Da Vinci Code, Dapat Bang Paniwalaan?

Ngayong naging paksa na naman ng balitaktakan ang kontrobersiyal na librong sinulat ni Dan Brown tungkol sa diumanoy “totoong buhay” ni Hesus dito sa ibabaw ng lupa, ang laging naririnig ko ay “naniniwala ba kayo?”, “totoo ba yun?” at “bakit ganun?”

Lalu pang naging mainit ang debate tungkol sa nilalaman ng aklat ni Brown nang ito ay isapelikula at pinipilit na pigilin ang pagpapalabas nito sa mga sinehan dito sa ating bansa.

Sa aking personal na pananaw, wala namang masama kung maging bukas tayo sa mga impormasyon o paliwanag tungkol dito, lalu na at itinuturing lang naman ito ng Simbahan bilang kathang-isip o fiction sa katagang Ingles.

Kung ganun, wala akong makitang dahilan na marami sa mga Kristiyano ang mabubuwag ang kanilang paniniwala o pananampalataya sa panginoong Hesukristo. Ngunit merong sektor ang nagsasabing kailangang ipagbawal ang pagpapalabas sa naturang pelikula sa paniniwalang ito ay naglalayong iligaw ang kaisipan ng karamihan.

Ngunit may mga sektor din ang nagsasabi na ang paglutang ng ganitong kontrobersiya ay magsisilbing pagsubok sa pananampalataya ng bawat isa sa atin, anuman ang sekta o relihiyong kinaaniban.

Ano nga ba ang mga nakasaad sa Da Vinci Code na itinuturing na paglabag sa turo ng Simbahan kung kaya’t iginiit na hindi dapat na ipalabas sa mga sinehan ang pelikula tungkol dito?

Sa mga nakabasa na ng aklat na sinulat ni Dan Brown, alam na nila na ang mga paksang kinukuwestyun dito ay ang umano’y namagitang pagmamahalan nina Hesus at Maria Magdalena na nagbunga ng isang anak.

Binabanggit sa nobela ni Brown na ang Banal na Kopa o Holy Grail ay nagsasalarawan hindi ng bagay na ginamit sa Huling Hapunan kundi kay Maria Magdalena na siyang nagdalangtao ng anak nila ni Hesus.

Sinadya umanong itago ito ng Simbahan sa nakalipas na 2-libong taon sa pangambang mabago ang pananampalataya ng Sangka-Kristiyanuhan tungkol sa naging buhay ni Hesus sa ibabaw ng lupa.

Ang katotohanan tungkol sa naging buhay nina Hesus at Maria Magdalena ay iningatan ng Priory of Scion kung saan sinasabing miyembro si Leonardo Da Vinci.

Ang sikretong ito ay inihayag ni Da Vinci sa kanyang ipinintang “Huling Hapunan (The Last Supper)” kung saan ang katabi ni Hesus sa kanang bahagi nito ay hindi ang Apostoles nitong si John kundi si Maria Magdalena, at kapansin-pansin na walang makitang Banal na Kopa sa harap nito o ang kilala bilang Holy Grail.

Maging ang kanyang sariling larawan bilang babae na ipininta ni Da Vinci at tinaguriang “Mona Lisa” ay sinadyang ginawa ng pintor bilang simbolo umano ng pag-iisang dibdib nina Hesus at Magdalena – ang pagsasanib ng babae at lalaki sa iisang katauhan.

Ang pangalang Mona Lisa ay hango sa umanoy anagramo ng “Amon L’Isa”, ang itinuturing na Amang Diyos at Inang Diyos ng mga sinaunang taga-Ehipto. Tinutukoy dito sina Amon at Isis.

Mula nang kumalat ang nobela ni Brown tungkol sa Da Vinci Code ay hindi naman maiwasang umalma ang Simbahang Katoliko tungkol dito at tahasang idineklara na pawang mga kasinungalinan ang nakasaad sa naturang aklat.

Nangamba si Cardinal Tarcisio Bertone, Arsobispo ng Genoa na maaaring marami sa mamamayan sa buong mundo ang maniwala sa mga kasinungalingang isinulat ni Brown.

Para masagip sa umanoy maling paniniwala, isang seminar ang idinaos ni Bishop Bertone noong Marso 2005 na tinaguriang Storia Senza Storia (Story Without History) at inisa-isang pinasinungalingan ng Obispo ang bawat punto na isinulat ni Brown sa kanyang aklat.

Minaliit din ng iba pang lider simbahan ang nobelang sinulat ni Brown. Ayon kay Dr. Rowan Williams, Arsobispo ng Canterburry at Dr. Thomas Wright, Obispo ng Durham – kapwa ng Britanya, ay nagsabing hindi maaaring takpan ng kathang isip o teorya ang katotohanan tungkol sa Banal na Kasulatan.

Sa katunayan sinulat ni Bishop Wright ang aklat na “Decoding Da Vinci” para pabulaanan ang lahat ng mga sinulat ni Brown sa kanyang nobela.

Hindi matatapos ang ganitong baliktakan tungkol sa naturang nobela, ngunit kung maging bukas lamang tayo sa anumang mga impormasyon at ipaliwanag ng tama ang lahat at angkop sa paniniwala ng bawat isa ay maaaring magkaroon ng iisang direksiyon ang ganitong mga palitan ng salita. Nasa inyo na lang po mga giliw naming kababayan ang kapasyahan at pananaw kung dapat bang paniwalaan o hindi ang anumang impormasyon dahil ako’y naniniwala na tayong lahat ay may kalayaan na piliin kung ano ang katanggap-tanggap sa atin dahil tayo mismo ang humuhubog sa ating buhay na may basbas mula sa Diyos.