Multo Likha Din ng Ating Isipan

Sa madalas na pagkakataon, ay may tama ang mga kasabihang “gumagawa ka ng sarili mong multo,” “takot ka sa sarili mong multo,” at “likhang isip lamang ang multo.”

Ito ay napatunayan ng isang grupo ng mga mananaliksik sa ilalim ng Toronto Society for Psychical Research (TPSR) nang magsagawa sila ng eksperimento noong unang bahagi ng dekada 70 kung kaya ba nilang lumikha ng isang multo.

Isang grupo ang inatasang gumawa nito na sadyaing lumikha ng isang hindi nakikitang nilalang sa pamamagitan ng kanilang pinag-sama-samang lakas ng pag-iisip at saka nila kinausap ang naturang espiritu.

Sa ilalim ng superbisyon ni Dr. S. R. G. Owen, walo katao ang binuo ng TSPR mula sa mga miyembro nito, at ang mga ito ay tiniyak nilang walang anumang abilidad sa kaisipan o psychic abilities.

Ang unang unang ginawa ng grupo ay lumikha ng tinatawag na fictional historical character- isang kathang-isip na personalidad ng isang tao at buong buhay nito sa ilalim ng pangalang Philip Aylesford.

Batay sa ginawa nilang talambuhay ni Philip, ito ay isang respetadong tao na nabuhay sa kalagitnaan ng siglo 1600, mahigpit na tagasuporta ng hari at isang Katoliko. Pinakasalan niya ang isang maganda ngunit isang malamig na asawang si Dorothea.

Isang araw, habang nangangabayo sa hangganan ng kanyang teritoryo, nakita ni Philip ang isang magandang gypsy na si Margo at umibig siya dito at dinala ang babae para manirahan malapit sa kanilang bahay – ang Diddington Manor.

Medyo matagal nang itinago ni Philip ang lihim nilang pagmamahalan ni Margo, ngunit kalaunan ay natuklasan ni Dorothea ang lihim ng kanyang asawa, at inakusahan nito ang babaeng-gypsy ng pangkukulam at pagnanakaw sa kanyang asawa.

Takot na takot si Philip na mawala ang kanyang reputasyon bilang isang respetadong tao at kunin ang kanyang mga ari-arian kung kaya’t hindi na nito nagawang maipagtanggol si Margo at hinatulan ito ng kasong pangkukulam at sinunog ng buhay.

Matinding pagsisisi ang tumama kay Philip, hanggang isang araw ay natagpuan ang kanyang katawan na wala nang buhay sa ilalim ng kanilang bahay, at banaag sa kanyang mukha ang matinding pagdurusa at hindi nakayanan ang kamatayan ng babaeng minahal niya.

Nagawa ding mai-guhit ng isa sa mga miyembro ng grupo ni Owen ang mukha ni Philip at ngayong buo na ang kabuuang personalidad at buhay nito ay handa na sila sa pangalawa nilang misyon – ang makipag-ugnayan sa espiritu ni Philip.

Sinimulan ng grupo noong Setyembre 1972 sa pamamagitan ng ritwal ng tinatawag na séance ang pakikipag-ugnayan kay Philip. Una munang naupo ang walo-kataong grupo at tinalakay na mabuti ang buong buhay ni Philip, nagsagawa sila ng meditasyon tungkol sa kanya at binuo sa kanilang isipan ang mukha at hitsura at pag-uugali nito – ang prosesong tinatawag na collective hallucination.

Ang naturang proseso na lagi nilang ginagawa sa maliwanag na silid ay tumagal ng isang taon nang walang kaukulang resulta, gayunman ang ilan sa mga miyembro ng grupo ay nakaramdam ng presensya ng isang espiritu sa kanilang tabi ngunit walang nangyaring komunikasyon kay Philip.

Binago ng grupo ang kanilang taktika, nagpasya ang mga ito na baguhin ang atmospera ng silid, pinadilim nila ang ilaw, naupo sila sa palibot ng isang mesa, umawit sila at pinalibutan ang kanilang sarili ng mga larawan ng kastilyo ni Philip at mga bagay-bagay na ginagamit ng mga tao sa kapanahunan ng nilikha nilang personalidad ng isang tao.

Hindi nabigo ang grupo at isang gabi ay nagparamdam na sa kanila ang multo ng kathang isip na si Philip at nagsimula na itong mag-ingay sa mesa na parang pinapalo ng kanyang kamay at kalaunan ay sinasagot na ni Philip ang mga katanungan ng grupo – isang katok sa mesa na ang kahulugan ay OO at dalawang katok kung ang sagot ay HINDI.

Tiyak nilang si Philip ang kanilang kausap dahil sa lahat ng katanungan nila ay sinasagot nito ng tumpak at angkop sa ginawa nilang talambuhay nito.

Ngunit, lalung namangha ang grupo nang mas detalyado pa ang ginawang pagpapaliwanag ni Philip sa kanyang buhay tulad ng mga ayaw at gusto nito, kanyang mga pananaw sa anumang paksa at kung matindi ang kanyang pagtutol o kaya ay may punto na gustong pagdiinan ay napakalakas ang pagpalo nito sa mesa.

Nagawa ding pagalawin ng espiritu ni Philip ang mesang ginagamit ng grupo, at ginagalaw nito ng pagilid sa kabila ng ang sahig ay merong karpet at may pagkakataon na ang mesa ay sumasayaw mag-isa sa iisang paa.

Bagaman, nasagot ni Philip ang kanilang mga katanungan, napatunayan ng grupo na may limitasyon ito dahil sa unang-una ginawa lamang ng kanilang isipan ang multong ito kung kayat hindi nito alam ang kabuuan ng mga detalye sa panahon ng kanyang ginalawan at ang lahat ng mga sagot ay napatunayan nilang nagmula lahat sa kanilang isipan o tinatawag na subconscious mind.

Subalit, ang matindi sa lahat ay ang kakayanan nitong pagalawin ang mga bagay-bagay sa paligid tulad ng pabagu-bagong liwanag ng ilaw, pag-angat at paggalaw ng mesa at mga katok sa mesa para sagutin ang mga katanungan.

Bagaman ang grupo ni Owen ay kumbinsido na ang kanilang nakausap ay ang totoong multo ng kinatha nilang si Philip, may mga grupo naman na ito ay kinokondena sa pagsasabing may ibang espiritu na umaktong si Philip.

Magkakaiba man ang pananaw dito ng ibat-ibang grupo sa larangan ng paranormal at psychic phenomena, iisa lang ang maaari kong konklusyon dito – talagang makapangyarihan ang ating isipan.

Hindi ba’t palagi nating sinasabi na kapag gusto mong matupad ang pangarap mo ay lagi mo itong isipin at hubugin sa iyong isipan para magkatotoo. Wala itong pinagkaiba sa pag-iisip ng mabuti at masama laban o para sa isang kapwa. Kailangan lamang na tiyakin na nasa wasto at angkop sa inyong kagustuhan ang inyong naiisip.