Paano Harapin ang mga Multo

Paniwalaan man natin sa hindi, tayo ay napapaligiran ng mga nilalang na hindi natin nakikita, saanman man tayo magtungo, saan man tayo manatili at anuman ang ating ginagawa sa pisikal na mundo na ating ginagalawan.

Ito ay dahil sa katotohanan na ang espiritwal na mundo o dimensiyon ay sumasabay sa pisikal na realidad dahilan kung bakit marami ang nakakakita ng mga multo o mga espiritu sa ating kapaligiran.

Ilan na ba sa atin ang may mga karanasang makakita ng mga multo kabilang na ang white lady, black lady, mga anino, mga paring pugot ang ulo, mga batang biglang sumusulpot, mga umiiyak na multo, nakalutang na kabaong, santelmo o mga liwanag tulad ng orbs, at iba pang mga nilalang na sa buong akala natin ay bunga lamang ng malikot nating imahinasyon.

Hindi lang marahil minsan kundi ay palagi o ilang beses na tayong nakakita o nakaramdam ng mga multo at mga espiritu ngunit karamihan sa atin ay hindi ito pinapansin o ipinagwawalang bahala lamang sabay sabing “hindi sila totoo o wala naman talagang multo.”

Hindi ko naman sinasabi dito na paniwalaan natin agad kung ano ang kuwento o karanasan ng ibang tao, ngunit nais ko lamang sabihin na maging bukas tayo sa ganitong mga karanasan dahil sa hindi naman magkukuwento ang isang tao kung hindi naman talaga nito naranasan na makaugnayan ang mga kakaibang nilalang.

Minsan nagkuwento ang isa naming kasamahan sa opisina at halos hindi magkandatuto sa kanyang salasaysay nang makakita siya ng multo ng isang babae o white lady sa loob ng comfort room ng mga kababaihan.

Kasalukuyang naghuhugas ng pinggan sa lababo si Weng kaharap ang malapad na salamin – ang normal na disenyo ng mga CR kung saan nakikita mo ang iyong sarili o repleksiyon habang naghuhugas ka o may ginagawa sa lababo.

Tiyempong tiyempo na tumingin si Weng sa salamin at laking gulat niya sa dulong bahagi ng CR ay may nakatayong white lady na pugot ang ulo.

Pansamantala siyang tila napako sa kanyang pagkakatayo habang nakatitig pa rin siya sa white lady, ngunit ilang segundo ang lumipas ay nahimasmasan si Weng mabilisang tinapos ang paghuhugas at saka nagmamadaling lumabas ng cr.

Marami na sa aming mga kasamahan sa opisina ang dumanas ng kakaibang karanasan sa loob ng CR na yun, kabilang na ang isang insidente na sadyang naisara at ayaw mabuksan ng mga babaeng nasa loob ang pintuan, samantalang maaari lamang itong mai-lock sa loob at hindi sa labas.

Minsan naman, isa sa mga newswriter namin na si Malou ang naiwan sa loob ng CR at may narinig siyang nag-flush ng inidoro sa isa sa mga cubicle ngunit matagal siyang naghintay at wala namang lumabas na sinuman.

Sa ibang lugar naman sa aming tanggapan ay dumanas din ng kakaibang manipestasyon ng mga di nakikitang nilalang ang iba pang staff tulad ng may nakitang white lady sa may hagdanan, biglang may nag-flush ng inidoro sa CR ng isang opisina at mismong ang kinikilalang pinaka-beterano sa industriya ng broadcast media, si Tiya Dely ay biniro naman ng isang pilyung multo nang papasok na sana sa CR ay biglang sumara ang pinto.

Ang unang reaksiyon natin kapag nakakita tayo o nakaramdaman ng multo o espiritu sa paligid ay natatakot tayo, tatakbo tayo dahil sa hindi tayo sanay na nandyan sila sa ating paligid.

Ayon sa mga taong sanay nang makakita ng multo at nakakausap ang mga espiritu sa ating paligid, hindi dapat na matakot kapag nagpakita ang mga ito o nagparamdam.

Mainam na harapin sila at pakiusapan na wag magpakita ng nakakatakot kung nais nilang sila ay matulungan dahil karamihan sa mga nagpapakitang multo ay nangangailangan ng tulong – tulad ng gusto nang umakyat sa langit, naghahanap ng katarungan sa masamang kapalaran, at hindi matanggap ang kanyang biglang kamatayan dahil sa marami pa ring dapat na tapusin.

Ayon kay Sam, kapag nagpakita ang multo sa inyo “kausapin sila, wag katakutan. Tanungin kung ano ang kailangan, ano ang dahilan kung bakit sila nagpapakita at kun ano ang ikinamatay, taga-saan siya, ano pangalan niya nung buhay pa siya, at kung bakit siya nagpapakita.”

Sa akin namang personal na kaalaman, mainam na tanggapin natin ang katotohanan na anumang oras ay nandyan sa tabi natin ang mga multo o espirito ayon sa kanilang kagustuhan at hindi natin sila maaaring paalisin dahil sa ayaw man natin sa hindi ay nandyyan sila.

Ang isa pang dapat nating tanggapin na katotohanan ay hindi lahat ng mga multo o naramdaman nating espiritu ay masama bagkus may mga espiritu na ang layunin ay tumulong at mapalakas ang espiritwal na aspekto ng buhay ng tao.