Mga Tip Sa Ghost Hunting?

Mahilig ba kayo o interesado sa ghost hunting?

Bagaman marami ng duda pa rin sa realidad ng kabilang buhay o spirit world sa katagang ingles, marami rin ang mga interesadong maranasan ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu at mga gumagalang kaluluwa ng mga namatay na tao.

Ito ang dahilan kung bakit marami ang nagaganyak na sumasama sa “ghost hunting” o ang pagtungo sa mga lugar na kilalang pinagpapakitaan ng mga multo tulad ng haunted house, sementeryo, mga lumang gusali o di man kaya ay sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen o trahedya. Ngunit mahigpit ang aking babala na ang ghost hunting ay hindi isang biro o laro lamang dahil sa nakasalalay dito ang kaligtasan ng kahit sinuman

Dahil dito, nais kong ibahagi sa inyo ang mga dapat ninyong tandaan at gawin sa inyong pagtungo sa lugar kung saan kayo magsasagawa ng ghost hunting o imbestigasyon sa mga multo at espiritu.

Kailangang irespeto mo ang mga multo ogumagalang kaluluwa at mga espiritu sa paligid dahil sa minsan naging tao rin sila tulad natin at kailangang maging mabait tayo hindi yung matapang natin silang harapin.

Wag natin silang duduruin o uudyukan para hindi sila gumanti at pagsisihan natin sa bandang huli dahil sa tiyak na susundan ka nila hanggang sa bahay niyo at saktan ka o sinuman sa miyembro ng inyong pamilya.

Lagi mong isaisip na kontrolado mo ang sitwasyon bilang isang prupesyunal sa larangan ng paranormal investigation. Ang tiwala sa sarili at lakas ng loob ay siyang nakapagbibigay sayo ng proteksiyon dahil sa malakas ang iyong enerhiya na bumabalot sa iyong katauhan.

Wag kang maglalakad mag-isa sa iyong ghost hunting. Tiyakin na merong kasama – dalawa man kayo o di man kaya ay mas maganda at mas rekumendado na tatlo kayo sa isang team. Kung sobrang dami kayo sa ghost hunting ay maaari kayong maghati-hati ng grupo na tatluhan.

Dapat walang bisyo ang taong nais gumawa ng ghost hunting. Ang mga nakaka-adik na bisyo tulad ng droga, alak, sigarilyo ay nakapagpapahina sa iyong katawan at enerhiya kung kaya’t mas madali kang saktan ng negatibong espiritu.

Laging makinig sa anumang mensahe sa iyong panaginip. Ngunit lagi ding maging alerto sa panaginip dahil ito ang pagkakataon na nakaka-ugnayan natin ang mga espiritu at sikapin na mag-usal ng panalangin sa Diyos o sinumang mataas na espiritu alinsunod sa iyong pananampalataya bilang proteksiyon kapag may mga umaatakeng espiritu. Ang suhestyun ko dito ay ang pagtawag sa mga anghel sa pamamagitan ni San Miguel Arkanghel.

Maaari kayong gumamit ng mga banal na bagay tulad ng krus, medalyon, o anupaman na bagay na para sa iyo ay sandigan ng iyong pananampalataya sa Kapangyarihan ng Poong Lumikha. Laging isaisip na ang mga bagay na ito ay instrumento lamang at ang tunay na kapangyarihan dito ay ang iyong paniniwala at pananampalataya.

Makinig sa iyong sariling abilidad na tinatawag na intuition. Isang kapangyarihan sa ating isipan na makaramdaman ng mga di nakikitang nilalang sa ating kapaligiran. Mas lamang dito ang mga taong tinaguriang clairvoyant o anupaman na may psychic power.

Kailangang wag hihiwalay sa iyong grupo o ika nga sa kasabihang “walang iwanan.” Mas mabuting sama-sama kayong magtrabaho at nagtutulungan sa anumang misyon ninyo. Kailangang gawin ng buong tatag ang anumang ibibigay sayong trabaho.

