Mula nang lumabas ang aking artikulo noong Setyembre 18 araw ng Huwebes tungkol sa gagawing pagsisiyasat ng mga siyentista tungkol sa ‘afterlife’ o kabilang buhay, marami sa ating mga kababayan ang gustong magpatotoo tungkol dito.
Isa na rito si Krishan na nagsabing hindi ganun kadaling patunayan sa ibang tao ang buhay pagkatapos mamatay sa mundong ibabaw ang isang tao.
Ipinagtapat ni Krishan na siya ay isa rin sa mga nakaranas ng paglalakbay sa kabilang buhay. Mula nang maranasan niya ito ay nagsagawa siya ng pananaliksik tungkol dito.
At ang resulta ng kanyang pananaliksik ay totoo ngang may kabilang buhay o afterlife at napatunayan niyang ang kaluluwa nga ng isang tao ay hindi maaaring mamatay.
Para sa kanya ito ang mensaheng nais na ipaabot ng Panginoong HesuKristo tungkol sa sinabi niyang ibibigay ko sa inyo ang walang hanggang buhay.
“Handa akong lumantad at ibahagi ang aking karanasan kung kinakailangan,” ani Krishan. “Alam mo may mga pagkakataon na nais ko ring magsulat tulad mo (Rey) hindi lamang tungkol sa buhay kundi pati na sa buong bansa, tungkol sa kung paano dapat na mabago ang sitwasyon sa Pilipinas.”
Sa paniniwala ni Krishan, kailangang mabago rin ang kaisipan ng tao habang patuloy namang umuusad at nagbabago ang ating panahon.
Nais ko lang ipaabot ang aking mensahe kay Krishan na mas mainam na isulat mo ang iyong karanasan nang makita mo ang kabilang buhay, lalu na nung unang pagkakataon na maranasan mo ang Near-Death-Experience (NDE). At kung may panahon kay ay ipadala mo sa akin.