Sabado ng gabi (Hunyo 16), nagtungo ako sa bahay ni Edlyn sa Mandaluyong City para personal na makita at masubaybayan ang pakikipag-ugnayan sa isang kapre na umano’y matagal nang nanliligaw sa kanya.
Bahagi ito ng naging usapan sa isang team ng himpilang GMA7 para sa kanilang segment sa palabas na 100 Percent Pinoy sa darating na Huwebes ng gabi, Hunyo 21.
Umalis ako ng istasyon mga alas-6:30 ng gabi, 30-minuto pagkatapos ng aking programang Misteryo sa DZRH at naging panauhin ko si Professor Jimmy Licauco na kagagaling lamang sa Poland mula sa kanyang ginawang lecture doon tungkol sa kapangyarihan ng isip, pakikitungo sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon at iba pang usapin tungkol sa paranormal.
Sa daan pa lamang ay naramdaman kong pilit na gumagawa ng paraan ang mga kapanalig ng kapre para hindi ako matuloy sa bahay ni Edlyn marahil ay para hindi matuloy ang usapan o kundi man ay matuloy sila na di na ako kailangan.
Dumaan ako sa Gil Puyat Avenue, Makati City ngunit paglagpas ng riles ng tren patungong Pasong Tamo ay grabe ang trapiko at hindi na umuusad ang mga sasakyan. Dito ako inabot ng halos 30 minuto oras at sa tulong na rin ng ating mga kapanalig sa pwersa ng Liwanag sa pagpapala ng Panginoong Diyos ay nakalagpas ako sa naturang sitwasyon.
Bagaman di ako naniniwala sa nagkagtaon lamang ay nakita kong ang dahilan ng matinding trapiko ay ang napakalapad na hukay sa gitna ng kalsada patungong Edsa sa kanto ng Gil Puyat at Pasong Tamo.
Ang sabi ko sa aking sarili, ah talagang meron palang problema dahil sa hukay na yun ngunit hindi ko lang lubos maisip na kung bakit nagka-sabay-sabay pang bumuhos ang mga sasakyan dun sa ganung oras na dapat sana ay medyo maluwag dahil sa Sabado naman.
Binalewala ko yun sa aking isip at nang makarating ako sa Makati Avenue ay naging maluwag ngunit ang patungong Kalayaan ay medyo masikip dahil na rin sa kaliwat-kanang mga videoke bar.
Ngunit pagdating ko ng Mandaluyong City Hall sa circle nito ay dun na ako tila nalito dahil sa ang pagkaka-alala kong Boni Avenue ang direksiyon patungo sa bahay nila Edlyn ay sa kabila ako napadpad yung patungong EDSA at doon ako inabot ng halos 30 minuto pang pa-ikot ikot, matrapik din at hanggang sa matunton ko ang tamang direksiyon na tila iniligaw pa ako ng todo sa kanilang lugar na sa alam ko ay napakalapit na.
Halos mag-alas 9 na ng gabi ng makarating ako sa bahay ni Edlyn na nahirapan pa rin kong makita ito buti na lamang ay siya na mismo ang lumabas ng kanilang bahay para ako sunduin sa kabilang lansangan. Inaamin kong hindi ko kabisado ang naturang lugar ngunit dapat sana ay madali kong makita ang pangalan ng mga lansangan na sa mga sumandaling iyon ay tila naglaho lahat.
Dun ko nalaman pagdating sa bahay nila Edlyn na sinadya ng Kapre at mga kapanalig nito na hadlangan ako sa aking pagbisita sa kanilang lugar nang ito ay sabihin mismo ng isang dalagita dun na “hindi siya makakarating dito.”
Ilang minuto ang lumipas ay sinimulan naming ang pakikipag-ugnayan ngunit sa aking talagang plano na kausapin ang isang kaibigang Kapre na si Ferdi at hindi direktang kausapin ang manliligaw na kapre na si Marko.
Ngunit nag-iba na ang lahat ng biglang pasok sa katawan ni Edlyn si Marko at dito na nagpumiglas ang dalagita na sa sobrang lakas niya ay tatlo hanggang apat na tao kaming nagtulong na hawakan siya.
Sa pagpapala ng Panginoong Diyos, kanyang mga Anghel kasama ang mga mabubuting kaibigan tulad ni Ferdie, Nicktus at kanyang mga kapatid at iba pang nilalang sa kabilang dimensiyon ay hindi nagwagi si Marko na tuluyang makontrol ang katawang lupa ni Edlyn.
Dito ko napatunayan na talagang masidhi ang kagustuhan ng matapang na kapre sa naturang dalagita na may halong matinding galit marahil dahil sa pakiki-alam namin, ngunit sa pagkakataong ito ay nanaig ang lakas ng Liwanag laban sa kampon ng Kadiliman.