Paano Maka-ugnayan ang Iyong Anghel

Marami nang beses akong tinanong kung paano o sa anong paraan makikilala at makakaugnayan ang mga anghel lalu na ang ating anghel dela guwardiya. Maraming pamamaraan na maaaring makilala natin ang mga anghel lalu na ang mga tinagurian nating “guardian angels.”

Unang-unang dapat nating gawin ay tanggapin natin ang mga anghel sa ating buhay, dahil sa ang anumang pag-aalinlangan gaaano man ito kaliit o kalaking pagdududa ay siyang magpapalayo sa inyo sa mga anghel.

Kapag tinanggap na natin sa ating buhay ang mga anghel ng walang pag-aalinlangan ay hindi mo na kailangan pang gumawa ng paraan para makita sila, maramdaman sila at maging kabahagi ng iyong pang-araw-araw ng buhay. Sila na mismo ang lalapit sa inyo para bigyan kayo ng proteksiyon, karunungan at lakas ng espiritwal na harapin ang anumang pagsubok sa buhay.

Hindi ba’t maraming pagkakataon na rin na hindi natin normal na maipaliwanag na biglang sumusulpot ang mga anghel nang hindi natin inaasahan tulad ng biglang may hahatak sayo kapag patawid ka na dahil sa iniiwas ka niya na mabangga ng sasakyan, mabigat ang iyong katawan kapag paalis ka na, at may nagbibigay sayo ng di maipaliwanag na enerhiya para lumakas ang loob mo o di man kaya ay maging masaya ka sa pagkakataon na ikaw ay dumanas ng matinding kabiguan sa buhay.

Sa mga taong karaniwan nang nakakakita ng mga kaluluwa at iba pang mga espiritu, ay normal na rin sa kanilang makakita ng mga anghel kung gugustuhin nila lalu na sa pagkakataon na may panganib.

Bagaman kadalasan ay darating lamang ang mga anghel kung tatawagin mo sila dahil yun ang susi ng lahat, yung kusang loob mo silang tatawagin para maging mas malakas sila sa anumang hakbang na dapat nilang gawin.

Ngunit, para sa lahat na nagnanais na makaranas ng presensiya ng mga anghel sa kanilang buhay, meron akong ibabahagi sa inyong meditasyon para makipag-unayan at kilalanin ang mga anghel lalu na ang inyong mga guardian angel.

Kailangang gawin ang meditasyon sa mga oras at lugar na walang makaka-istorbo at ang pinakaangkop na gawin ito ay sa gabi o madaling araw kung saan tulog na ang lahat ng inyong mga kasambahay.

Kailangang gumawa ka ng hakbang na maging mapayapa ang lugar na gagawin ang iyong meditasyon, maaari kang magsindi ng puting kandila, mabangong insenso, magpatutugtog ng malumanay na musika para makonekta ang sarili sa Poong Lumikha, manalangin ka muna sa Diyos at humingi ng banal na espiritu para bigyan ng proteksiyon ang iyong sarili.

Umupo sa napakakomportableng posisyon, ipikit ang mga mata at gawin ang “deep breathing” o malalalim at mabagal na paghinga. Kumuha ng hangin sa pamamagitan ng ilong at ilabas ang hangin sa pamamagitan ng iyong bibig. Maaaring gawin ang ganitong hakbang para ma-relax habang nakikinig sa nakakainspirasyon at nakaka-relax na musika.

Maaari kang magbilang sa iyong isip ng sampu habang nag-i-inhale ilagay ang lahat ng hangin sa tiyan, ito ay pigilin sa bilang na lima. Pagkatapos nito ay magbilang ng isa hanggang sampu habang inilalabas sa bibig ang hangin mula sa tiyan at kapag sagad na ay pigilin na walang makapasok na hangin habang nagbibilang ng isa hanggang lima.

Muling huminga at kumuha ng hangin sa bilang na sampu sa pamamagitan ng iyong ilong, pigilin ang hangin sa tiyan sa bilang na lima, at unti unti itong ilabas sa pamamagitan ng bibig sa bilang na sampu at muling pigilin sa bilang na lima.

Paulit ulit itong gawin hanggang sa tuluyan ng relax ang buoang katawan pati ang inyong isipan.

Kapag blangko na ang kaisipan at napaka-relax na ng buong katawan ay tignan ang iyong sarili sa gitna ng hardin habang naaliw ka sa saliw ng huni ng mga ibon at nakikita mo ng malinaw ang mga bulaklak ng mga halaman sa iyong paligid pati ang bango ng mga ito at sa di kalayuan ay may naririnig kang pagaspas ng agos ng tubig.

May nakita ka sa iyong tabi na katamtamang mesa na pabilog at gawa sa kahoy, may dalawang upuan sa magkabilang panig at magkaharap sila at kitang kita mo na nasa gitna ka ng hardin at unti-unti kang lumalapit sa mesa para maupo.

Sa pagkakataong ito ay subuking tawagin ang iyong anghel na magpakita, dahil sa gusto mong makipagkaibigan sa kanya. Nakatuon ang iyong paningin sa isang pintuan sa kabilang panig at naiisip mo na ang lugar na na kinaroroonan mo ngayon ay ang hangganan ng mga buhay sa mundong ito o pisikal at sa lugar ng mga matataas na espiritu.

Maghintay ng ilang sandali at sa di mo inaasahan ay biglang may susulpot na nilalang sa iyong tabi at maaaring ito ay nahihiyang lumapit sa yo ngunit nakangiti at nakikita mong siya man ay gustong makipagkaibigan sayo.

Ngitian mo siya at himukin mong umupo sa harap mesa at mag-usap kayo para magkakilala kayo ng lubusan. Maaari mong tanungin kung anong pangalan niya, ilang taon na siya,, kumusta na siya, mga tanong na magpapalapit sa inyong dalawa bilang magkaibigan at maaari mo ding sagutin ang kanyang mga katanungan.

Pagkatapos ng inyong usapan ay magpasalamat ka at nakilala mo siya. Magpasalamat ka unang una sa Poong Maykapal dahil sa pinahintulutan kang makita, makilala at makausap ang iyong anghel. Habang papalayo siya at ikaw naman ay naghahanda na umalis sa naturang lugar ay kawayan mo ang iyong kaibigang anghel sabay ng ngiti sa kanya at sabihin mong tatawagin mo siya anumang oras at darating siya, at maririnig mo rin ang kanyang kasagutan.

Kapag ganap nang nawala sa iyong paningin ang kaibigan mong anghel, ay unti-unti mo nang ibabalik ang iyong kamalayan sa kasalukuyang panahon at lugar at unti unti mo nang naririnig ang musika at nararamdaman mo na ang iyong kinalalagyan sa pisikal na mundo. Sa iyong isip ay magbilang ka ng isa hanggang lima hanggang sa imulat mo na ang iyong mga mata.

Isa lamang yan sa pamamaraan para makikilala mo bilang isang kaibigan ang iyong anghel dela guwardiya. Ang isa pang paraan ay maaari mong hilingin sa kanya na makipag-ugnayan sayo sa panaginip.