Habang umuusad ang ating panahon, sari-saring karanasan ng ating mga kababayan ang aking natutuklasan na hindi kayang maipaliwanag ng lohikang kaisipan tulad na lamang ng mga nararamdaman, naaamoy at nakikitang mga nilalang.
Bagaman tayo ngayon ay masasabing nasa makabago nang panahon dahil sa pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya, tila sumasabay at ayaw mawala sa ating personal na buhay ang mga misteryo at hindi kayang maipaliwanag na mga pangyayari.
Kung noon ay pilit na itinatago ng tao ang mga misteryong bumabalot sa kanilang kakaibang karanasan, ngayon ay masasabi kong unti-unti nang lumalantad ang tao para isiwalat ang mga ito sa pag-asang magkaroon ng kasagutan sa kanilang mga katanungan.
Tunay ngang ang ating daigdig na ginagalawan – ang pisikal na realidad ay karaniwan na ngayong ginagalawan ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon o kilala rin bilang kabilang buhay.
Lalu na at dumarami na ngayon ang nakakaranas ng paglitaw ng mga kakaibang nilalang sa ating pisikal na realidad, na mahirap na tanggapin ng ating isipan dahil sa limitadong kaalaman o kundi man ay dahil sa wala ito sa turo ng ating relihiyon.
Saka lang natin nauunawaan ang lahat at sasang-ayon tayo na totoo ang mga nilalang na ito kung bubuksan lang natin ang ating isipan at tanggapin ang paliwanag ng mga taong nabigyan ng di man sapat ay merong konting nalalaman sa ganitong mga karanasan.
Ito ang isa sa mga layunin ng inyong lingkod sa aking pagsusulat tungkol sa paranormal at malaki ang aking pasasalamat sa Poong Maykapal sa kabila ng mga masamang pagpuna sa kin ay napag-iibayo ko ang paglalahad ng katotohanan tungkol sa mga kababalaghan.
Kabilang sa mga misteryo na aking sinikap na mabigyan ng lohikang kasagutan ay ang mga katanugan tungkol sa manipestasyon o pagpaparamdam ng mga engkanto o mga nilalang dito sa kalupaan o tinatawag na earth elements o elementals.
Bobot Pamplona ng Iloilo: Totoo ba malas sa negosyo kung ang bahay namin ay may tikbalang at mga duwendeng puti at itim.
RS: Para sa akin wag nating isisi sa mga engkanto o mga elementong tulad ng tikbalang, duwende at kapre ang anumang kamalasan na dumarating sa ating buhay. Bagaman aminado ako na ang mga engkantong masama ay nagdudulot ng negatibong epekto sa kabuhayan ng tao, ngunit ang mahalaga dito ay nasa tao rin dahil sa meron tayong sariling kaisipan at kapasyahan kung mabuti o masama ang pananaw natin sa ating buhay. Maaaring kaya naging aktibo o mas malakas ang kamalasan na dumating sa buhay dahil na rin sa masama nating kaugalian o naiisip. Marami nang pananaliksik ang ginawa na nagpapatunay na kayang impluwensiyahan ng ating kaisipan ang takbo ng ating pamumuhay at hindi rin malayo ang posibilidad na nahahatak natin ang mga negatibo o masasamang elemento sa ating buhay.
Tanong: Gud pm po ano po kaya ung nagpapaamoy skin lalu na kung my sakit ako masangsang ang amoy na parang anghit na parang natuyong ihi pero nawawala rn kapag panay ang salita ko na ang baho dito po ito sa tirahan kong bukid tapos may hinihiram siyang mukha pero di naman pala siya ang taong kilala ko.
RS: Likas na sa mga engkanto ang mapagbiro at nagiging mas akbito na sila ngayon sa pakikisalamuha sa tao, hindi tulad noon na sa mga ilang na lugar lang natin sila nasusumpungan. Sa katunayan dito sa kalunsuran ay pagala-gala na rin sila. Ang masangsang na amoy na merong kaakibat na mapanghi ay posibleng manipestasyon ng tikbalang. Maaaring gusto lang magpapansin o kundi man ay kasa-kasama na sa inyong bahay, maaaring dahil sa nasira ang kanyang dati’y tinitirhan.
Alam po ninyo sa totoo lang may kaakibat na awa ang aking nararamdaman sa mga engkanto lalu na dito sa kalunsuran dahil sa patuloy na pag-unlad ng pamumuhay ng tao ang resulta ay ang pagsira din sa likas na yaman tulad ng mga punungkahoy na nagsisilbing tirahan ng mga elemento at sila ay nagiging skuwater na rin.
Iyan ang isa pa sa nakikita kong dahilan kung bakit ang ibang mga engkanto ay napipilitan nang makitira sa loob ng bahay ng mga tao, ngunit ating tignan mabuti kung masama na ang ginagawa ng mga ito tulad ng pananakit, dahil sa kailangan na dito ang tulong ng mga eksperto sa pagharap sa mga espiritu.