Totoo bang nakatatawag sa telepono o nakakatext sa cellphone ang mga multo? Ito ang naging tanong ko sa aking isipan nang may mga tinatanggap akong mga mensahe na maging sila ay nakaranas ng kababalaghan sa ganitong pamamaraan – na ang multo ng namayapang tao ay nakatatawag sa telepono o nakaka-text sa cellphone.
Ano ba ang katotohanan tungkol dito? Maituturing ba itong guni-guni lamang ng taong tumanggap sa tawag o text ng isang multo na ang ginamit ay cellphone?
Tulad na lamang ng isang pagtatapat sa atin ng isa nating reader ng Balita si Junior ng Baguio City:
“Mr. Sibayan, nabasa ko po ang iyong kolum Misteryo at Lohika sa Balita, yung tungkol po sa pag-tetext ng mga patay, may kakilala po ako, namatay yung asawa niya pero after a week tumawag po ito gamit ang cellphone number nya, samantalang isinama sa libingan yung cp nya. Nung sinagot daw po nya yung tawag, nasa linya lang daw po pero hindi sumasagot. Ang dahilan po ng pagkamatay niya car accident.”
Sa maniwala man tayo sa hindi, ang mga multo ay may kakayanan na manipulahin ang mga electronic gadget ng makabagong panahon kabilang na ang mga tape recorder, video recorder, telebisyon, radyo at maging ng cellphone. Ito ay kinikilala ngayon sa katagang EVP o Electronic Voice Phenomena – ang manipestasyon ng mga espiritu o mga kaluluwa sa daigdig ng mga buhay o pisikal na dimensiyon.
Sa mga ginawang imbestigasyon ng mga eksperto tungkol dito, ang tawag sa telepono ng mga kaluluwa ay karaniwang abnormal ang dating, malabo ang kuneksiyon at halos pawala-wala ang boses sa kabilang linya. Kadalasan ay pamilyar ang boses nito para hindi kaagad ibaba ang telepono o di man kaya ay magbabanggit ito ng mga kilalang pangalan ng ibang tao maaaring ito ay kaibigan o di man kaya ay pangalan ng alagang hayop.
Kung gaano katagal ay depende rin yan sa bawat karanasan. Pag alam ng taong tumanggap ng tawag na patay na ang may-ari ng boses na kausap nito ay bigla itong maibababa o di man kaya ay biglang matatakot kayat sabay baba ng telepono. Ngunit kapag hindi alam na patay na ang kausap, may mga pagkakataon na ang usapan ng magkabilang panig – sa panig ng buhay at patay ay tatagal ng 30 minutos.
Ang paggamit sa telepono, tawag man ito o text ng mga kaluluwa ng patay ay nangyayari beinte kuwatro oras mula nang ito ay sumakabilang buhay, ngunit may mga pagkakataon na ang tawag sa telepono ay nangyari ilang taon na ang lumipas para lamang iparating ang kanilang masidhing mensahe.
Ano nga ba ang pangunahing layunin ng pakikipag-usap ng mga patay sa daigdig ng mga buhay? Ito ay depende rin sa sitwasyon na kinakaharap ng bawat taong kaugnayan nito sa pamilya man, kaibigan man o kaaway.
Sa pangkalahatan, nais ng mga kaluluwa na magbigay o mag-iwan ng mensahe sa kanyang mga mahal sa buhay. O di man kaya ay magbigay ng babala sa isang panganib o kaya ay mga pangunahing impormasyon na sadyang kailangan ng mga naulila nitong mga mahal sa buhay. May mga pagkakataon na tumatawag ang mga ito o nagte-text sa mga araw na mahalaga sa kanila nung sila ay buhay pa sa daigdig na ito tulad ng kaarawan o anibersaryo. Ang iba naman ay nakalimutan nilang sabihin ang kanilang habilin.
Ano nga ba ang mga teorya ng mga eksperto sa ganitong pagpaparamdam ng mga sumakabilang buhay sa pamamagitan ng tawag sa telepono o pagte-text sa cellphone? Walang sapat na paliwanag tungkol dito ngunit ang pinakamalapit na maaaring may katotohanan ay ang kakayanan ng mga espiritu na manipulahin ang anumang electronic gadgets tulad ng cellphone.
Ang isa pang posibleng dahilan ay ang umanoy maaaring kagagawan din ito mismo ng taong tumanggap ng mensahe o tawag sa telepono sa pamamagitan ng tinatawag na Psychokinesis (PK) o Telekinesis na marahil ay hindi nila namalayang ginawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan ng isip.
Ang isa pang teorya ay maaaring kagagawan ito ng mga espiritu na nais magbiro sa tao. Maaaring ang mga ito ay lamang-lupa o engkanto ngunit depende pa rin kung paano ang pagpaparamdam.
Bagaman, maituturing na ang mga multo, kaluluwa o mga espiritu ay sumasabay na rin sa makabagong panahon dahil sa gumagamit na rin sila ng mga modernong kagamitan para iparating ang kanilang mensahe, ang mahalaga dito maging nasa kabilang buhay ay hindi ito hadlang na makipag-ugnayan ang mga patay sa mga buhay.
Habang sa panig ng mga siyentista, sila ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang para maka-ugnayan ang mga kaluluwa o espiritu. Sa katunayan noong unang bahagi ng ika-20 siglo, tinangka ng mga eksperto na baguhin ang disenyo ng telegraph at wireless device para makipag-ugnayan sa mga patay. Maging ang imbentor na si Thomas Edison ay ginawa niya ito hanggang sa nitong dekada 60 nang makasagap ng mga boses sa pamamagitan ng electromagnetic tape si Konstantin Raudive na ngayon ay tinawag na sa EVP o Electromagnetic Voice Phenomenon.