Mga Mensahe, Unawain

Habang umuusad ang ating panahon at nagiging mas makabago pa ang teknolohiya ng tao, sumasabay pa rin sa pagbabagong ito ang aspekto ng ating espiritwal at dumarami na ngayon ang mga nakakaranas ng mga kababalaghan sa kanilang buhay na kahit na balewalain natin ay nandyan pa rin.

Ang tinutukoy ko ay hindi lamang ang pagpaparamdam at pagpapakita ng mga espiritu sa ating pang-araw araw na buhay, kundi maging ang mga kaganapan sa ating buhay na palagi nating isinasaisip na nagkataon lamang.

Ang ganitong mga kaganapan itanggi man natin sa hindi ay resulta ng ating sariling kagustuhan sa pamamagitan ng ating isipan, bagaman ang iba ay biglang dumarating sa ating buhay na ni minsan ay hindi naman naisip na mangyari.

Para sa karamihan, sadyang mahiwaga ang buhay natin sa mundong ito, ngunit kung lilimiin nating mabuti, lahat ng mga nagaganap sa ating buhay ay merong magandang resulta sa ating buhay at kung bubuksan lamang natin ang ating isipan ay wala naman talaga misteryo o hiwaga sa buhay ng tao – lahat ay normal.

Kahit gaano pa kapangit o kasama sa paningin natin o sa tingin ng iba ang isang kaganapan ay makikita pa rin natin na meron itong magandang epekto sa ating buhay, kung kaya’t ang lagi kong paalala, tignan ang positibong epekto ng lahat.

Ang mga nilalang sa kabilang buhay o dimensiyon, kaluluwa man yan, anghel man yan, engkanto at ekstra-terestriyal, lahat ng mga espiritu ay merong mga mensahe sa atin ngunit depende yan sa kundisyon ng ating kaisipan.

Kung ang kundisyon ng ating puso’t isipan ay nakatuon sa pangit na pananaw ng buhay ay negatibong pwersa ang lalapit sa iyong buhay na ang resulta ay masamang kapalaran, ngunit, kung positibo at magagandang layunin ang laging naiisip sa kabila ng mga sakripisyo at paghihirap ay tiyak na merong magandang kinabukasan na patutunguhan, ito ang kasabihan na “like attracts likes.”.

Kaya’t mahalagang maging sensitibo tayo, talasan ang ating pakiramdam, paningin at isipan sa anumang mga mensahe na dumarating sa ating buhay, lahat ng yan ay merong mahalagang papel sa ating buhay.

Tulad na lamang ng pakikipag-ugnayan natin sa Poong Maykapal, karamihan sa atin ay nagdarasal laging humihingi ng tawad at pagpapala sa Diyos, at laging naghihintay ng katugunan mula sa Kanya.

Karamihan ay nais na makita ng mga mata natin kung ano ang katugunan mula Diyos “to see is to believe” ika nga, ngunit sa totoo lang nung oras na ikaw ay nanalangin at nakipag-ugnayan sa Kanya ay meron na agad Siyang katugunan.

Sa unang pagkakataon kapag hindi mo naunawaan ang mensahe ay hindi titigil ang Diyos sa pagsasabi sayo ng Kanyang katugunan, hanggang sa umabot sa puntong maunawaan mo na.

Naranasan niyo bang isang araw may wish kayo ay bigla niyo na lamang nakita ang katugunan sa inyong kahilingan habang kayo ay naglalakad sa kalye, at kitang kita ng dalawa mong mga mata ang napakalaking kataga o di man kaya ay paulit-ulit mong naririnig ang mensahe mula na mismo sa mga taong nakapaligid sayo.

Kung kaya’t ang lagi kong sinasabi na kapag nanalangin tayo sa Poong Maykapal ay magpasalamat na tayo dahil “affirmation” na yun kumbaga ay tinanggap na natin ang naging katugunan Niya sa ating kahilingan, ngunit kadalasan sa maraming pagkakataon ay nababalam ang katuparan ng lahat, marahil sayo din ang problema tulad ng pagdududa at mga maling desisyon.

Mahalagang pakinggan natin ang mensahe hindi lamang mula sa Diyos kundi maging ng iba pang nilalang na makatutulong sa atin, basta magtiwala lamang tayo sa ating sariling kakayanan, ngunit kahit na madapa man tayo sa landas na ating tinatahak ay marami pang pagkakataon sa ating buhay – MANALIG LAMANG TAYO!