Marami sa atin ang nagsasabi na kapag nakakakita ng multo, engkanto, maligno, at iba pang espiritu ay gising na ang third eye o ikatlong mata nito. Kapag nababasa ng isang tao ang personalidad ng kapwa nito ay masasabing gising na ang third eye nito. Kapag nakikita ng isang tao ang mangyayari sa hinaharap at kaya nitong silipin ang kapalaran ng isang tao ay kadalasan nating sinasabi na meron itong third eye.
Ngunit ang ganitong paniniwala ng karamihan ay isa palang malaking pagkakamali nang dumalo ako sa isang seminar ni Master Del Pe na may pamagat na “Mastering Your Third Eye”.
Natuklasan ko na ang third eye hindi pala ganun kadaling gisingin hindi tulad ng sinasabi ng ilang indibidwal na anumang oras ay maaari nilang gawing aktibo ang iyong ikatlong mata sa isang iglap lang o sa pamamagitan ng isang ritwal o di man kaya ay mahika o panalangin lamang.
Ang ating katauhan kabilang na rito ang ating pisikal, mental at espiritwal ay merong kanya-kanyang disenyo batay sa tanda ng iyong kaluluwa (old soul) at kung ano ang mga napagdaanan mong buhay sa mga nakalipas na panahon at pagkakataon.
Kabilang yan sa mga isinasaalang-alang kung ano ang antas ng iyong espiritwal na kaalaman at paggamit ng abilidad na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos lalu na kapag nagawa nating maging aktibo ang ating Third Eye.
Sa aking pananaliksik, may mga clairvoyant (nakakakita ng mga multo at espiritu) ang hindi pa lubos na nagiging aktibo ang third eye. Ito ay nangangahulugan na wala pa itong kakayanan na makakuha ng mga impormasyon mula sa matataas na mga espiritu, bagaman maaari nilang makausap ang mga ito sa limitadong oras – dahil kung tumagal pa ay masama ang epekto nit. Mula sa pangkaraniwang panananakit ng ulo hanggang sa tuluyang magkaroon ng problema sa katawan.
Ayon kay Master Del Pe, ang ikatlong mata ay isang mekanismo ng lahat ng mga chakra o mga liwanag sa ating ulo na kapag naging aktibo o nagising ay magiging mas malawak, malalalim, maliwanag, at mas malinaw ang mga nakikita mo sa pisikal man o espiritwal maging ang pagkuha ng mga impormasyon sa matataas na antas ng espiritwal. Nagsisilbi itong animo’y teleskopyo o mikroskopyo ng mga impormasyon na maaaring magamit ng mga matataas na espiritu o spiritual masters para makatulong sa ebolusyon ng tao.
Anu-ano nga ba ang mga liwanag na nasa ating ulo – ajna, ito ang liwanag sa pagitan ng ating mga kilay; ang forehead chakra sa noo; ang crown chakra o korona sa ituktok ng ating ulo at mga liwanag sa likod ng ating ulo na tinatawag na alta-major na may kuneksiyon sa mga liwanag sa harap ng ating ulo.
Kapag napag-ugnay ng lahat ang mga liwanag na ito hanggang sa mga chakra sa ibabang bahagi ng ating katauhan ay may ilaw na magliliwanag sa loob ng ating ulo. Ang ilaw na ito ay hindi pisikal ngunit ito ay nasa lugar ng pineal gland sa ating ulo na kitang kita ang liwanag kapag ganap nang nagising at ito ang third eye.
Maling pamamaraan ang ginagawa ng iba na ang paggising sa third eye ay naka-pokus lamang sa noo dahil sa hindi rin magtatagal ang ilaw nito sanhi ng wala itong sapat na pwersa para mapanatiling maningning ang taglay niyang liwanag.
Kailangan dito ang paggising sa tinatawag na “sagradong apoy” o liwanag sa pinakadulong ibabang bahagi ng ating gulugod o spinal cord na kilala rin sa tawag na “kundalini.”
Hindi rin ganun kadaling gisingin ang kundalini dahil sa kailangang sumailalim sa masusi at maingat na pagsasanay ang isang tao bago ito mangyari.
Ang babala ni Master Del Pe kapag hindi tama ang paggising dito ay maaaring magresulta sa ibat-ibang uri ng karamdaman sa katawan ng tao dahil sa ang sagradong apoy na ito ay nagbibigay ng lakas sa lahat ng mga sentro ng enerhiya sa katawan – mabuti man ito o masama sa katawan ng tao.
Mahalagang sumailalim muna sa paglilinis ng katawan at katauhan ang isang tao bago gisingin ang kundalini para tiyak na walang magiging kaakibat na sakit na maaaring mabuo kapag isinagawa ang mga aktibidades para gisingin ang ikatlong mata.
Kapag handa na ang katawang pisikal at espiritwal ng isang tao, ay wala nang magiging problema kung magising man ang kundalini dahil sa magiging maayos na ang pag-agos nito pataas para bigyan ng puwersa ang lahat ng mga pangunahing liwanag o chakra ng katawan.
Ang katawan ay kailangan din na sumailalim sa mga pisikal na ehersisyo bagupaman gawin ang anumang meditasyon sa paggising ng sagradong liwanag para matiyak na mawala ang anumang masamang enerhiya na maaaring nabuo sa katauhan ng tao.
Kapag malinis na ang buong katauhan ay maaaari nang isagawa ang meditasyon sa paggising ng kundalini at mai-akyat ang mainit na enerhiyang ito hanggang sa mabuo ang ikatlong mata o third eye sa loob ng ating ulo.
Sa mga ehersisyong pisikal at tamang meditasyon, maaari niyong basahin ang aklat ni Master Del Pe na may pamagat na “Hidden Dangers of Meditation and Yoga” na maaari niyong mabili sa mga pangunahing bookstore. Abangan din ang kanyang aklat tungkol sa Third Eye.