Ang Tatsulok ng Tagumpay

Marami sa atin ngayon ang nag-iisip ng mga pamamaraan para maging matagumpay sa buhay, dahil nga sa bagong taon dapat bagong taktika, pamamaraan at estratehiya para makamit ang mga inaasam-asam na tagumpay na hindi naabot nitong nakalipas na taon.

Noong Lunes, personal akong nakipagpulong kay Master Del Pe, eksperto sa ibat-ibang larangan bilang isang inhenyero, negosyante, martial arts expert, expert ng yoga, meditasyon at siyensiya ng panggagamot at guro ng Pilosopiyang ng Silangang Karunungan (Eastern Wisdom).

Sa naturang pulong ay lubos kong naunawaan ang kahalagahan ng kumbinasyon ng pagiging praktikal sa buhay at kalakasan ng espiritwal na ugnayan sa Poong Maykapal na siyang alam kong hinahanap ng karamihan sa ating lahat, para sabay ang kaunlaran sa buhay at ang kaligayahan.

Sinulat ni Master Del Pe ang aklat na may pamagat na “From Success to Fulfillment, Applying the Wisdom of the Himalayan Masters”, at binanggit niya dito ang tinatawag niyang pangkalahatang modelo – ang Tatsulok ng Tagumpay at Katuparan (The Success and Fulfillment Triangle).

May tatlong kalidad na binanggit si Del Pe sa kanyang aklat na maituturing aniyang maaaring maisakatuparan ng bawat isang tao para maging positibo sa kanyang pag-uugali, abilidad at ang naitatagong talento sa kaisipan at espiritwal.

Ang tatlong kalidad na ito ay kinabibilangan ng Will Power, ito ang sariling kapangyarihan na taglay ng isang tao para mabago ang anumang luma at maling pamamaraan na ginawa nito sa nakalipas na panahon ng kanyang buhay; Creative Intelligence, ito ang hakbang na bumalangkas ng mga bagong pamamaraan at mga desisyon na malaki ang epekto sa iyong magiging aksiyon maging sa iyong kaisipan; at ang Love, ang pagmamahal sa mga pagbabagong ito at ang matinding desisyon mo na isakatuparan ang lahat ng anumang desisyon mo, iwaksi na ang nakalipas na pag-uugali at wag nang laging balikan sa isipan ang mga masamang karanasan sa buhay.

Ang tatlong kalidad na ito, ayon pa kay Master Del Pe ay maihahambing din sa tatlong panahon na nararanasan ng mamamayan sa ilang bansa. Ang mga panahong tulad ng taglamig (winter) na maituturing na pagkasira, spring o tagsibol para sa pagkakaroon ng bagong nilikha at ang tag-araw o summer na maituturing na siyang preserbasyon sa bagong likha.

Ang mensahe ng kaitaas-taasan tungkol sa tatlong kalidad na ito isang matagumpay na buhay ay paulit-ulit na inuukit sa ating isipan ng Poong Maykapal, sa katunayan sa paniniwalang Kristiyano ay alam natin ang Banal na Trinidad (Holy Trinity), ang Ama (will power), ang Anak (love) at ang Banal na Espiritu (creative intelligence).

Maging ang mga mamayang Hindu ay naniniwala sa tatlong ekspresyon ng Kabanalan – ang Shiva, Divine Destroyer; Vishnu, Divine Preserver at Brahma, Divine Creator.

Sa aking personal na paniniwala tungkol sa mga kalidad na ito na ipinapaliwanag ni Master Del Pe sa kanyang aklat ay ang katotohanan na maraming aspekto ng ating buhay ang nilikha ng Poong Maykapal sa tatlong pagkakahanay.

Hindi ba meron tayong Past, Present, Future na kung isusunod sa tatsulok ng Tagumpay na sinasabi ni Master Del Pe – ang Past o nakalipas na panahon ay siyang ating tinalikuran na panahon sa ating buhay, ang Present o ang kasalukuyan kung saan ay pinagyayaman natin ang anumang kasalukuyang sitwasyon ng ating buhay, at ang Future o ang hinaharap kung saan tayo ay bumabalangkas ng mga hakbang na maaari naging isakatuparan sa mga susunod na panahon ng ating buhay.

Kung susuriin nating mabuti, matagal na nating naririnig ang ganitong tatlong bahagi na kapag pinagsasama-sama ay makakalikha tayo ng isang kumpletong buhay sa mundong ito.

Hindi ba meron tayong tatlong bahagi para makakain sa isang araw – ang almusal, tanghalian, at hapunan na maituturing na isang kumpletong araw sa ating buhay na kapag personal at aktuwal nating naisakatuparan ang kahulugan nito sa ating buhay ay tugma sa sinasabi ni Master Del Pe na tatsulok ng Tagumpay at Katuparan.

Bilang isang mananaliksik sa larangan ng paranormal at psychic phenomena ay sang-ayon ako sa itinuturo ni Master Del Pe, sa katunayan sa Enero 28 ng taong ito ay nakatakda ang isang seminar tungkol sa tamang paggamit n gating Third Eye lalu na kapag ito ay bukas na.

Ayon mismo kay Master Del Pe, mahalagang malaman ng tao na ang pagkakaroon ng Third Eye o kilala rin sa pangalang ESP ay isang napakasensitibong abilidad na dapat na bigyan ng halaga ng bawat isa.

Marami ang nagsasabing nakakakita sila ng mga multo, at iba pang mga espiritu ngunit hindi matukoy kung ano ang mga ito kung ang mga ito ba ay makatutulong sa sinuman o makasasama.