Mga Boses, UFO at Malalim na Bangin sa Panaginip

Mga Boses, UFO at Malalim na Bangin sa Panaginip
Rey T. Sibayan
January 30, 2006

Naritong muli ang hanay ng mga katanungan ng mga kababayan tungkol sa kanilang mga kakaibang karanasan sa daigdig ng kababalaghan at misteryo habang tinatatahak ang buhay na ito.

Marami na ang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa pag-asang magkaroon ng kasagutan ang kanilang matagal nang katanungan sa kanilang isipan mula sa kanilang panaginip hanggang sa pang-araw araw nilang buhay.

Isa sa mga kababayan natin ang nagtanong kung ano ang tungkol sa malalim na bangin sa panaginip. Bagaman ang panaginip ay maituturing na salamin ng ating pang-araw araw na buhay kung ano ang mundong ginagalawan natin, kung ano ang pakikisalamuha natin sa kapwa, kung ano ang nararamdaman natin, kung ano ang naiisip natin, kung ano ang dumarating na mga problema sa ating buhay at kung paano natin ito haharapin. Ang panaginip din ay isang realidad na ang bahagi ng iyong kaluluwa ay nasa ibang daigdig at dun naglalakbay.

May tanong tungkol sa malalim na bangin sa panaginip si Richard, isang estudyante ng Capiz, Aklan.

“Nabasa ko po sa Balita ang kuwento ng ilang kababayan natin na may tanong sa sarili na di pa nasasagot. Nung highschool pa po ako nung gabi yun hindi ako makatulog. Tapos ng tulog na family ko napakatamihik ang paligid, bigla lang po ako may narinig na boses. Dahil po sa natatakot ako, hindi ko pinakinggan yun. Ang boses na yun ay napakaminor ang tinig. Simula noon ay lagi na ako nananaginip hanggang sa ngayon. Unti unti na naman bumabalik ang isip ko. Bakit isa pang kinatatakutan ko na alam ko nasa higaan na ako at nananaginip lang ako. Bakit po hindi ko maigalaw ang aking katawan ko ganun pa rin. Ang panaginip ko ay parang nahuhulog sa isang napakalalim na bangin na walang katapusan at wala ako magawa sa sarili ko. Ano po kaya yung bangin na palagi ako nahuhulog na walang katapusan ang lalim at napakadilim halos wala ako makita pero nakakramdam lang. Akoy nagdarasal lamang tapos nun. Wala ako magawa sa sarili ko kundi manalangin na lang at unti unti naman siyang bumabalik sa normal. Di ko lang maintindihan kung bakit ganun. Hindi kaya bangungot?”

RS: Una muna sagutin ko lang ang tanong mo Richard tungkol sa narinig mong boses. Kung lahat ng posibilidad na hindi ito mula sa isang tao tulad nga ng sinabi mong tulog na ang lahat ay bigla mong narinig, maaaring ito ay mula sa espiritu o nilikhang hindi mo nakikita. Kadalasan ang mga espiritung ganito ay gustong magpapansin, ibig sabihin kailangan nila ng iyong atensiyon. Kahit na sinong espiritu ay maaari itong gawin, ngunit sa aking palagay ay kadalasang gumagawa nito ay mga elemento ng lupa tulad ng mga duwende, kung maliit ang boses at kapre kung malalaki ang timbre ng boses ginagawa din ito ng mga kilala sa tawag naging engkanto, mga nilalang nasa daigdig ng mga engkantada. Maaari mong kausapin ang mga elementong ito ngunit mag-ingat lamang dahil hindi natin matiyak kung ang mga espiritung ito ay may layuning masama o mabuti, mainam na alam mo rin kung ano ang takbo ng magiging usapan ninyo. Kung takot kayong sumagot sa paniniwala ng mga matatanda na wag sagutin baka may mangyaring masama ay nasa iyo ang desisyon, hindi ka naman nila pipilitin ngunit hindi mo rin sila mapigil na ikaw ay kulitin. Maalala ko noong 1994 nang nagbakasyon ako sa aming bayan sa La Union ay bigla ako nagising ng hatinggabi dahil sa animoy maliliit na kamay na kumikiliti sa aking mga talampakan at may narinig akong maliliit na boses at naghahagikgikan sa tuwa. Noon ko rin nalaman na ang mga maliliit na boses ay mula sa mga maliliit na nilalang – mga duwende.
Ang malalim na bangin sa panaginip ay simbolo ng kawalan mo ng kontrol sa iyong buhay at di mo alam kung saan ka direksiyon patungo. Nais iparating sa iyo ng iyong panaginip na matuto kang magplano at tignan mong mabuti ang iyong patutunguhan para hindi ka mahulog sa bangin. Ngunit sa kabila ng ganitong kahulugan ng panaginip ay totoo naman talaga itong nangyari sa kabilang daigdig na tinatawag nating astral world. Sa mga eksperto ng Astral Projection at Traveller, ang panaginip ng pagkahulog sa bangin ay patunay lamang na lumabas ng iyong katawan ang bahagi ng iyong espiritu. Ang pagkahulog sa bangin ay ang muling pagbalik sa iyong katawan mula sa isang paglalakbay sa iyong panaginip. Tandaan na halos lahat ng panaginip natin ay totoong astral projection o travel ngunit karaniwang nakakalimutan natin ang ating panaginip. Maaalala ko minsan nang lumabas ako ng katawan ko ay naramdaman ko ang sarili ko na para akong hinihigop ng isang malakas na pwersa pabulusok sa malalim na bangin. Hindi ito makontrol dahil sa otomatikong hinahatak ng ating katawan ang bahagi ng ating espiritu kapag tapos na ang itinakdang panahon sa paglalakbay mo at kung merong panganib habang nasa labas ka ng iyong katawan.

Tanong ni Jane Javier ng Zamboanga City: “Ask lang po totoo po ba yung ufo o et kasi po gustong gusto kong makakita , kaso lang ayaw magpakita. Nabasa ko po sa column niyo at na-excite po ako. Maganda pala ang BALITA. May GOD bless you and your publishing company.”

RS: Kung totoo man o hindi ang UFO o ET, nais kong itanong sa inyo, “ano ang silbi ng mga bilyun bilyung mga planeta na nilalang ng Diyos sa buong kalawakan, kung tayo lang mga tao o nilalang ang nakatira sa iisang planeta? Hindi ba at malaking pagsasayang lamang ng enerhiya at panahon kung walang ibang nilalang bukod sa atin? Marami na ring mga patotoo na sila na nakakita sila at nakipag-ugnapan sa mga ET at nakakita na ng mga UFO, hindi pa ba sapat yun para paniwalaan na nandito na sila? Gayunman, hindi layunin ng inyong lingkod na kumbinsihin ang sinuman na maniwala sa kanila, mas mainam na paniwalaan niyo na lang kung ano ang inyong mga naging karanasan.Kung nais mong makakita at hanggang ngayon ay wala pa, mainam na hintayin na lamang ang takdang panahon kung nais na nilang makipag-ugnayan sa iyo.