2006-08-05 22:30
Marami sa ating mga kababayan ang may ibat-ibang karanasan tungkol sa mga multo at sa tinatawag na Near-Death Experience (NDE) o muntikan nang pagkamatay, o namatay man ay nabuhay.
Bagaman, may ilan na alam nila kung ano ang paliwanag tungkol sa kanilang karanasan, ang iba naman ay patuloy pa ring nangangapa ng mga kasagutan lalu na at kung puro haka-haka lamang ang kanilang naririnig at hindi ang tamang paliwanag.
Ang iba naman ay minamabuti na lamang na manahimik kapag hindi alam ang tumpak na sagot sa kanilang katanungan, at unti-unting kalilimutan lalu na kapag ang kanilang karanasan ay nakakatakot.
Ngunit, ang lagi kong paalala sa lahat kung meron kayong karanasan tungkol sa mga espiritu, nakita niyo man ito ng personal, lumitaw man sa larawan, narinig man ang kanilang boses o di man kaya ay kayo ay dumanas ng pananakit sa mga ito, mas mainam na ito ay bigyang halaga at wag lamang ipagbawalang bahala.
Narito ang ilan sa katanungan ng ating mga kababayan batay sa kanilang karanasan:
Tanong ni Christian Nider: May tanong lang po ako. Bakit po kaya nakakakita po ako ng mga spirits pero mga anino lang po. At kapag pinag-uusapan naming ng mga kaibigan ko sumasakit ang ulo. But why do I see them. Just last night, I was with my friends were at the 2 nd floor of an unfinished house, madilim and dun sa may hagdan, may nakita kaming umaakyat and palinga-linga pa nga e kaya lang walang mukha and bigla na lang nawala.
RS: Kung ikaw ay nakakakita ng mga espiritu, ang karaniwang tawag sa iyong kakayanan ay “clairvoyance”. Merong dalawang uri ng clairvoyance – ang objective at subjective clairvoyance. Ang Objective Clairvoyance ay yung abilidad na makakita ng mga espiritu at multo sa pamamagitan ng pisikal na mata. Maaaring ang tingin nito sa multo ay usok, anino at ang pinakamatindi sa lahat ang tingin sa kanila ay tulad ng isang pisikal na tao. Ang Subjective Clairvoyance naman ay ang kakayanan na makakita ng mga espiritu sa pamamagitan ng isip, o ang tinatawag na “mind’s eye”. Ang mga multo ng sumakabilang buhay na tao ay karaniwang nagpapapansin lamang ngunit ang iba naman ay gumagawa ng paraan para sila ay magbigay ng mensahe. Gayunman, kailangang mag-ingat na mabuti sa pakikipag-ugnayan sa kanila, merong ibang uri ng multo o espiritu ng namatay na tao na marahas at may kakayanang manakit ng tao lalu na sa mga sensitibong tao.
Tanong ni Milen dela Cruz ng Potrero, Malabon: Nabasa ko lang po yung column niyo sa diyaryo, gusto ko po sana magtanong sa inyo kasi nag-picture po ako dati sa bahay na pinagta-trabahuan ko tapos may lumitaw po na ibang tao na nakaputi. Ano po ibig sabihin nun? Isang lalaki at isang babae tapos nakatayo sila, nakasandal yung ulo ng babae sa balikat ng lalaki. Tapos yung isang picture namin mukhang witch tapos nakaharap sa kamera. Sarili ko po yung kinunan ko tapos nakita kop o sa background, tapos yung mukhang witch nakunan ko dun sa pwestong pinanggalingan ko.
RS: Karaniwan na sa mga panahong ito ang mga multong nakukunan ng larawan. Ang manipestasyon ng mga ito ay magkakaiba. Maaaring sila ay sa pormang usok, anino, at liwanag. Sa tanong mo Milen kung ano ang ibig sabihin ng pagpapakita nila sa larawan ay karaniwang gusto lang nila sabihing nandun sila at dapat silang bigyang pansin. Ang mga kaluluwa ng mga namatay na tao ay kadalasang gusto nilang mamuhay bilang isang pisikal na tao lalu na at hindi pa nila matanggap na sila ay sumakabilang buhay na. Sila ang mga karaniwang tinatawag nating mga ligaw o gumagalang kaluluwa, ngunit mas mainam na tawagin silang Earthbound Souls. Kung hindi naman sila nananakit ay walang problema ngunit kung madalas na silang perwisyo sa inyong lugar ay mainam na komunsulta kayo sa mga eksperto. Kung madalas naman sila magpakita ay maaaring may gusto silang sabihin na kailangang pakinggan.
Tanong ni Neng ng Bulacan: Just read your column. Naranasan ko rin ang NDE. Heto ako nanggagamot at kalaban ng masasamang elemento (elementals) sa gabay ng banal na santisima trinidad at mahal na birhen. Pati ng mahal na Sto Nino. Pero may alam ka bang dasal para sa kamamatay kong ina kasi two heads are better than one. Lagi niya haplos ang buhok ng anak kong bunso na mag-19 years old na sa Oktubre. Inang died June 29, 2006. I’m your fan.
RS: Mismong si Neng ay umamin na siya ay dumanas ng Near Death Experience (NDE) at tulad ng nauna kong sinulat na ang mga taong may ganitong karanasan ay nagkakaroon ng pambihirang abilidad tulad ng panggagamot, yun ang ginagawa na ngayon ni Neng. Sa tanong niyang kung ano ang dasal para sa sumakabilang buhay na kaanak ay yung karaniwang dasal na ginagawa natin. Nakatutulong ito ng malaki para matanggap ng sinumang namayapa na sila ay nasa kabilang buhay na. Yung pag-haplos ng kaluluwa sa buhok ng anak niyang bunso ay hindi ko naman masasabi na yun ay isang uri ng pananakit bagkus ay nais lamang gawin yun ng isang namayapa dahil sa tulad natin meron din silang emosyon lalu na ang mga hindi pa nakaka-akyat sa langit o nakakapunta sa ibang dimensiyon.
Ugaliing makinig sa aking programang Misteryo tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi sa DZRH.