Bagaman marami ang naniniwalang merong mga anghel, hindi pa rin nawawala ang pag-aalinlangan tungkol sa kanila kesyo wala pa raw nagpapakitang anghel ng personal sa tao sa mga panahong ito, bagkus ay pawang mga kuwento lamang sila.
May tanong tungkol sa mga anghel si Bianca Yu ng Laguna: “nabasa ko o tungkol sa mga anghel, halos lahat o ng sinabi niyo tungkol dito ay naganap sa akin. Bata pa po ako ay nakakita ako ng isang lalaki na naka-puti. May time din po na natutulog ako tapos may bumubulong sa akin at tinatawag ang pangalan ko.
RS: Kung ang paniniwala mong anghel ang nagpakita sayo at bumubulong sayo ay yun ang ating magiging batayan. Totoo na ang mga anghel ay karaniwang nagpapakita ng lahat ay nakaputing suot, may iba na nagpapakita na walang pakpak bagaman karaniwan ay meron silang pakpak na puting puti. Ngayon para lalu natin malaman ang totoong mga tungkulin ng mga anghel ay narito ang paliwanag tungkol dito.
Sa paniniwalang pan-relihiyon, ang mga anghel ay nahahati sa siyam na baitang depende sa tungkuling kanilang ginagampanan, bagaman may mga anghel tulad ng mga arkanghel ang kayang gumanap sa halos lahat ng tungkulin ng mga anghel.
Ayon sa nakagisnan nating paniniwala at patuloy na sinusunod ngayon partikular na ng pag-aaral tungkol sa mga anghel – “Angeology”, ang baitang na kinapapalooban ng mga anghel ay tinatawag na Seraphim, Cherubim, Thrones, Dominions o Dominations, Virtues, Powers, Principalities, Archangels at Angels.
Ang Seraphim ay ang unang hanay ng mga anghel sa pinakamataas na antas na tinatawag na First Heirarchy o Choir. Sila ang sinasabing pinakamalapit sa trono ng Diyos, sila ang patuloy na nagbibigay papuri sa Panginoong Diyos na siyang lumikha sa langit at lupa, at sa buong kalawakan.
Ang Cherubim o Kerubin, ay ang mga anghel na naatasang pang-hawakan at pangalagaan ang Karunungan ng Diyos at umanoy kadalasang ipinapadala sa lupa para isakatuparan ang mahahalagang misyon tulad na lamang ng ginawa nilang pagpapalayas sa Hardin ng Eden kina Adan at Eba maging ang pagpapakalat ng balita sa kapanganakan ni Hesukristo.
Ang Thrones ay kilala rin sa tawag na Ophanin at sila ang nagsisilbi sa pangunahing tungkulin bilang “karwahe” ng Diyos o God’s Chariot. Sila ang umanoy nagsasagawa ng mga pangunahing nais ng Diyos ng walang kinikilingan. Tinatawag din silang Wheels o Chariot, Kaballah at Merkabah para sa mga Jewish o Hudyo.
Ang Dominions ay ang mga anghel na nasa pangalawang antas sa grupo ng mga anghel na kilala sa katagang Second Heirarchy o Choir at nagsisilbing tagapamagitan sa mga matataas na anghel at sa mababang anghel. Sila ang karaniwang napag-uutusan ng mga Seraphim at Cherubim at sila rin ang nakatalaga para matiyak ang kaayusan sa buong kalawakan- pisikal man o espiritwal.
Ang Virtues ay ang mga anghel na umanoy nakatalaga sa natural na galaw ng mga planeta sa buong kalawakan at ang nagbibigay katiyakan sa pagkakaroon ng mga natural na proseso ng kalikasan tulad ng mga ulan, snow, hangin at iba pa.
Ang Powers naman ay ang mga anghel na tinaguriang “spirits of form”. Sila ang umanoy nagsisilbing bantay ng kalangitan laban sa atake ng mga masasamang espiritu tulad ng mga demonyo, at sila ang nasa hangganan ng materyal na daigdig at espiritwal.
Ang Principalities naman ay ang mga anghel na maituturing na pinakalider ng Third Choir at nagbabantay sa materyal na daigdig sa buong kalawakan hindi lamang dito sa ating planeta at sila ang responsable para maisakatuparan ang mga Banal na Gawain ng Diyos sa pisikal na mundo.
Ang mga Archangel naman ay kilala bilang “fire angels” at silang may kapangyarihan na magtakda sa katungkulan at misyon ng mga anghel mula sa pinakamataas na antas hanggang sa pinakamababa dahil sa pinakamataas sila sa lahat ng mga anghel. Sila ang tinatawag na mga Dakilang Anghel dahil sa tinatawag din silang Chief Prince o Prinsipe ng mga Anghel tulad nina San Miguel at San Gabriel.
Ang mga Guardian Angel naman ay silang naatasang magbantay ng mas malapitan sa mga nilikha ng Diyos, bagaman meron isang uri ng anghel na nagsisilbing mensahero ng Diyos mula sa taas pababa sa pisikal na mundo.
Harinawa ay nakatulong ako sa aking mga paliwanag tungkol sa mga anghel. Maniwala man tayo sa hndi ay nandiyan sila, mainam lamang na kausapin natin sila sa pagkakataong nararamdaman natn ang kanilang presensiya.