Tao, Paano Nabuhay sa Ibang Planeta?


Paano nga ba nabuhay sa Planetang Serpo ang 12 katao na ipinadala doon batay sa salaysay ng isang umanoy dating opisyal ng US government na naging aktibo sa Project: SERPO, ang kontrobersiyal na kasunduan ng Amerika at mga Ekstra-Terestriyal mula sa Zeta Reticuli Star System.

Ano nga ba naging buhay ng 12 kataong ipinadala ng Amerika sa planetang-Serpo na merong dalawang araw at dalawang buwan sa gabi?

Batay sa pahayag ni Request Anonymous na isiniwalat ni Bill Ryan sa website na http://www.serpo.org/release2.asp, ang planetang Serpo ng mga ekstra-terestriyal na tinawag na Eben ay matatagpuan sa solar system ng Zeta Reticuli Star System at ito ay mas maliit ng konti kesa sa ating planetang Earth.

Ang atmospera ng Serpo ay katulad din umano ng Earth at meron itong taglay na Carbon, Hydrogen, Oxygen at Nitrogen. Ang Zeta Reticular ay tinatayang nasa layong 37 light years mula sa Earth, at inabot ng siyam na buwan ang 12 katao na lumipad sa kalawakan lulan ng sasakyan ng mga Eben. 

Habang nasa biyahe, ang bawat isa sa mga miyembro ng team ay palaging nakakaramdam ng pagkahilo, nawawala sa wisyo at nakakaramdam ng pananakit ng ulo. Nagagawa naman umano ng buong team na makapag-ehersisyo sa loob ng spaceship dahil sa sinadya ng mga Eben na mapanatili ang gravity sa loob ng sasakyang pangkalawakan.

Nang makarating sa Serpo ang 12 katao, kailangan nilang gumugol ng maraming buwan para makapag-adjust ang kanilang katawan sa kapaligiran doon kung saan palagi silang nakakaranas ng pagsakit ng ulo, pagkahilo at nawawala sa kanilang sariling kamalayan.

Problema din ng mga ito ang matinding sikat ng dalawang araw sa Serpo, na bagaman meron silang dalang sunglasses naging matindi pa rin ang epekto nito sa kanilang kalusugan lalu na sa mata at sa balat. Ang radiation level sa naturang planeta ay bahagyang mas mataas kesa sa Earth at palagi silang nagsusuot ng pananggalang sa init o sikat ng araw doon.

Walang makitang refrigeration ng mga Ebens maliban lamang sa mga pabrika. Napakatindi ng temperature sa planeta lalu na sa pinakagitna nito ay nasa 94 hanggang 115 antas ng sentigrado, bagaman may mga ulap at pag-ulan ay bihira itong mangyari.

Sa hilagang bahagi ng planetang Serpo ay may temperatura ng mula 55 hanggang 80 antas ng sentigrado. Maituturing itong pinakamalamig na bahagi ng planeta para sa mga Eben dahil sa mas sanay ang kanilang katawan sa napakainit na panahon. Iilan lamang sa mga Eben ang nakatira sa hilaga ng kanilang planeta.

Dahil sa kahirapan sa matinding init, dinala ang 12 katao sa hilagang Serpo at ang transportasyon nila ay maihahalintulad sa isang helicopter. Ang power system ng sasakyan ay selyadong energy device na nakapagbibigay ng kuryente para ito gumana at makalipad.

Madali namang natutuhan ng mga pilotong kasama sa 12 kataong team ang pagpapalipad sa sasakyan sa loob lamang ng ilang araw ay sila na ang nakapagpapalipad dito. Ang mga Eben ay meron ding katulad na sasakyang panglupa dito sa Earth ngunit walang gulong dahil sa ang mga ito ay nakalutang.

May mga lider ang mga Eben ngunit walang iisang porma ng pamahalaan, at walang krimen na nakita ang team ng mga tao na nagtungo doon. Merong mga sundalo ang mga Eben na umaakto rin bilang mga pulis, ngunit wala silang mga baril o anumang uri ng armas.

Iniulat din ni Anonymous na may regular na pagpupulong ang bawat komunidad ng Ebens at merong pinakamalaking komunidad na itinuturing na pinaka-sentro ng kanilang sibilisasyon kung saan matatagpuan ang mga industriya, ngunit wala silang ginagamit na pera o salapi.

Ang bawat mamamayang Eben ay kusang binibigyan ng pangangailangan nito mula sa gobyerno. Wala silang mga tindahan, walang shopping mall o mga palengke. Ngunit merong itinakdang central distribution center kung saan doon kinukuha ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Eben. Nabatid din na lahat ng Eben ay nagta-trabaho sa angkop na tungkulin at ang kanilang mga anak ay pinananatiling nakahiwalay.

Naging mahigpit naman ang mga pulis ng Ebens na wag makunan ng larawan ang mga kabataan sa kung anong dahilan ay hindi binanggit.

Ang mga isiniwalat ni Anonymous ay kinumpirma rin ng iba pang opisyal na kabilang sa sikretong operasyon ng US at mga ET. Kabilang na rito sina Gene Lakes alyas Gene Loscowski at Paul McGovern ng Defense Intelligence Agency.

Bagaman merong pagkakasalungat sa ibang detalye ng kanilang impormasyon ay halos iisa ang iba pang mga detalye na kanilang isiniwalat. Tunghayan lamang ang website para sa kabuuang detalye tungkol dito at kayo na lang po ang bahalang humusga.