Marami sa ating mga kababayan na kapag narinig ang hipnotismo ay biglang papasok sa isipan na isa itong masamang pamamaraan. Ito naman ay mahigpit kong sinasalungat dahil sa ang pagkaka-alam ko ang hipnotismo ay ginagamit para makatulong sa kapwa lalu na sa paggaling ng sakit, pag-ala-ala sa pangyayari sa buhay ng isang tao at marami pang iba.
Gayunman, may mga pagkakataon na ang ganitong abilidad ay maaaring magamit sa kasamaan ngunit sa limitadong panahon lamang at hindi maaaring magtagal. Alalahanin natin na binigyan tayo ng kalayaan ng Diyos na mag-isip para tayo makapag-desisyon.
Narito ang katanungan ni April ng Angat, Bulacan: Maaari po ba akong humingi ng advice sa inyo. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Naglakas loob na lang po ako. Tungkol po ito sa aking kapatid na sa palagay po naming ay nahipnotismo ng isang tao upang magkagusto sa kanya. Binabasa kop o kasi ang kulom niyo sa Balita tungkol sa paranormal. Mahaba po ang istorya ang involve po nasa abroad. At kapag kinokompronta ang ate ko about dun nag-threaten po siya na magpapakamatay ang she doesn’t know na alam naming dahil once daw po nabulgar yun magpapakamatay daw po siya.
RS: Yes, maaaring gawin ang hipnotismo sa isang tao. Ngunit, kaya mo itong labanan dahil sa unang-una meron tayong free will na ipinagkaloob sa ating ng Diyos, kaya mali ang paniniwala ng iba na wala ka ng control sa sarili mo at anuman ang nais ng isang tao sa iyo ay wala ka nang magagawa pa. May mga pagkakataon na masyadong malakas ang impluwensiya na marahil ay ginamitan pa ng dasal o orasyon. Ngunit, maaari pa rin itong harangin ng lakas ng iyong pananalig ibig sabihin ay wag mong pakinggan ang nais na idikta sa iyo ng isang tao. Ngayon, kung sa pag-ibig ang pag-uusapan, may mga pagkakataon daw na maaaring magayuma ang isang tao para umibig. Ngunit kalaunan kahit na ganito ang nangyari ay tiyak ring mawawalan ito ng bisa dahil sa ang pagkakaalam ko mas malakas pa rin ang kapangyarihang taglay ng pag-ibig na hindi kayang talunin ng simpleng hipnotismo o gayuma.
Lawrence Bagnes, Sta. Mesa Manila: Ka Rey may katanungan po ako kasi habang ako ay natutulog ay nanaginip po ako ng mga espiritu. Gusto ko pong kilalanin ang sarili ko kung ano pa ang mga kakayanan ko na hindi ko po alam sa sarili ko pati anghel ng Diyos napapanaginipan ko rin.
RS: Karaniwan na para sa mga nilalang na nasa kabilang buhay o ibang dimensiyon tulad ng mga ligaw na kaluluwa, mga elemental o engkanto at mga ekstra-terestriyal na makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay o pisikal sa pamamagitan ng panaginip. Habang tulog ang isang tao ay namamahinga ang kanyang kamalayan na siya namang pagiging mas aktibo ng subconscious mind dahil sa hindi alerto dito ang normal na kaisipan ng tao.
Texter: Bago nalagnat ang anak ko may binabasa siyang horror komiks, naospital siya at namatay. Pumutok balita na sa room niya marami namatay, hinahanap namin komiks hindi ko na nakita. May isang nobela akong nabasa na parang ganun ang nangyari o pakiwari ko lang.
RS: Hindi ako naniniwala na dahil sa komiks ay namatay ang inyong anak bagkus ay talagang oras na niyang sumakabilang buhay. Bagaman, maaaring may impluwensiya sa kanyang kaisipan kung ano ang istoyang kanyang nabasa sa komiks. Sinasabi mong ang inyong anak anak ay namatay sa isang silid ng isang kilalang ospital na kilala ring marami nang mga namatay. Posibleng nahatak din siya ng enerhiyang taglay ng mga multo sa naturang silid, ngunit lagi natin tandaan kung hindi pa natin oras mamatay ay kahit na ano pa ang mangyari ay hindi pa tayo mamamatay.
Josie ng Maynila: Bakit po nakita sa panaginip ng aking ate ang isang nakabiting patay na bata sa kanyang silid. Sa pakiwari ng aking ate, nais ng batang yun ang tulong kung kayat nakipagkita sa kanyang panaginip.
RS: Tulad ng naging paliwanag ko sa katanungan ni Lawrence, ang mga espiritu lalu na ang mga multo o sumakabilang buhay ay kayang makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay sa pamamagitan ng panaginip.
Ilan po yan sa mga katanungan ng ating mga kababayan sa kanilang mga karanasan.