Afterlife o kabilang buhay, gustong patunayan ng siyensya

Mahirap paniwalaan ngunit desidido ang mga duktor at siyentista sa Britanya na imbestigahan kung totoong may buhay pagkatapos mamatay ang tao sa mundong ibabaw.

Seryoso na ngayon ang mga eksperto sa larangan ng siyensya na pag-ugnayin ang daigdig ng mga buhay sa daigdig ng mga patay. Pag nagkataon ito na ang simula nang unti-unting pagbubukas ng kaisipan ng lahat ng tao sa mundong ito na totoong merong kabilang buhay.

Bahagi ng gagawing pagsisiyasat at masusing pag-aaral ng mga duktor at mga siyentista ay ang pakikipag-ugnayan sa mga taong nakaranas ng muntikan ng kamatayan o tinatawag na Near-Death Experience (NDE).

“Isang taon ang itinakdang panahon ng pag-aaral dahil gusto naming patunayan ang testimonya ng mga pasyenteng dumanas ng atake sa puso at nabingit sa kamatayan na marami silang nakikita habang nasa labas sila ng kanilang katawan o tinatawag na out-of-body-experience,” ayon kay neuropsychiatrist Dr. Peter Fenwick sa kanyang pagsasalita sa pulong ng British Association sa University of Salford.

Ang pinaka-interesadong bahagi ng ganitong pananaliksik at imbestigasyon ng mga eksperto sa larangan ng siyensiya at medisina ay patunayan ang mga naunang teorya na humihiwalay ang isipan ng tao sa utak nito lalu na kapag ito ay nasa bingit ng kamatayan o clinically dead.

“May mga teorya na ang muntikan nang kamatayan o near-death-experience (NDE) ay nangyayari kapag tumigil ang tibok ng puso nang mas mahigit sa 11 segundo at ang utak ay hindi na gumagana.” Sabi pa ni Dr. Fenwick.

Dalawamput-limang ospital at mga pasyente na dumanas ng atake sa puso sa Britanya ang inaasahang kalahok sa ganitong pag-aaral. At sa mga pagamutan ay maglalagay ang mga siyentista ng mga espesyal na mga bagay at mga larawan sa mga silid o cardiac units kung saan karaniwang dito pilit isinasalba ang buhay ng mga taong
inaatake sa puso.

“Kung makikita ng mga pasyenteng nasa bingit ng kamatayan ang mga espesyal na bagay na ito at mga larawan sa mga tagong lugar sa loob ng cardiac units habang pinipilit silang buhayin ng mga duktor, ito na ang patunay na humihiwalay nga ang isip at kaluluwa ng tao sa utak at katawan nito.” ani Dr. Fenwick.

Interesado ang mga siyentista na patunayan ang katotohanan tungkol sa kabilang buhay. Ito ay batay sa mga naunang testimonya ng mga taong dumanas ng muntikan ng kamatayan at sinabing ang kanilang isip at kaluluwa ay naglakbay habang sinisikap silang buhayin ng mga duktor.

May mga kakilala akong dumanas ng NDE o muntikan ng kamatayan ang nagsabing naglakbay nga ang kanilang isipan at kaluluwa habang alam niyang naghihingalo na ang kanyang katawang lupa.

Ito ang dahilan kung bakit gustong patunayan ng mga siyentipiko sa mas lohikong pamamaraan ang katotohanan sa NDE o tinatawag ding Out-Of-Body-Experience.

“May mga ebidensiya na kaming nakalap at magpapatunay na hindi lamang limitado sa mga pisikal na pandama ng tao tulad ng mga mata, tenga at bibig ang nagagamit bilang komunikasyon sa kapwa.” Paliwanag ni Robert Morris, Koestler Professor ng Parapsychology sa University of Edinburgh.

Ito ay dahil sa marami nang eksperimento ang magpapatunay na ang mga sensitibong tao ay kayang makipag-usap sa sinuman o magtungo sa isang lugar kahit gaano ito kalayo.

May mga teorya ang mga eksperto na mas malayang nakapaglalakbay ang kaluluwa at nagagawa nitong tignang mabuti ang kanyang kapaligiran, kung kaya’t malaki ang posibilidad na makita nila ang mga espesyal na gamit na ipapakalat sa mga ospital na kalahok sa ganitong pagsisiyasat.

Para sa inyong mga suhestyun, katanungan at mga kakaibang karanasan, mangyaring magpadala ng inyong liham sa aking e-mail address: psiphenomena@yahoo.com o kaya mag-text sa 09167931451.

One thought on “Afterlife o kabilang buhay, gustong patunayan ng siyensya

Comments are closed.