Maniwala man tayo sa hindi, nangyayari na ngayon ang masasabi nating mga pagbabago sa ating planeta na nagreresulta sa maituturing nang abnormal na temperatura, lakas ng bagyo, mga lindol at iba pa.
Samut-saring mga espekulasyon tuloy ang ating naiisip. May mga nagsasabi na ito daw ay tanda na ng papalapit nang katuparan ng mga sinaunang prediksiyon na posibleng magwakas na ang mundo lalu na at usap-usapan na ngayon ang sinasabing katapusan ng Mayan Calendar pagsapit ng Disyembre 21, 2012.
Ang petsang ito ay sadyang kinatatakutan dahil sa magkakaron ng mas matinding pagbabago sa ating planeta, dulot ng impluwensiya ng alignment ng ating mundo sa araw at sa kalagitnaan ng Milky Way Galaxy.
Kabilang sa matitinding epekto nito ay ang polar shifting kung saan ang North Pole at South Pole ay mapupunta sa Equator ng ating planeta, na ang mas matinding epekto ay ang pagbabago sa ating klima. At kung mangyari man ito ay isipin na lang po natin kung ano ang maituturing na worst-case scenario.
Ngunit, marami sa atin ang naniniwala na hindi mangyayari ang kinatatakutan ng lahat na tuluyan nang magwawakas ang buhay ng tao sa planetang ito dahil sa buo ang ating tiwala sa Diyos na hindi nito kailanman sisirain ang kanyang nilikha.
Bagaman, masasabi nating hindi maaaring sirain ng Diyos ang kanyang nilikha sa planetang ito, ngunit mahirap tanggapin ang katotohanan na ang mga nangyayari sa planetang ito ay epekto na rin ng impluwensiya ng anumang “normal” na kaganapan sa mga planeta sa ating Solar System at anumang mga pangunahing kaganapan sa kalawakan.
Sinasabi kong normal dahil sa aking personal na paniniwala batay na rin sa pag-aaral ng mga siyentista, ang mga nangyayari sa ating kalawakan ay natural dahil sa ang ating Universe ay parang tao na may normal ding buhay na dapat niyang gampanan na kapag hinadlangan mo ay baka lalu pang magiging mas malala ang epekto.
Bukod sa planetary alignment ay meron ding matatawag na comets alignment tulad na lamang ng alignment ng tatlong kometa – 17P/Holmes, 8P/Tuttle, at Boattini na inaasahang magaganap sa darating na Disyembre 18-31 2007.
Ayon sa pag-aaral ng mga astronomer, ang ganitong alignment ng mga comet ay hindi dapat na ipinagwawalang bahala dahil sa posibleng masamang epekto nito sa ating planeta, kung anuman ang impluwensiyang dulot nito.
Napatunayan na ang matinding impluwensiya ng comets alignment na ito noong Disyembre 26, 2004 nang magkaroon ng lindol at tsunami sa Indonesia na kumitil ng libu-libong buhay noon.
Harinawa ay hindi mangyari ang mas matinding epekto ng alignments na ito sa ating planeta, gayunpaman, kailangang maging handa tayo sa anumang magiging kaganapan.
Mainam na samahan natin lagi ng panalangin na kung sakali mang di maiwasan ay wala sanang buhay na madadamay at kung di maiwasan na may mamatay ay hindi sana higit pa sa bilang ng mga namatay sa mga naunang kalamidad.
Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09167931451. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com.#