12 Katao, Ipinadala sa Ibang Planeta


Maniwala man kayo sa hindi matagal nang nakipag-usap sa tao ang mga Ekstra-Terestriyal (ET)? Sa katunayan, nakapagpadala na tayo ng tao sa ibang planeta….hindi lamang isa kundi 12 katao ang ipinadala sa isang planeta ng Zeta Reticuli Star System. Ang naturang hakbang ay nakapaloob sa programang SERPO o Project: SERPO na pinasimulan noon pang taong 1965.

Isang retiradong empleyado ng pamahalaang Estados Unidos na nagpakilala lamang sa pangalang “Request Anonymous” ang nagbigay ng mga impormasyon tungkol sa Project SERPO, dahilan para malikha ang website na, Serpo.org – The Zeta Reticuli Exchange Program (http://www.serpo.org/).

Inamin ni Request na siya ay kasama sa espesyal na programa tungkol sa Serpo at ibinunyag nito ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa mga hakbang na ginawa ng Estados Unidos nang makipagkasundo ito sa mga nilalang mula sa ibang planeta.

Sa kanyang testimonya, ibinunyag nito na hindi lamang isa kundi dalawa ang nangyaring pagbagsak ng UFO noong Hulyo 4 1947 malapit sa Roswell, New Mexico ngunit ang isa pang crash site ay natuklasan lamang noong Agosto 1949 sa Pelona Peak, South Datil, New Mexico.

Ang naturang UFO crash ay kinapalooban ng dalawang (ET) spacecraft. Nang madiskubre ang unang crash site sa Corona, isang buhay na ET ang nailigtas nang ito ay nakitang nagtatago sa isang malaking tipak ng bato, binigyan ito ng tubig ngunit hindi pinakain at dinala sa Los Alamos.

Sinuring mabuti ng mga otoridad ng Roswell Army Air Field and crash site at lahat ng mga ebidensiya ay kinuha at ang mga namatay na ET ay dinala sa Los Alamos National Laboratory dahil sa meron itong pasilidad ng freezing system para sa pananaliksik. Ang bumagsak na flying saucer ay dinala sa Roswell at nakarating hanggang sa Wright Field, sa Ohio.

Ang pangalawang crash site ay natuklasan lamang noong Agosto 1949 ng dalawang rantsero at iniulat ang kanilang nakita, ilang araw ang lumipas sa hepe ng Catron County sheriff, New Mexico. Dahil sa masyadong liblib ang lugar, inabot ng maraming araw para makarating sa kinabagsakan ng UFO. Nang makarating sa crash site ang sheriff ay kinunan nito ng litrato ang lugar at nagtungo sa Datil, kasunod nito ay naipaalam ang insidente sa Sandia Army Base, Albuquerque, New Mexico. Isang team ng mga otoridad ang kumuha lahat ng mga ebidensiya kabilang na ang anim na katawan ng mga patay na ET na kalaunan ay dinala din sa Los Alamos.

Ang buhay na ET ang siyang naging susi para magkaroon ng komunikasyon sa kanyang mga kalahi sa kanyang sariling planeta. Ito ay nanatiling buhay hanggang sa mamatay noong 1952.

Ngunit , bago siya namatay nasabi na niyang lahat ang mga impormasyon tungkol sa mga natagpuang mga kagamitan sa dalawang bumagsak na UFO, kung saan isa dito ay isang gamit komunikasyon na siyang ginamit nito para makipag-ugnayan sa kanyang planeta.

Inihayag pa ni Request sa kanyang testimonya, na noong Abril 1964, lumapag ang mga ET malapit sa Alamogordo, New Mexico at kinuha ang mga bangkay ng mga nilalang at dito na nagsimula ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng tao at mga ET kung saan ang ginamit na wika ay Ingles sa pamamagitan ng translation device ng mga Ekstra-Terestriyal.

Taong 1965 nang mabuo ang aniya’y exchange program ng pamahalaang-US at ng mga ET kung saan pinili nila ang 12 eksperto ng militar – 10 lalaki at 2 babae. Ang mga ito ay sinanay at maingat na unti-unting inalis mula sa ranggo ng military.

Nang handa na ang mga ito, sila ay sinundo ng mga ET lulan ng kanilang sasakyang pangkalawakan sa Nevada Test Site at naiwan sa pangangalaga ng US ang isang nilalang.

Ang orihinal na plano ay kailangang manatili sa planetang SERPO ang 12 katao sa loob ng 10 taon at saka sila ibabalik ating planeta, ngunit dito nagkaroon ng problema nang sila ay bumalik noong 1978, walo lamang sa kanila ang nakabalik ng buhay. Apat ang nagpasyang magpaiwan kung saan dalawa sa mga ito ang namatay sa planeta ng mga ET. Sa kabuuang walong nakabalik, lahat ay nangamatay at ang pinakahuli dito ay nito lamang 2002 sumakabilang buhay.

Ang pagbubunyag na ito ni Request ay sinang-ayunan ng iba pang mananaliksik sa nangyaring Roswell Crash bagaman merong nilinaw sa detalye ng buong pangyayari.

Ayon kay Victor Martinez, ang mga taong nakabalik sa ating planeta ay inihiwalay mula 1978 hanggang 1984 sa ibat-ibang instalasyon ng militar at mahigpit silang binantayan ng Air Force Office of Special Investigation.

Sinabi naman ng isang Gene Loscowski, na hindi 10 lalaki at 2 babae ang ipinadala kundi lahat ay pawang mga kalalakihan – 8 US Air Force, 2 US Army at 2 US Navy na pawang namatay lahat na ang pinakahuli sa kanila ay sumakabilang buhay noong 2003.

Sa susunod ay ihahayag ko sa inyo kung ano ba ang naging buhay ng mga taong ipinadala sa planetang SERPO kung bakit lahat sila ay hindi nagawang mabuhay ng mahaba-habang panahon mula nang sila magbalik sa Earth.