Sa inyong gagawing imbestigasyon, tiyakin na lahat ng mga posibilidad na sanhi ng pagmumulto o hauntings sa wikang Ingles ay dapat na bigyang pansin – lohika mang dahilan yan tulad ng mga ingay na likha ng mga bagay-bagay sa paligid, o di man kaya ay ang hindi nakikitang enerhiya sa paligid kasama na rito ang kundisyong kaisipan at emosyonal ng mga taong nakatira sa lugar na pinuntahan. Bigyan din ng halaga ang isang babala na ang mga taong mahina ang kalooban at wala sa tamang kundisyon ang pisikal, mental at espiritwal ay nanganganib na atakehin ng mga masasamang espiritu.

Laging Tandaan na ikaw ang dapat na may kontrol sa sitwasyon. Ikaw bilang imbestigador ay lamang sa mga di nakikitang nilalang dahil sa taglay mong pisikal na katawan, meron kang sapat na kapangyarihan lalu na at ang dimensiyon na iyong ginagalawan ay pisikal at mas may karapatan ka sa mundong ginagalawan mo kesa sa mga espiritu na bigla na lamang narito. Panatilihin ding maging malusog at maayos lagi ang iyong pagkain.

Maging pamilyar sa lahat ng aspekto ng paranormal at supernatural. Kailangang kabisado mo kung ano ang ibat-ibang uri ng mga espiritu mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon. Ika nga, “ang karunungan ay kapangyarihan”. Kung mas marami kang alam ay mas mabuti dahil sa nakapagpapalakas ito ng tiwala sa sarili, ngunit kailangang mag-ingat dahil sa hindi lahat ng karunungan ay makabubuti. Mainam na sumandal ka sa mas lohikang paliwanag.

Hindi maiiwasan na kapag aktibo sa imbestigasyon, ay makakasagupa ka ng mga masasamang espiritu – aminin man natin sa hindi, dalawang klase ang mga espiritu – masama at mabuti. Kailangang armado ka rin na parang isang sundalo na sasabak sa digmaan tulad ng mas masidhi pang pananampalataya sa Diyos. Napatunayan na ang walang kundisyong pag-ibig ang maituturing na proteksiyon at laging balutan ang sarili at sinuman sa inyong team ng puting liwanag mula sa Langit.

Wag matakot na mag-eksperimento. Hindi lahat ng iyong ginagawa ay magiging maganda ang resulta. Kapag sumablay ang isang teyorya, subukin uli o di man kaya ay gawin ang isa pang paraan. Wag maiinip, at wag magiging mainitin ang ulo wala kang matatapos na gawain.

Bago puntahan ang lugar ng may nagmumulto, kailangang alam mo na ang kasaysayan ng lugar na ito, nagsagawa ka na ng inisyal na pananaliksik tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga taong nakatira o nagmamay-ari ng lugar bahay man ito o lupain. Ang anumang impormasyon na makukuha mo ay malaking bagay para malutas mo ang anumang misteryong bumabalot sa lugar.

Kailangan meron kang kaibigan o sinumang mapagkakatiwalaan mo ang nakakaalam ng gagawin ng iyong grupo at kung saan kayo magtutungong lugar. Kailangang magdala ka ng cellphone para madali ka makatawag o matawagan sa sitwasyong gipit na at kailangan niyo ng tulong.

Kailangang alam mo lahat ng magiging problema tulad ng pinakamalalang senaryo ng demonic possession o pagsanib ng mga masasamang espiritu sa taong sensitibo lalu na kung ito ay miyembro ng iyong grupo o di man kaya ay mga taong kontak niyo sa lugar na pupuntahan niyo. Kaya mahalagang kabisado mo ang dapat na gawin kapag may problema lalu na kapag di maiwasang makipag-ugnayan kayo sa mga espiritu sa pamamagitan ng spirit of the glass, Ouija board, medium at iba pa.

