Kapangyarihan ng Dasal

Bagaman marami sa atin ang naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin o dasal, iilan lamang sa atin ang tila ayaw maniwala na ang isang kaganapan ay resulta ng taimtim na panalangin.

Maraming ibat-ibang klase ng dasal at ito ay depende sa nakagisnang relihiyon o paniniwalang-espiritwal, ngunit anupaman ang pamamaraan ng panalangin o pagdarasal, ang pinakamahalaga dito ay ang intensiyon o layunin kung para saan ang iyong taimtim na panalangin.

Karaniwan sa ating pagdarasal ay humihiling tayo ng isang bagay o isang sitwasyon na makatutulong sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad at sa ating bansa sa pangkalahatan.

Ngunit, batay naman sa testimonya ng maraming taong nakaranas na, mas mabuti ang pagdarasal ng pasasalamat o prayer of gratitude dahil sa ang ganitong pamamaraan ng panalangin ay isang napakapositibong dasal dahil sa hinuhubog mo na sa iyong isipan na ang lahat ng iyong kahilingan ay naganap na, nagkatotoo na at naisabuhay na sa materyal na mundo natin.

Karaniwang tanong sa akin, kung yun bang paulit-ulit na dasal tulad ng orasyon ay maituturing na mabisa o matindi ang dating dahil sa katwiran ng iba na hindi naman dapat na ulit-ulitin dahil sa pabirong baka makulitan ang Diyos ay hindi niya ipagkakaloob ang kahilingan.

Sa totoo lang, una, wag na natin isipin na parang isang tao ang Diyos na nakukulitan o nabibingi sa ating mga panalangin, hindi po natin siya maaaring ihambing sa ugali ng tao dahil sa walang hanggan ang kanyang kabaitan, pang-unawa at pagmamahal. Pangalawa, ang panalangin na paulit-ulit tulad ng orasyon (novena) ay isang paraan para mahubog na mabuti ang layunin ng dasal na iyon na nasa iyong isipan. Ang paulit-ulit na pagbigkas sa dasal ay nakapagbibigay ng matinding enerhiya o lakas para ito ay maisakatuparan.

May tanong din na yun bang dasal na nasa wikang-Latin o anupamang mahiwagang mga kataga ay mas makapangyarihan kesa sa karaniwang mga dasal ngayon na isinalin na sa ating kasalukuyang wika. Ang katwiran naman dito, mas mainam na naiintindihan mo ang dasal na binibigkas mo kesa naman sa hindi baka naman ang dasal na yun ay nakatuon na pala sa kampon ng kadiliman.

May katwiran ang isang rason na mas mainam na bigkasin ang dasal sa salitang nauunawaan natin dahil sa alam natin kung kanino at kung ano ang layunin ng panalangin na iyon.

Ngunit, subok na sa mga pamamaraang-espiritwal (pagpapalayas sa mga espiritu) maging sa mga ritwal pangrelihiyon na ang mga dasal na ang gamit ay Latin at iba pang mahiwagang kataga ay napakamakapangyarihan dahil sa ang mga ito ay ginamit na mula pa sa sinaunang panahon. Ang mga dasal na ito ay maituturing na nakapagbuo ng malakas na enerhiya sa kabilang dimensiyon dahil sa ginamit na ito ng mga sinaunang mga lider-espiritwal o relihiyon na ang iba ay talagang naiangat na sa mas matataas na antas ng espiritwal sa kabilang buhay.