Bakit May Diyos

Ang Diyos…Ano ba ang pagkakakilala natin sa kanya? Marami sa atin ang naniniwalang ang Diyos ang lumikha ng lahat hindi lamang sa planetang ating ginagalawan kundi sa buong kalawakan o Universe.

May mga naniniwala naman na ang Diyos ang lumikha rin sa lahat ng mga nilalang sa kabilang buhay o ibang dimensiyon kabilang na rito ang mga Anghel, mga elemento at maging ng mga Ekstra-Terestriyal.

Ngunit sa kabilang dako naman, may mga tao ang di naniniwala na merong Diyos bagkus ay tayo bilang tao ay may kalayaan na hubugin ang ating buhay bilang isang nilalang na hindi dapat iasa sa Diyos.

Kanya-kanyang paniniwala, kanya-kanyang interpretasyon, kanya-kanyang opinyon resulta ng kanya-kanyang relihiyon at kanya-kanyang antas ng kaisipan – kapag nagkatagpo ay maaaring magresulta sa away o mauwi sa madugong digmaan.

Ngunit sa kabila ng mga natutuhan natin sa ating buhay sa larangan ng relihiyon at iba pang pang-espiritwal na mga aktibidad, hanggang ngayon ay hindi natin maarok kung sino nga ba ang Diyos – may mga nagsasabi nga “wag mo nang ipaliwanag kung sino at ano ang Diyos” ang mahalaga ay buhay ka sa mundong ito, kung akala mong may Diyos na lumalang, umaalay at tumutugon sa ating mga dalangin habang tayo ay nabubuhay, sige lang, kung di ka naman naniniwala na may Diyos ay meron tayong kalayaan na mabuhay alinsunod sa ating pinaniniwalaan.

Ang Diyos batay sa nakagisnan ng ibat-ibang lahi ng tao ay tinatawag din sa ibat-ibang pangalan alinsunod sa paniniwalang pang-relihiyon at espiritwal. Ang Diyos ay tinatawag sa pangalang Supreme Being, Elohim, Jehovah, Yahweh, El Shaddai, Holy Zeus, Jupiter, Brahma, Allah, Ra, Odin, Deus, Amlak, Jah, Ashur, Bhagavan, Paramatma, Ishvara,Baquan, Anami Purush, Radha Swami, Izanagi, Viracocha, Ahura Mazda, Mwari, Gitche Manitou, Sugmad, Hu, Shang Ti, Shen, Khoda, Dakilang Espiritu, Holy Ghost, Diyos Ama, The One, at tinatawag din bilang siya ring Inang Kalikasan.

Bunsod nito, marami nang mga argumento tungkol sa Diyos kung totoo nga bang may Diyos o wala. Para sa mga nasa paniniwalang Atheism, hindi sila naniniwalang may Diyos at walang basehan para sa paniniwalang espiritwal. Sa paniniwalang Satanism ang pinaniniwalaang diyos ay ang sarili ng isang tao at yun ang dapat na sambahin at hindi ang sinuman kaiba sa sarili.

Magkakaibang pananaw tungkol sa Diyos na ang resulta ay walang katapusang baliktaktakan at pagtatalo sa tao na hindi naman dapat mangyari dahil sa kung tutuusin dapat nating pahalagahan ang buhay na ating tinatamasa sa ngayon anuman ang antas ng pamumuhay.

Wala akong harangin na salungatin ang paniniwala ng ibang tao ngunit para sa akin ang paniniwala natin tungkol sa Diyos ay dapat nating ibase sa personal nating karanasan sa buhay.

Maaari kasing hindi paniwalaan ng ibang tao ang iyong karanasan na para sa sayo ay siyang totoo. Mahirap ipilit sa ibang tao ang pinaniniwalaan mo kung para sayo ay personal mong nakita ang anumang magandang resulta sa buhay.

Kamakailan lang ay tinanong ako ng ilang kabataan tungkol sa Diyos at iginiit ng mga ito na ang Dakilang Lumikha para sa kanila ay isang Judgemental GOD na kapag nakagawa ka ng kasalanan alinsunod sa paniniwalang Kristiyanismo ay huhusgahan ka at itatapon ka sa impiyerno samantalang ang mga mabubuti ay sa Kalangitan.

Ayaw kong makipagtalastasan tungkol sa ganitong paksa ngunit para sa akin ang paniniwala ko, ang Diyos na alam ko ay hindi mapanghusga dahil sa lahat ng kanyang nilalang ke mabuti ka o masama ka sa mata Niya o sa mata ng tao ay MAHAL NIYA.

Hindi ako salungat sa anumang itinuturo ng ibat-ibang relihiyon lalu na sa kinagisnan kong Katolisismo ngunit ang alam ko meron tayong kalayaan na paniwalaan ang anuman na para sa atin ay tama.

Kung sasandal tayo sa paniniwalang ang Diyos ay nanghuhusga ay balewala na ang lagi nating sinasambit na ang Dakilang Lumalang sa atin ay “ALL-LOVING, ALL FORGIVING GOD.”

Lalu pang nagulat ang mga kabataan sa aking sinabi na ang Diyos na alam ko ay hindi nagagalit, hindi nagseselos, hindi pinipili kung sino lamang ang kanyang dapat na MAHALIN dahil sa lahat tayo ay MGA ANAK NIYA na hindi niya dapat gawing mas espesyal ang isa at ang iba ay hindi.

Para sa aking personal na pananaw sabi ko sa kanila, PANTAY ANG PAGTINGIN ng Diyos sa ating lahat kahit na gaano ka KASAMA O KABUTI dahil sa siya ay punung-puno ng pagmamahal na hindi mo maaaring ihambing kaninuman at hindi natin siya maaaring ihambing sa mga katangian ng isang tao dahil nga sa siya ay DAKILANG DIYOS AT DAKILANG ESPIRITU na hindi natin kayang arukin ang kanyang KALOOBAN.