Multo, Anino, Duwende at Iba pa

Sa artikulo ko ngayon, nais kong sagutin ang mga katanungan ng mga kababayan nating merong ibat-ibang karanasang paranormal. Paumanhin sa mga kababayan natin dahil wala akong naging artikulo ng mga nakalipas na linggo at hindi ko agad nasagot ang inyong mga katanungan bunsod ng masyadong abala nitong kapaskuhan.

Tanong ng cp # 09265592288 – Ako po ay nakakakita ng multo kada unang biyernes ng buwan at minsan naman po ay duwende sa bato sa likod ng bahay namin. Bakit po nagpapakita sa akin ito? Imaginary case lang ba ito?

RS: Normal lamang sa atin kung may mga pagkakataon na nakakakita tayo ng multo at duwende dahil sa tulad ng mga nauna ko nang sinabi lahat tayo ay merong third eye o kakayanan na makakita ng mga espiritu sa ating paligid. Kung bakit sa tuwing unang biyernes ng buwan ka lang nakakakita ng multo, maaaring sa araw na iyon ay yun ang pagkakataon na nakabukas ang iyong third eye. Hindi imaginary case lang yan kundi nangyayari talaga iyan.

Tanong ng cp #09105010732 – Ano po ibig sabihin nito nagpapakita siya sa hipag ko, anino po siya. Tapos binangungot ako kasi napanaginipan ko rin yung anino na pinagsasaksak po niya ako.

RS: Ang nakikita mong anino at ng hipag mo ay maaaring iisa lamang at ito ay isang negatibong espiritu na pumapasok sa inyong panaginip at doon kayo ginagambala. Karaniwan sa pagtulog natin nagkakaroon ng pagkakataon ang mga multo na makipag-ugnayan sa atin. Kung masyadong negatibo ang isang entity ay maaaring magresulta sa bangungot ang pagtulog. Ipinapayo ko na magdasal muna bago matulog at kung sakaling mapanaginipan muli ang isang negatibong espiritu ay wag matakot, harapin siya sa panaginip. Iyan ay isang takot na dapat na harapin nang mahinahon at wag mag-panic.

Tanong ng cp# 09158799671 – Pwede po bang ipaliwanag po ang mga kailangan gawin para magkaroon ng third eye? At hindi na gagamitan ng kung anu ano basta sa sariling paraan. Keep up the good work mr Sibayan.

RS: Tulad ng sinabi ko lahat tayo ay merong sixth sense o third eye na tinatawag. Ngunit ang pagbukas nito ay depende na rin sa taong nagtataglay nito. Karaniwan ang isang sanggol hanggang sa taon ng kanyang pagkabata ay bukas ang kanyang third eye at nagsasara na lang ito ng kusa pag-nagkaisip na o sa kanyang pagtanda. May mga taong mula pagkabata hanggang sa pagtanda nito ay nanatiling nakabukas ang kanyang ikatlong mata. May iba naman na pansamantalang nabubuksan ang kanilang third eye sa mga pagkakataong mataas ang lagnat o matindi ang sakit, at may mga kaso naman ang kanilang pagkakasakit ay siyang dahilan ng pagbukas ng kanilang ikatlong mata, at hindi na ito naisarang muli. May mga pamamaraan din kung paano mabubuksan ang inyong third eye tulad ng meditasyon, at patuloy na imahinasyon o pangangarap dahil sa ang third eye ay nagiging aktibo lamang batay sa paggamit ng inyong isip. May mga pananaliksik na ginawa na ang ganitong abilidad na makakita ng daigdig ng mga espiritu ay ang patuloy na paggamit ng kanang bahagi ng utak o right brain – ang bahagi ng utak na kilalang “imaginary brain”. Kailangang sumailalim sa tinatawag na Mind Development Seminar para magising o maging aktibo ang inyong right brain.

Tanong ni Danilo Sy ng Greenheights Village, Sucat Paranaque – Minsan kapag nasa ibang lugar ako ay parang narating ko na noon at ang mga kilos o galaw ko ay parang nakita ko na rin. Ano po ba iyon?

RS: Ang ganitong karanasan ay karaniwang tinatawag na “déjà vu”, isang katagang Pranses na ang kahulugan ay “nakita mo na” o ang pagiging pamilyar sa isang sitwasyon o lugar, kahit na noon mo lang yun nakita sa tanang buhay mo. Ibat-iba ang dahilan ng déjà vu – maaaring ito ay sanhi ng sanhi ng iyong natatandaan sa nakalipas mong buhay o past life kung ikaw ay naniniwala sa reincarnation o maaaring ang isang sitwasyon o lugar ay nakita mo na sa iyong isip ilang buwan, linggo o araw bago ito maaaring maganap. Ito ay isa pang kakayanan ng ating isipan na makita ang future o hinaharap. Maaaring ang sitwasyon o lugar na iyon ay sadyang ipinakita sayo ng mas maaga dahil mahalaga ang mensahe na dapat mong malaman sa oras na iyon.