hinaharap ay maituturing itong normal na kundisyon.
Karaniwan na itong nangyayari ngayon sa tao dahil marami na ngayon ang nagiging sensitibo sa mga nangyayari o mangyayari pa lamang. Ang isang sitwasyon na ipinakita na sa iyo bagupaman mangyari ay isang dapat ninyong bigyan ng halaga para sa inyong sariling kapakinabangan.