Tuwing bagong taon, lagi tayong nag-iisip at nagtatanong kung ano ang ating kapalaran sa buong taon.
Karaniwan nang sumasangguni ang iba sa mga psychic o “manghuhula” (hindi naman angkop na itawag sa kanila ang ganung pangalan, dahil sa ang anumang katuparan o hindi sa kanilang nakita sa baraha o anumang gamit ay nakasalalay pa rin sa desisyon, kaisipan at gawain ng sinuman).
Ang iba naman ay nakasanayan nang lumapit sa mga eksperto sa pungsoy (fengshui), astrologer at iba pang tao na may kakayanan na silipin ang kapalaran sa hinaharap o tinatawag sa katagang ingles na soothsayer, oracles (orakulo) o clairvoyant.
Bagaman alam ng karamihan na tutol ang simbahan at iba pang relihiyon sa ganitong mga hakbang ay hindi maaaring pigilin ang marami sa tao dahil sa una umaasa silang sa kahit ganitong paraan ay malalaman nila ng mas maaga kung meron nga bang naghihintay na magandang kapalaran sa kanila.
Mahirap ding itanggi ang katotohanan na merong iba na para magkapera ay puro magagandang salita ang maririnig mo habang binabasa ang umanoy kapalaran mo sa buhay at pinaaasa ang sinuman na ang mga pangarap ay magkakaroon ng katuparan.
Ang masaklap noon kapag hindi natupad ang mga sinabi ay saka siya babalikan ng taong umasa sa magandang kapalaran at sasabihan siyang huwad o fake na maaari pang humantong sa pananakit.
Ang nais ko lang linawin tungkol sa paksang ito, ang mga tunay na psychic at ang mga nag-aral sa astrolohiya paniwalaan man natin sa hindi ang kanilang angking abilidad ay meron talagang kakayanan na silipin ang kapalaran ng isang tao sa mga darating na araw, linggo, buwan o taon sa buhay nito dahil sa pagiging sensitibo nito sa mga enerhiya (vibrations) at kunin ang mga impormasyon sa kabilang dimensiyon o akashic records o sa paniniwalang Kristiyaho na Book of Life.
Ngayon, bakit may mga pagkakataon o maaaring kadalasan ay hindi nagkaroon ng katuparan ang mga nakita sa baraha, bolang Kristal at nasagap na mga enerhiya o impormasyon sa kabilang dimensiyon? Ito ay sa isang simpleng sagot ko na “FREE WILL”- ang kalayaan na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos na mag-isip at magdesisyon ng naaayon sa ating kagustuhan kahit na hindi na natin iniisip kung ano ang magiging epekto sa ating buhay o sa ibang tao na nakapaligid sa atin.
Dito papasok ang kasabihang, tayo bilang tao ay gumagawa ng ating sariling kapalaran batay sa ating desisyon o hakbang na ginagawa sa pang-araw araw na buhay. Kung ganito ang sistema na tayo pala ang gumagawa ng ating kapalaran ay balewala na pala ang pagsangguni sa mga psychic at mga astrologer? Para sa akin, hindi ito balewala dahil sa nung oras na sumangguni ka sa kahit sino sa kanila ay talagang nakita nila ang iyong magiging kapalaran, ngunit habang umuusad ang panahon bawat segundo ng iyong buhay pagkatapos mong sumangguni ay magkakaroon na ng pagbabago sa kapalarang iyon batay sa iyong sariling mga desisyon.
Sadyang mahalaga na para maging maganda ang ating kapalaran sa bawat segundo, minuto, oras, araw, linggo, buwan o taon ng ating buhay ay isipin muna nating mabuti kung ano ang desisyon bago tayo humakbang. Malaking bagay dito ang positibong kaisipan kung saan wag nating isipin na hanggang ganito na lang ang buhay natin at wag nating kalilimutang manalangin at manalig sa Diyos. #