Black Triangle UFOs, Nagpapakita

Black Triangle UFOs, Nagpapakita
Rey T. Sibayan
September 6, 2004

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa mga siyentista ang mga nagpapakitang UFO o Unidentified Flying Object sa ibat-ibang panig ng mundo bagaman marami ang naniniwala na ito ay mula sa mga nilalang na merong mas modernong sibilisasyon.

Kamakailan lamang ay may namataan ding UFOs sa Las Pinas City kung saan nakunan pa ito ng video ng mga residente sa naturang lugar.

Karaniwan nang nakikita ang hugis-bilog na mga UFO ngunit sa ngayon ay may mga ulat sa Estados Unidos at Canada na naging aktibo na ang pagpapakita ng kulay itim na “flying triangles” o tinawag ding “Black Triangles”.

Ang Black Triangles ay nagsimulang magpakita sa tao noong dekada 90 at ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon subalit nanatili pa rin itong misteryo kung ano nga ba ito. Kung ito ba ay gawa ng tao o posibleng gawa ng mga nilalang.

Ang National Institute for Discovery Science, isang pribadong sektor na nakabase sa Las Vegas, Nevada ay unang nagsabi na ang Black Triangles ay gawa ng US military subalit kamakailan lamang ay binaliktad ng NIDS ang resulta ng unang imbestigasyon nito.

Napatunayan ng NIDS na “batay sa pagpapakita at paglipad ng Black Triangles, hindi ito tumutugma sa operasyong ginagawa ng US military tulad ng covert operations o pang-e-espiya at kung saan talaga ito nagmula ay hindi pa rin malaman hanggang ngayon.”

Kung ihahambing sa pagpapalipad ng pamahalaang-Amerika ng pang-espiyang eroplano nito tulad ng F-117 Stealth at B-2, ang Black Triangles ay hindi patago kundi lantaran ito kung magpakita sa publiko.

Ayon kay NIDS Administrator Colm Kelleher, ito ay batay sa mga impormasyon na nakalap nila mula sa tatlong pangunahing US Database kabilang na ang NIDS, Mutual UFO Network (MUFON) at ang koleksiyon ng datus ni UFO database owner Larry Hatch.

“Hindi ko masasabing ito (Black Triangles) ay ang mga eroplanong pinalipad ng US air Force. Hindi talaga namin alam,” ani Kelleher.

“Gayunman, talagang hindi ito lumilipad na angkop sa pang-espiya o covert deployment ng F-117 at B-2 planes dahil sa ito ay lantad, maraming ilaw kung makita sa papawirin,” ayon pa kay Kelleher.

Mula noong dekada 90s hanggang ngayong 2004 ay napatunayan ng mga eksperto na pareho ang estilo ng mababang paglipad ng Black Triangles, nagpapakita sa mga lunsod at mataong lugar, may maliwanag at animo’y disco lights kumbinasyon ng ilaw na berde, asul at pula at gustung-gusto ng mga ito na mapansin sila ng tao saka biglang mawawala na parang bula.

Tinatayang meron nang halos 400 insidente ng pagpapakita ng Black Triangles sa ibat-ibang panig ng mundo lalu na sa US at Canada.

Ang Black Triangles ay karaniwang nagpapakita hanggang sa pinakamababang 500 talampakan, 200 talampakan ang lapad at 250 talampakan ang haba.

Sa imbestigasyon ng NIDS, wala pa rin silang konklusyon kung ito ba ay gawa ng tao o gawa ng ibang nilalang na merong mas modernong sibilisasyon. Kung ano ang layunin ay yun ang hindi pa rin masagot ng mga siyentista hanggang ngayon.

Para sa inyong mga karanasan, tanong at suhestyun tungkol sa mga misteryo, mag-text sa 0916-7931451 o mag-e-mail sa psiphenomena@yahoo.com.