Marami ang hindi pa rin tiyak kung saan nga ba napadpad ang arko ni Noah nang mangyari ang matinding pagbaha noong kanyang kapanahunan nang umulan ng apatnapung araw at apatnapung gabi sa buong mundo, batay sa mga nakasaad sa Bibliya.
Bagaman, nakasaad sa Bibliya na ang Arko ni Noah ay napadpad sa bundok ng Ararat sa Silangang Turkey ay may mga nagsasabing ito ay napadpad sa ibang lugar.
Kung ano ang nakasaad sa Bibliya, dito naman nakatutok ang isang grupo ng mga dalubhasa at malakas ang kanilang kutob na sa Bundok Ararat nga napadpad ang Noah’s Ark.
Sa pamamagitan ng nakolektang satellite images sa ituktok ng Ararat, nakita dito ang itinuturing nilang isang straktura na gawa ng tao.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na muling kinunan ng larawan ang ituktok ng bundok-Ararat sa pamamagitan ng modernong teknolohiya – ang Digital Globe Quick Bird Satellite.
Unang nakunan ng larawan ng US Air Force ang naturang bundok noong 1949, at noon ay may nakitang hugis straktura na nabalutan ng yelo at snow.
Pinigil ng pamahalaang ng Amerika na isapubliko ang naturang mga larawan sa confidential file na Ararat Anomaly at noong 1997 lamang inilabas ngunit hindi naging kumbinsido dito ang mga eksperto.
Noong tag-araw ng taong 2003 kung saan maituturing na pinakamainit na summer sa buong Europa sa nakalipas na mga taon mula 1500, natunaw lahat ng yelo at niyebe sa Bundok-Ararat at dito malinaw na nakunan ng litrato ang bundok.
Ayon kay Daniel P. McGivern, Pangulo ng Shamrock – The Trinity Corporation, ang kumpanyang matagal nang naghahanap sa Noah’s Ark sa mga nakalipas na taon sa pamamagitan ng satellite, ngayon lamang nila nasuring mabuti ang mga nakuhang litrato sa pamamagitan ng Quick Bird satellite.
Ang Quick Bird ay maituturing na may pinakamataas na resolusyon bilang commercial imaging satellite sa buong mundo, kung kaya’t mas malinaw ang nakitang straktura sa ituktok ng bundok-Ararat.
Kasunod nito, agad na bumuo ng isang grupo ng mga siyentipiko, archaelogist at forensic experts si McGivern para akyatin ang bundok at imbestigahan ang nakitang straktura doon.
Tinaya ni McGivern na magsisimula ang operasyon sa bundok Ararat sa buwan ng Agosto ng taong ito.
Kumbinsido si McGivern na talagang man-made ang strakturang nakita sa Ararat at ang gagawin nilang imbestigasyon at pagsusuri sa mga makukuhang bahagi nito ay magpapatunay kung ito nga ba ang Arko ni Noah.
Hinirang ni McGivern si Turkish Dr. Ahmet Ali Arslan, na siyang manguna bilang field manager sa naturang imbestigasyon sa bundok-Ararat.
Hindi naman matatawaran ang naging karanasa ni Dr. Arslan, dahil sa limampung beses na itong naka-akyat sa Ararat sa loob ng apatnapung taon.