Babala laban sa paggamit ng Spirit of the Glass, Oujia Board

Maalala ko minsan may nakausap akong kaibigan na nagtanong sa akin kung totoo bang espiritu ang nakakausap sa pamamagitan ng ‘spirit of the glass’?

Marami ang naniniwala na hindi mapanganib ang naturang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga espiritu at maituturing itong parang isang laruan lamang.

Ito naman ang mahigpit kong tinututulan dahil sa hindi maaaring gawing biro o laro lamang ang mga pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga patay o sa katagang ingles ay ‘seance.’

Sadya itong mapanganib lalu na kapag walang ginawang seremonya o ritual ang sinumang kalahok dito bago nila isakatuparan ang pakikipag-ugnayan sa daigdig ng mga patay.

Lalu na kapag hindi mo binanggit ang partikular na pangalan ng espiritu at kung ano ang layunin ng inyong pakikipag-ugnayan sa isang espiritu. Ipinapayo nga ng mga eksperto na kailangang matiyak muna na protektado ang mga kalahok sa ganitong hakbang at kailangang naibabalik din sa kanyang pinanggalingan ang naturang espiritu.

Kung totoo nga bang kaluluwa o espiritu ang nakapagpapagalaw sa isang basong salamin sa pamamagitan ng spirit of the glass o sa ouija board, dito nagkakaroon ng debate ang mga taong hindi naniniwalang ito ay gawa ng mga taga-kabilang dimensiyon at ang mga taong nakaranas ng ganitong pamamaraan.

Nanindigan si William Carpenter noong 1882, na hindi mga espiritu bagkus ay natural na reaksiyon ng ating katawan ang kusang paggalaw ng basong salamin o ‘planchet’ ng ouija board kapag nagtanong ang mga taong kalahok sa ganitong ritwal.

Si Carpenter ang nagtulak sa teoryang “automatism” na kilala sa tawag na “ideomotor effect” kung saan ang kusang paggalaw ng baso at planchet maging ang paggamit ng pendulum at dowsing rod ay sanhi ng paggalaw ng kalamnan ng ating katawan sanhi ng dikta ng isipan at emosyon ng tao.

Maaring hindi ito namamalayan ng isang tao ngunit, posibleng dikta rin ito ng ibang tao na kalahok sa naturang sesyon na nakakaimpluwensiya sa isipan at nakakaapekto sa tinatawag na ‘motor behavior’.

Ngunit, sa larangan ng paranormal, naniniwala ang mga ito na ang paggamit ng basong salamin o ouija board para makipag-ugnayan sa mga patay ay mapanganib na gawain kapag hindi mo alam ang iyong gagawin at hindi ito maaaring paglaruan.

Bagaman, inamin ni Dale Kaczmarek ng Ghost Research Society, na ang ouija board o anupamang gamit ay hindi naman talaga mapanganib, ngunit ang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga nilalang sa kabilang buhay ay dapat na pag-ingatang mabuti.

Karaniwan, ayon pa kay Kaczmarek, ang mga espiritung nakakaugnayan kapag hindi tama ang pamamaraan ay nagmumula sa lower astral plane o mababang antas ng kabilang dimensiyon na karaniwang pinamumugaran ng mga negatibong espiritu.

Sang-ayon ako na hindi dapat na gawing biro o laro lamang ang séance o pakikipag-ugnayan sa mga patay o sinumang espiritu sa kabilang buhay kung hindi ninyo alam ang mga pamamaraan na dapat gawin.

Ang pinakamainam sa lahat ay hayaan nating manahimik ang mga namayapa na at kung sila man ay magparamdam o magpakita sa atin, kausapin natin maaaring meron silang mahalagang mensahe na dapat sabihin.

2 thoughts on “Babala laban sa paggamit ng Spirit of the Glass, Oujia Board

  1. NAKAKATAKOT TALAGA GAMITIN ANG SPIRITS OF THE GLASS KUNG PAPAANO MU ITO GAGAMITIN SA TAMANG PARAAN….

Comments are closed.