Bakit may mga pagkakataong ang nakikita natin at nararanasan sa panaginip ay
nagkakatotoo?
Ito ang tanong sa akin ng isa nating kababayan na palaging binabagabag ng
kanyang panaginip.
Isa si Ressie Hilaga, 25 anios, may-asawa, ang tumugon sa aking panawagan na
idulog sa akin ang mga nararanasang kababalaghan na hindi basta-basta maipaliwanag ng
lohikong kaisipan.
Ipinagtapat sa akin ni Ginang Hilaga ang mga pagkakataong nagkakatotoo ang
kanyang mga panaginip. Hindi lang aniya ito minsan kundi maraming beses na may mga
panaginip siyang sa bandang huli ay nagkakatotoo.
Tulad na lamang ngayon na nagpapagawa siya ng bahay, bagupaman ito nangyari
sa totoong buhay ay malinaw na niya itong nakita sa kanyang panaginip ilang linggo na
ang lumipas.
Ang akala ni Ginang Hilaga ay nagkataon lamang ang nangyari ngunit sa kanyang
pagtataka ay bakit hindi lang minsan kundi maraming beses na niya itong naranasan.
Sa aking pananaliksik sa misteryo ng kaisipan ng tao at kababalaghan sa ating
buhay, ang ganitong uri ng panaginip ay kilala sa terminong precognitive dream o ang
panaginip na nagbibigay ng mensahe sa mangyayari pa lamang sa buhay ng tao.
Marami na sa atin ang nakaranas ng ganitong uri ng panaginip, ngunit karamihan
sa atin ay binabalewala ang mga detalye nito kahit na malinaw na ito ay nakita, bagaman
ang iba naman ay nakakalimutan na pagkagising.
Sa aking pananaliksik at mga naging karanasan, ang panaginip ay nagiging
instrumento na ng ating mga kapanalig sa kabilang buhay na makapaghayag ng kanilang
mensahe. Habang tayo ay tulog at namamahinga ang buo nating katawan, siya namang
nagiging mas aktibo ang ating diwa o kamalayan.
Dapat nating tandaan na ang ating kaisipan ay nahahati sa tatlong antas. Ang mga
ito ay tinatawag na conscious mind o ang kamalayan habang gising; subconscious mind o
ang kamalayan habang tayo ay tulog; at ang superconscious mind o ang antas ng
kamalayan na merong kakayahang makita o malaman ang anumang mangyayari o
nangyari sa buhay, gising man o tulog ang isang tao.
Ang panaginip ay karaniwang nagiging pintuan ng mga espiritu o nilikhang hindi
pisikal para makipag-ugnayan sa atin at ihayag ang kanilang nais na mensahe.
Hindi po ba may mga pagkakataon na napanaginipan natin ang mga yumao nating
mahal sa buhay at sa panaginip na yun ay malinaw ang anumang kaganapan at
natatandaan hanggang pagkagising sa umaga.
Ngunit hindi ganun kadali na mabigyan agad ng tumpak na kahulugan ang ating
mga nakikita sa panaginip, dahil ang panaginip ay nahahati naman sa dalawang uri.
Ang mga ito ay ang literal at symbolic o simboliko. Ang literal na panaginip ay ang
sitwasyon sa panaginip na madali nating maintindihan dahil sa kung ano ang nakita natin
ay yun na ang ibig sabihin. Ang simboliko namang panaginip ay may kahirapan malaman
ang kahulugan dahil sa ang mensahe dito ay ginagamitan ng mga simbolo. Dito
karaniwang ginagamitan ng marami sa ating mga kababayan ng mga aklat tungkol sa
diksyunaryo ng mga panaginip.
Ngunit para sa akin, hindi isandaang porsiyentong tumpak ang mga simbolong
nakasaad sa mga aklat tungkol sa panaginip. Maraming mga eksperto ang nagsabi na mas
mainam na isalin ang bawat detalye ng panaginip sa pamamagitan ng pagtanong sa
naramdaman, at nakita ng mismong nanaginip.
Para sa inyong mga katanungan, suhestyun at karanasan ng kababalaghan,
mangyaring mag-text sa 09167931451 at mag-e-mail din sa psiphenomena@yahoo.com.