Awra ng tao o sa katagang ingles ay human aura. Ano ba ang kahalagahan nito sa
ating buhay? Bagaman marami na ang nakaka-alam na tayo ay meron nito, iilan pa rin
ang pumapansin dito.
Ngunit, sa pag-usad ng panahon ay nagiging bukambibig na ng marami sa atin
ang tungkol sa ating awra. Hindi ba marami na ngayon ang nagsasabing “ang ganda ng
awra mo ngayon a” o kaya naman ay “nagniningning ka ngayon okay ang awra mo”.
Ito ay patunay lamang na ang ating aura ay nagsisilbing salamin ng ating
kalusugan at takbo ng ating pag-iisip.
Ang human aura ay ang animo’y hugis-itlog na enerhiya na bumabalot sa ating
katawan. Karaniwang ito ay hindi nakikita ng ating mga mata ngunit may mga taong may
angking abilidad na makita ito ng malinaw.
Marami nang pag-aaral ang ginawa dito ng mga dalubhasa, at napatunayan nilang
hindi lamang ang tao ang merong awra, maging ang mga hayop, mga insekto at mga
halaman ay merong awra.
Si Semyan Kirlian, isang imbentor ng Krasnodar, Rusya ang naka-imbento ng
kakaibang kamera na kayang kunan ng litrato ang liwanag na bumabalot sa katawan ng
tao.
Una nitong kinunan ng litrato ang kanyang mga kamay at nakita dito ang
kakaibang liwanag na bumabalot sa kanyang kamay lalu na sa mga dulo ng daliri nito.
Hanggang sa maging bantog ang Kirlian photography noong dekada 60 at 70 sa mga
kanluraning bansa lalu na sa Estados Unidos. Hanggang sa ngayon ay kinikilala na ito
bilang isa sa pinakamahusay na imbensiyon sa buong daigdig.
Sa mga eksperimentong ginawa ng mga dalubhasa, ang awra ng isang
ordinaryong tao ay nasa layong walo hanggang sampung talampakan mula sa katawan
nito.
Bagaman, marami na ang nagpatunay na ang mga taong sagrado tulad ng Santo
Papa at mga Guru ay umaabot ng ilang milya ang kanilang awra, na kayang maramdaman
ng sinuman sa paligid nito. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming tao ang nais lumapit
sa mga ito at makinig sa anumang mensahe.
Tulad na lamang ni Panginoong HesuKristo at mga apostoles nito nang
nabubuhay pa sa lupa ay maraming tao ang kanilang naakay at nais na makita at
mapakinggan sila.
Gayundin ang iba pang mga taong mataas ang espiritwal na pananalig sa Diyos at
mga tinaguriang sugo ng langit tulad nina Buddha at Mohammad ay ganito rin kalakas
ang taglay na awra.
Maalala ko nang dumalaw si Santo Papa Juan Pablo II dito sa Pilipinas noong
taong 1995, malayo pa lang ako bagaman abot-tanaw ko na siya sa di-kalayuan ay
naramdaman ko ang lakas ng kilabot na dumampi sa aking katawan, at habang siya ay
papalapit ay mas lumakas pa ang mala-kuryenteng enerhiya na nagmumula sa kanya.
Bagaman hindi kayang makita ng ating mga mata ay nararamdaman natin ang
enerhiyang ito na bumabalot at lumalabas mula sa ating katawan.
Sa ngayon, ay nagiging kapaki-pakinabang na ang awra bilang batayan ng ating
kalusugan at kaisipan. Lalu na at napatunayan na ng mga eksperto na taong merong sakit
o may diperensiya sa katawan, pisikal man ito o emosyonal ay halatang manipis ang
awra.
Dito na lumabas ang mga alternatibong lunas sa ating mga karamdaman tulad ng
pranic o aura healing. Ito ay ang panggagamot na ginagawa ng mga eksperto sa awra ng
tao sa paniwalang kusa nang maghihilom ang anumang sakit sa katawan. Ito ay alinsunod
din sa prinsipyong ang anumang sakit na dumadapo sa katawan ng tao ay nagsisimula
muna sa awra nito bago ang manipestasyon nito sa pisikal na katawan.
May mga ehersisyo namang rekumendado ang mga eksperto para mapanatiling
malusog hindi lamang ang ating pisikal na katawan kundi lalu na ang ating awra. Ang
human aura ay maituturing na unang depensa ng katawan sa anumang karamdaman. #