Kailangang alam mo ang tinatawag na “low level possession”. Ito ay kagagawan ng mga mababang espiritu na walang dudang negatibo ngunit may kakayanan na impluwensiyahan o kontrolin ang isang tao. Ang mga espiritung ito ay gumagawa ng paraan para hindi produktibo ang isang tao sa pamamagitan ng pagiging mahiligin sa mga materyal na libangan tulad ng kinalolokohan ngayong pag-cha-chat, computer games, pagtungo sa mga bar, at iba pang libangan na nasasayang lamang ang oras mo.

Bagaman meron kang karanasan sa mga multo at iba pang espiritu, mainam pa rin na ang direksiyon ng imbestigasyon o ghost hunting ay ang naaayon sa siyensiya o mas lohikang pamamaraan para hindi pagdudahan ng sinuman lalu na ang mga hindi naniniwalang merong kabilang buhay o dimensiyon ng mga espiritu. Kailangang merong makitang pisikal na ebidensiya tulad ng larawan, video o mga tunog na nai-record.

Magtiwala sa sariling abilidad. Dapat na laging nakikinig sa ating intuwisyon kung saan likas sa atin na nakakaramdam kung merong panganib sa ating gagawin. Kung magiging sensitibo lang tayo sa ating pandama ay ito rin ang paraan para madali natin malaman kung merong mga espiritu sa ating kapaligiran. Kahit naman na hindi mo maabot ang tinatawag na pagiging clairvoyant o yung abilidad na makakita ng multo o anumang espiritu ay malaking bagay na ang pagkakaroon ng malakas na pakiramdam.

Siguruhin na ang bawat hakbang na gagawin ay nakatala kasama na dito ang oras, lugar, mga taong kasama sa imbestigasyon at wag kaliligtaan na magdalawa ng mga pangunahing instrumento tulad ng tape/video recorder. Buti na ngayon at nauso na ang mga cellphone na merong audio at video recording.

Kailangang lagi mong tandaan na ang anumang teyorya sa iyong imbestigasyon ay pabagu-bago anumang oras, anumang araw. Anuman na masasabi mong totoo ngayon ay maaaring mali sa kinabukasan. Kailangang ang sandigan ng resulta ng imbestigasyon ay ang mga pisikal na ebidensiya. Hindi dapat na nakasandal lamang sa lumang teyorya tungkol sa mga espiritu.

Siguruhin na ang bawat hakbang ng ghost hunting ay merong magandang resulta. Ito ang dahilan kung bakit ipinapayo ng mga eksperto na kailangang naitala ang anumang gagawing hakbang. Dapat na organisado ang bawat hakbang para magkaroon ng magandang resulta ang imbestigasyon.

Kung nakakaramdam ka ng takot….walang problema ngunit may babala ang mga eksperto na wag lang todo dahil sa ikaw mismo ang naglalagay sa panganib ng iyong sarili. Alam naman natin na kapag natakot ka ay mahina ang proteksiyon ng iyong katawan at posibleng pasukin ka ng masasamang elemento o espiritu.

Laging isaisip ang mga tip na ito para hindi ka magkaroon ng problema sa ghost hunting o imbestigasyon. Mainam na ma-enjoy mo ang ganitong hakbang ng pagsisiyasat para mapanatili mong sapat ang proteksiyon ng iyong katawan at espiritu laban sa masasamang elemento.

Harinawa ay makatulong ang mga impormasyon na sa inyo lalu na ang mga nagnanais na magsagawa ng ghost hunting. Nais kong ulitin ang babala na ang ghost hunting ay hindi dapat gawing laro o biro lamang dahil sa panganib na dulot nito sa sinumang maging biktima ng masasamang espiritu. Laging manalig sa Diyos dahil tiyak na protektado tayo sa anumang pag-atake ng mga negatibong espiritu sa ating kapaligirian.