Pagsabog sa Glorietta, Nakita Bago Nangyari

Marami sa atin ang meron kakaibang kakayanan sa pag-iisip o mind power na maituturing na di-pangkaraniwan sa karamihan. Bagaman ang iba mula pagkabata ay kanilang natuklasan ang kanilang kakaibang abilidad tulad ng pagkakita sa mga mangyayari pa lamang na kilala sa tawag na “precognition”, ang iba naman ay kamakailan lamang nila natuklasan o dumating sa kanilang buhay.

Ngunit gusto kong linawin na ang bawat isa sa atin ay merong abilidad ngunit kung ano man ito ay depende sa antas ng ating kaisipan at kung ano ang maituturing nating naka-atang na tungkulin na dapat gampanan sa mundong ito.

Dahil dito, mawawala na ang luma nating paniniwala na ang mga maituturing nating pambihirang abilidad ay para lamang sa mga iilan na itinuturing din nating mga espesyal na nilalang sa mundong ito.

Sa totoo lamang lahat ng nilalang ng Panginoong Diyos ay espesyal sa Kanya kung kaya’t lahat ay mayrong espesyal na abilidad at tungkulin o misyon na dapat na maisagawa sa daigdig na ito.

Tulad na lamang ng abilidad na prekognisyon (precognition-halaw sa salitang latin “prae- prior to” at cognition “getting to know”), kung tatalasan lang natin ang ating pakiramdam at pag-iisip ay malalaman natin agad bagupaman mangyari ang isang insidente.

Ngunit dahil sa masyado tayong abala sa pang-araw-araw nating ginagawa lalu na sa usaping materyal ay hindi natin nagagamit ang ganitong abilidad kung kaya’t hindi natin nasasagap ang mga mensahe o impormasyon na maaaring makatulong sa atin at maligtas sa anumang kapahamakan.

Bagupaman nangyari ang pagsabog ng bomba sa isang mall sa Makati, tiyak kong marami sa atin ang nakasagap ng mga babala o mensahe ngunit iilan ang nakapakinig at naunawaan na ganito nga ang maaaring maganap.

Isang kababayan natin ang nagulat nang mangyari ang kakila-kilabot na trahedya sa Glorietta nang biglang sumambulat ang isang napakalakas na bomba na kumitil sa buhay at ikinasugat ng maraming inosenteng mamamayan.

Sa testimonya ng isa nating kababayan na itago natin sa pangalang Gemini, mga apat na linggo na ang lumipas nang bigla siyang managinip ng isang trahedya na hawig sa nangyaring pambobomba sa Glorietta Mall.

“Kitang-kita ko ang aking sarili sa isang mall na namamasyal nang bigla akong makarinig ng malakas na pagsabog at kasunod nito ang nakaririnding hiyawan, sigawan ng maraming tao at nag-uunahan na makalabas ng makipot na pintuan ng gusali. Nakita kong maraming tao kabilang na ang mga kabataan, at bata ang tila’y nakulong sa naturang pagsabog. Ang iba ay nag-iiyakan at humahagulgol sa sugat na kanilang tinamo samantalang ang iba naman ay nakahandusay na tila wala nang buhay. Hindi ko nakayanan ang aking nakita kung kaya’t ako ay umiiyak din hanggang sa ako ay magising. Laking pasalamat ko sa Diyos akala ko ay totoo yun pala ay panaginip lang. Ngunit nagulat na lamang ako na magkakatotoo ito sa tunay na buhay. May ilang mga malalapit na kaibigan akong nasabihan sa aking nakita sa panaginip ngunit ilan lamang sa kanila ang nakinig. ”

Maaaring ang karanasan ni Gemini ay naranasan din ng ibang sensitibong tao ngunit hindi lamang pinansin ang mensahe sa katwirang ito ay panaginip lamang o masamang pangitain. Ngunit sa kanyang panig bilang isang indibidwal ay meron siyang nasabihan bagaman hindi ito agad na pinaniwalaan hanggang sa mangyari ang kanyang nakita o napanaginipan sa katotohanan.

Ang lagi kong payo, anuman ang inyong makita sa inyong panaginip o bigla lang kayong naidlip at may nakita kayong pangyayari o insidente ay marapat na isulat ito lalu na pag malinaw na malinaw ang buong detalye ng anumang trahedya.