Ang Katotohanan Tungkol sa Multo

Kahapon, may mga kausap akong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at Adamson University at nagtanong sa akin tungkol sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon kung sila ba ay totoo o hindi.

Ang tinutukoy nila dito ay ang mga multo na gumagala sa ating paligid at iba ang mga espiritu tulad ng kapre, engkantada at iba pang elemental o tinatawag nating nature spirit.

Ang sagot ko sa kanilang tanong ay kung makikita niyo ba sila ay maniniwala ba kayong sila ay totoo? Kung makakausap niyo ba sila ay maniniwala ba kayong sila ay totoo?

Ang tugon nila sa akin ay depende kung talagang makakausap ba nila ang mga nilalang na ito sa kabilang dimensiyon o hindi, at ang pinakamatindi pang sagot nila ay maaaring ito ay produkto lamang ng imahinasyon.

Para kay Alexandra Martin ng PUP, ang mga multo ay maaaring produkto lamang ng malikot na kaisipan o imahinasyon dahil sa mga nababasa, naririnig at napapanood sa telebisyon.

Sinagot ko siya na may basehan ang kanyang katwiran dahil sa may mga pagkakataon na talaga namang naiimpluwensiyahan ang ating isipan at ang resulta nito ay ang takot sa ating dibdib na likha pa rin ng ganitong sitwasyon.

Ngayon para patunayan natin na totoo ang inyong karanasan ay subukin nating harapin ang anumang manipestasyon ng kababalaghan tulad ng pagpapakita ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon, multo man yan ng mga sumakabilang buhay na tao o mga espiritu sa kabilang dimensiyon.

Para sa akin kung meron nang interaksiyon o palitan ng komunikasyon sa panig mo at ng nilalang sa kabilang dimensiyon ay yun na ang isang matibay na ebidensiya na ang iyong nakikita o nakakaugnayan ay hindi lamang resulta ng iyong malikot na isipan.

Sa panig ni Irish Cero ng PUP, nakakatakot na makakita ng mga multo dahil sa baka sila ay manakit. Marami nang mga kuwento at karaniwan na ring napapanood ngayon sa pelikula at telebisyon na ang mga multo ay may kakayanang manakit ng tao.

Hindi ko itinatanggi ang katotohanan na may mga multong nananakit at ito ay resulta ng pakikitungo natin sa kanila o di man kaya ay sa maling interpretasyon natin sa kanilang manipestasyon sa ating buhay.

Sa mga bahay na merong ganitong manipestasyon na sobrang pananakit na ang ginagawa sa mga nakatira ay maaaring maitulad na sila sa poltergeist – isang salitang Aleman na ang ibig sabihin ay “noisy ghost” o maingay na multo.

May mga ginawang pag-aaral na ang poltergeist na ito ay nalikha ng enerhiya ng mga taong nakatira sa isang bahay o lugar lalu na kapag ang mga ito ay talagang napakanegatibo tulad ng palaging pag-aaway, batuhan ng masasamang salita, matinding galit at iba pa.

Kapag may ganitong manipestasyon sa inyong bahay o lugar ay mainam na tumawag na kayo ng mga eksperto na kilala naman natin sa tawag na mga exorcist – maaaring ito ay sertipikadong exorcist na pari ng Simbahan o samahang relihiyon o di man kaya ay mga taong nasa larangan ng paranormal na meron nang sapat na karanasan at pagsasanay para harapin ang ganitong uri ng problema.

Sa panig naman ni Anna Lumentac ng Adamson, itinanong nito sa akin kung ang mga aswang, manananggal, kapre at iba pang engkanto ay kasama sa kategorya ng multo.

Dito tayo karaniwang nagkakamali dahil sa naiukit sa ating isipan na lahat ng mga hindi natin nakikita ay pawang mga multo, kung kaya’t maging ang mga elemental o tinatawag nating nature spirits tulad ng duwende at kapre ay napagkakamalan nating mga multo, at ang masaklap pa nito maging ang ating mga anghel de la guwardiya ay napagkakamalan nating multo.

Ang mga multo o ghost sa wikang Ingles ay mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na tao ngunit ang kanilang manipestasyon o pagpapakita ay depende sa kundisyon ng kanilang pag-iisip sa oras na sila ay binawian ng buhay.

Para sa akin ang mga elemental o nature spirit maging ang mga anghel ay hindi masasabing nasa kategorya ng multo dahil sa nagpaparamdam lamang sila depende sa naging reaksiyon sa kanila ng tao. Sa totoo lang hindi naman lahat ng mga espiritu ay may layuning manakot bagkus marami sa kanila ang tumutulong sa atin.