Dapat Bang Sisihin ang Diyos?

Dapat bang sisihin ang Diyos sa mga kalamidad, terorismo at iba pang kamatayan sa mundong ito? Ang tuwiran kong sagot sa katanungan na ito ay HINDI! Hindi dahil sa Diyos Siya at malaki ang utang na loob natin sa Kanya na lumikha sa atin, kundi dahil sa wala talaga Siyang dapat na panagutan sa mga nangyayari sa atin dito sa lupa.

Bagaman may punto sa kanyang akusasyon ang isang senador ng Estados Unidos, na bilang Diyos hindi dapat nito pinababayaan ang Kanyang mga nilikha na magdusa, maghirap at mamatay, ang akin namang nais na bigyang diin ay oo nilikha nga Niya ang buong sanlibutan ngunit binigyan naman Niya tayo ng kalayaan na mahalin, pangalagaan at proteksiyunan ang buhay na ipinagkaloob sa atin.

Umani ng ibat-ibang reaksiyon ang hakbang ni Nebraska State Senator Ernie Chambers nang pormal itong magharap ng reklamo laban sa Diyos sa Douglas County court dahil sa responsable ito sa mga nangyayaring kalamidad, terorismo at iba pang kamatayan ng mamamayan sa mundong ito.

Ikinatwiran ni Chambers, bilang Diyos dapat lamang Siyang sisihin sa mga masasamang pangyayari sa buhay ng tao dahil sa hindi Niya ginagampanan ang kanyang responsibilidad bilang Diyos na pangalagaan ang buhay na Kanyang nilikha.

Si Chambers ay kilalang salungat sa turo na may Diyos ngunit sa kanyang tinuran ay tila maging siya ay naniniwalang merong Diyos na lumikha sa lahat sa buong kalawakan o universe.

Ang naging aksiyon ni Chambers ay agad namang sinagot ng “Diyos” nang biglang may lumagpak na mga dokumento sa mesa ng clerk of court ng Douglas County. Hindi lamang isa kundi dalawang dokumento na nagsasabi kung ano ang maaaring nasa damdamin o isipan ng Diyos ayon sa mga naniniwala sa Kanya.

Binigyang-diin ng “Diyos” na hindi Siya dapat sisihin sa mga nangyayaring kalamidad, pagkakasakit, terorismo at kamatayan ng Kanyang nilikha dahil sa lahat ng Kanyang nilalang ay binigyan niya ng kalayaan na mabuhay, mag-isip at umaksiyon para bigyang halaga ang buhay, mahalin at proteksiyunan ito.

Ang tinukoy sa umano’y sagot ng Diyos ay ang ipinagkaloob Niya sa ating FREE WILL, na para sa aking personal na pananaw ay siyang maituturing na pinakamahalagang regalo bilang Kanyang mga nilikha.

Dahil sa free will na yan ay kayang baguhin ng tao ang kapalaran o destiny nito sa hinaharap ngunit sa dalawang direksiyon – mabuti o masama. Oo, ang bawat nilalang ay merong kapalaran na itinakda sa kanyang buhay ngunit magaganap lamang ito batay sa nais ng may buhay kung gusto niyang maging maganda at kumplikado ang buhay.

Kung anuman ang nangyayari sa ating buhay ngayon tulad ng mga kalamidad, terorismo at iba pang maramihang kamatayan ng tao ay tayo rin ang may gawa. Sa paanong paraan? Tignan po natin ang pagbabago sa ating klima o panahon tulad ng global warming. Hindi po ba yan ay resulta ng naging pang-aabuso natin sa kalikasan? Ano naman ang nagtulak sa mga taong tinawag nating terorista para maghasik ng karahasan? Hindi po ba ito ay gawa rin natin bilang tao dahil sa maling mga desisyon ng pamahalaan kung paano pakitunguhan ang ibang lahi at hindi kauri.