Gadyet para sa Multo, Naimbento

Habang umuusad ang makabagong panahon sa henerasyong ito, ay sumasabay din ang mga pamamaraan na naiisip ng mga eksperto para makatulong sa pagtuklas ng misteryo ng buhay…lalu na ang hangaring patunayan kung may kabilang-buhay sa oras na namatay na ang isang tao.

Isang kumpanya sa bansang Japan ang nakaimbento ng isang kakaibang instrumento na maaaring gamitin hindi sa mga buhay – kundi sa mga patay o sa mga gumagalang kaluluwa sa ating paligid.

Ito ay tinawag sa pangalang ‘Ghost Radar’ na biglang tumutunog at kukutitap ang kulay pulang ilaw nito kapag nakasagap ng mga kakaibang enerhiya sa paligid lalu na kung merong multo sa tabi nito.

Nagkakaroon din ng reaksiyon ang instrumentong ito sa init ng katawan at pagpapawis ng tao batay sa paggana ng sensor nito kung saan ang sinumang gagamit nito ay kailangan lamang itong diinan ng kanyang hinlalaki.

Ang ghost radar na ito na naibento ng mga eksperto ng Solid Alliance ay katamtaman lamang ang laki na madaling dalhin kahit saan basta merong computer.

Inihayag mismo ni Yuichiro Saito, bise presidente ng Solid Alliance Company, na ang ghost radar ay biglang tutunog at maaari itong marinig kada oras kapag ito ay inilagay sa isang lugar na merong gumagalang multo, gayunman, may mga pagkakataon na hindi naman ito tutunog sa ibang mga lugar na walang kakaibang enerhiya.

Ang instrumentong ito ay maaaring ikabit sa computer at meron itong usb memory storage device, kung saan maaaring mailagay ang mga mahahalagang dokumento, mga larawang digital at maging ng MP3 music files.

Ang memorya na taglay ng ghost radar ay naglalaro mula 128 hanggang 512 megabytes, gayunman ito ay hindi naman direktang nakakabit sa pangunahing trabaho nito bilang ghost detector.

Ang instrumentong ito ay inirerekumenda ng mga eksperto na maaaring paganahin sa dis-oras ng gabi kung saan karaniwan nang gumagala ang mga espiritu o mga kaluluwang ligaw habang ito ay nakakabit sa computer.

Maari din itong gamitin bilang panukat ng mga taong mahilig makaranas ng multo sa paligid na kilala sa tawag na “ghost hunting”. Karaniwang mahilig dito ang mga kabataan na nais maramdaman ang enerhiya ng mga multo sa mga kilalang lugar o bahay na minumulto. Ngunit, ang babala ko lamang, wag gagawing biro ang pakikipag-ugnayan sa mga kaluluwa o mga espiritu sa paligid.

Ipinaalala ni Saito na ang instrumentong ito ay hindi laruan dahil sa kapag ito ay pinagana, tiyak mong merong kakaibang enerhiya o espiritu sa tabi mo lalu na kapag naramdaman mong nangilabot na iyong buong katawan.

Ang kumpanyang Solid Alliance ay kilala rin sa Japan dahil sa mga pinasikat nitong iba pang instrumento tulad ng Sushi Disk kung saan meron itong replica ng mga kilalang pagkain sa Japan tulad ng tuna, at ang isa naman ay ang I-duck storage unit kung saan meron itong umiilaw na kasing-hugis ng maliit ng pato.

Interesado ba kayong bumili ng ghost radar, ewan ko lang kung meron na ito sa Pilipinas, ngunit sinimulan na itong ibenta sa Japan at maging sa mga bansa sa Europa maging sa Amerika.

Maaari kayong mag-log on sa kanilang website na www.solidalliance.com para alamin ang iba pang detalye tungkol dito, yun nga lang puro Japanese character ang makikita mo.

Sa aking personal na pananaw tungkol dito, malaking tulong din ang ghost radar sa mga taong nasa larangan ng pananaliksik ng paranormal at gustong imbestigahan ang manipestasyon ng mga espiritu o multo sa ating paligid lalu na sa mga taong iniistorbo palagi ng mga kaluluwang ligaw.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 0916-7931451 o mag-email sa psiphenomena@yahoo.com. #