Minsan pang pinatunayan ng mga Ekstra-Terestriyal ang katotohanan na nandito na sila sa ating planeta at matagal nang nakikipag-ugnayan sa mga taga-lupa para gisingin ang tao.
Noong Martes (Setyembre 27), ako ay naimbita ni Paranormal Expert Jimmy Licauco sa isang biyahe patungong Caliraya, Laguna para personal na masaksihan ang pagpapakita ng mga UFO sa naturang lugar.
Dumating kami sa naturang lugar dakong alas-2 ng hapon at pansamantalang nagpahinga at saka kami tumulak patungong Japanese Garden, ang itinuturing na sagradong himlayan ng mga namatay na hapones dito sa bansa.
Mga pasado alas-tres ng hapon nang umakyat kami sa bundok hanggang sa marating namin ang tuktok nito kung saan kitang kita ang Caliraya Lake at magandang tanawin para malinaw na makita ang anumang lumilipad sa kalawakan.
Ilang minuto bago ang alas-kuwatro ay biglang nagbigay ng hudyat si pareng Nick de Guzman na malapit nang magpakita ang mga UFO sa kanluran kung saan naka-puwesto ang araw.
Ramdam na ramdam ang malakas na enerhiya sa paligid lalu na nang makipag-ugnayan sa mga Ekstra-Terestriyal si Inventor/Engineer Serafin Orijuela at lalu pang tumindi ang lakas ng enerhiya nang magsimula nang magpakita ang mga UFO sa paligid ng araw sa kanluran.
Hindi agad nakita ng karamihan ang mga UFO dahil na rin sa nasilaw sa sikat ng araw, ngunit sa katalagan ay unti-unti nang naaninag ang mga UFO na nakapaligid sa araw lalu na sa ibabang bahagi nito.
Si Nick, ang nagbigay ng kumpletong detalye sa bawat kilos ng mga UFO tulad ng paggalaw ng mga ito, pag-ikot at pagpapalit ng puwesto….at hindi lamang anim kundi siyam ang umanoy nagpakita.
Ginagawa ito ni Nick habang katabi si Serafin na noon ay abala sa pakikipag-ugnayan sa mga bumabang ET, na minabuting di muna magpakita sa tao, ngunit naramdaman ng karamihan ang kanilang presensya.
Gumamit ng mga camera sa kanilang cellphone ang mga sumaksi sa naturang kaganapan baka sakaling makunan ang kanilang pagpapakita sa tao.
Naging matagumpay naman ang dalawa sa mga merong dalang phone camera – isa dito ay sunud-sunod ang mga kuha ng pagpapakita ng mga UFO, samantalang ang isa naman ay nakakuha ng nakalutang na bagay malapit sa aming lugar na lubos namang ikinagulat ng lahat.
Sa mga larawan, makikita ninyo kung paano lumipad palayo sa araw ang ilan sa mga nagpakitang UFO, ngunit ang kaganapan na yun ay kailangan pang maimbestigahan ng mga eksperto sa pangunguna ni Elmor Escosia ng UFO investigation team ng Pag-Asa.
Nang tanungin ko si Licauco kung kumbinsido siya sa naturang kaganapan, inihayag nito “na hindi lahat ay makakakita sa UFO dahil sa ang mga ito ay masasabing para-physical – isang bahagi nito ay pisikal samantalang ang kabilang bahagi ay espiritwal.”
Ayon naman kay Orijuela, ramdam na ramdam nya ang presensiya ng mga ET habang siya ay nakikipag-usap dito at nagpasalamat sa naturang pagkakataon na masaksihan ang kanilang paglipad sa himpapawid.
Sa panig ni Pareng Nick (de Guzman), tinupad lamang ng mga ET ang kanilang pangako noong July 27, 2005 na magpakita sa tao, nang makaugnayan nya ang mga ito sa pamamagitan din ni Orijuela.
Ako bilang isa ring channel o medium ay tumanggap naman isang “telepathic message” mula sa mga ET.
Nais ipaabot ng mga ET ang kanilang masidhing mensahe sa tao na kailangang magmahalan ang bawat isa hindi lamang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo, at iwaksi na ang anumang away o tampuhan sa bawat isa.
Kailangan din anila na gamutin ang ating mga sarili maging ang ating bansa na ngayon ay dumadanas ng matinding kahirapan dahil sa sugat na tinamo nito sa kaliwat-kanang bangayan ng mga lider at pulitiko. Sana naman kahit paano ay nakarating sa mga kinauukulan ang mga mensahe mula sa mga Ekstra-Terestriyal.
Para sa inyong mga suhestyun, problema sa buhay, maaari kayong makipag-ugnayan sa inyong lingkod bilang psychic counselor/paranormal researcher sa 0916-7931451 o mag-email sa paranormalrey@gmail.com.#