Mga Abusado at Pekeng Psychic, Naglipana?

Sa mga panahong ito na nahaharap tayo sa krisis ay marami sa ating mga
kababayan ang naaakit sa mga taong may kakayanang basahin ang kapalaran ng bawat
isa, at kung magiging maganda ang kanilang kinabukasan.

Bagaman, maraming psychic o mga sensitibong tao ang totoo ang kanilang
sinasabi batay sa kanilang nakikita sa baraha man yan o iba pang gamit sa pagbabasa o
reading tulad ng tarot cards, angel cards, at bolang kristal, meron naman ibang grupo ng
mga psychic na karamihan ay peke, na ganito rin ang pamamaraang ginagawa para
lamang kumita ng pera.

Paano nga ba malalaman na ang isang tao ay totoong psychic o nagkukunwari
lamang, bagaman ang iba ay totoong may abilidad o kakayanan ang kaisipan ngunit
abusado naman sa kanilang mga kliyente.

Maging ang daigdig ng cyberspace o internet ay napasok na rin ng mga
abusadong psychic para lamang maging adik ang sinuman sa kanilang ginagawa at
dumepende na lamang sa kanilang sinasabi.

Ngunit sa hirap nga ng buhay sa ngayon ay may mga nagkukunwaring psychic at
hindi naman talaga totoong mga sensitibong tao na may kakayanang silipin ang kabilang
daigdig o dimensiyon na kilala sa tawag na Astral Reality.

Ayon kay Terry Strokes, isang psychic researcher, sa kanyang artikulo na
pinamagatang “Psychic Abuse and How to Avoid It” sa unexplained mysteries.com,
madaling malaman kung ang isang psychic reader ay totoo o peke.

Una, kailangan ang isang psychic ay di nagsasabi ng mga detalye para sa
ikasasama ng isang tao, na ang ibig sabihin ay sikapin na positibo ang paglalahad ng mga
detalye ng nakitang kapalaran.

Pangalawa, wag na wag kayong boluntaryong maglalahad ng mga detalye sa
inyong buhay, hayaan lamang ang isang psychic na yun ay sabihin sayo bagaman hindi
buong detalye ay alam mong nangyayari nga yun sa iyong buhay.

Pangatlo, ang mga pekeng psychic ay nagsisikap na magtungo sa inyong bahay
para tignan ang inyong mga kagamitan lalu na kapag ang mga ito ay mamahalin.

Pang-apat, sikapin na magtanung-tanong sa inyong mga kaibigan kung sila ba ay
meron nang napuntahang psychic na mabuti ang hangarin sa pagbabasa o psychic
reading.

Panglima, wag lamang dapat na nakadepende sa sasabihin ng isang psychic kung
ano ang inyong kapalaran sa hinaharap dahil wala pa yung katibayan kung may
katotohanan o wala, sikapin na tanungin sa kanya ang iyong nakaraan dahil sa aking
paniniwala may kakayanan ang totoong psychic na makita ang iyong nakalipas.

Pang-anim, wag na wag na sumandal lamang sa bawat detalye na sasabihin sa
inyo ng isang psychic reader kundi gawin lamang na inspirasyon o babala ang kanyang
mga nakita sa baraha o kristal, at wag na basta maniniwala sa sinasabing meron silang
kakayanan na ibalik ang inyong mga minahal sa pamamagitan ng tinatawag na love
spells o gayuma.

Pang-pito, wag kayong maniniwala sa isang taong nagkukunwaring psychic na
kaya nilang alisin ang malas sa inyong buhay kapalit naman ng pagbabayad mo ng
malaking halaga dahil ang isang totoong psychic ay maaaring maningil na angkop naman
sa tamang presyo ngayon ngunit ang iba ay donasyon na lamang ang kanilang hinihingi.

Bagaman, sa larangan ng psychic reading ng mga totoong sensitibong tao ay di
maiwasan na maningil, ito ay dahil na rin sa ginawa na rin nila itong prupesyon, at dito
sila kumukuha ng kanilang ikinabubuhay at para matustusan ang kanilang gastusin tulad
ng pamasahe at pagkain.

Karaniwan silang naniningil ng mula P150 hanggang P300 per session, yan ang
alam kong kasalukuyang rate ngayon sa lahat ng psychic sa buong Pilipinas, ngunit ang
higit pa rito ay maaaring may halo nang pang-aabuso.

Para sa inyong mga katanungan at suhestiyon, mag-text lamang po sa 0916-
7931451 o mag-e-mail sa paranormalrey@gmail.com. Pwede rin kayo lumiham sa akin sa address na: rey t. sibayan, c/o dzrh, mbc building, ccp complex, pasay city.