Nitong nakalipas na Sabado sa aking programang Misteryo alas-5:30, muli akong binaha ng maraming tanong tungkol sa mga usapin sa espiritwal at paranormal, isang patunay na ang tao sa ngayon anuman ang kinaaanibang relihiyon ay gising na sa ganitong paksa ng usapan.
Kung noon ay nahihiya kundi man ay takot na ihayag sa kapwa ang anumang karanasan na hindi agad maipaliwanag ng lohikang kaisipan, dahil sa hangarin na magkaroon ng liwanag ang maulap na paniniwala ay lumalantad na ang ating mga kababayan.
At hindi na ako naso-sorpresa sa ganitong dami ng mga may karanasan tungkol sa paranormal dahil sa tayo nga ay pumasok na sa tinatawag na “Age of Aquarius” o kilala rin sa tawag na Golden Age, ang bahagi sa buhay ng tao sa planetang ito na mas nagigising ang isipan sa mas malawak na pananaw at mas malakas na kuneksiyon sa Diyos.
Hindi rin kaila ngayon, na marami na sa tao lalu na ang mga bata ay mas madaling makaramdam, at nakakakita ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon tulad ng mga gumagalang kaluluwa, mga engkanto, anghel at mga ekstra-terestriyal.
Narito ang ilan sa mga katanungan sa aking programang Misteryo sa radio DZRH noong Sabado na minabuti kong sagutin sa aking pitak dito sa Balita.
Jun ng Midsalip Zamboanga del Sur: Totoo bang may engkanto? Dito sa amin may madalas kaming makarinig na parang may nagdidisko na walang makitang tao.
RS: hindi ko masasabing yan nga ay mga engkanto o maaaring iyan nangyari talaga sa pisikal na daigdig natin.Gayunman, kung wala kayong nakita o nalaman na merong espesyal na okasyon nang marinig niyo ang diskohan na yan, maaari nating sabihin na yan ay mula sa kabilang dimensiyon. Ilan ba kayong nakakarinig niyan? Paulit-ulit bang nangyayari yan sa isang lugar? May mga karanasan ba kayo sa pagiging aktibo ng mga engkanto tulad ng mga kapre, tikbalang o duwende sa inyong lugar? Ilan lamang yan sa mga tanong na dapat niyong sagutin. Ngayon kung OO ang sagot niyo malaki ang posibilidad na kagagawan nga nila yan. Sa totoo lang para ding tao ang mga engkanto dahil sa may mga espesyal din silang okasyon na nagkakasayahan at kung sila nga yan ay masasabi kong pati sila ay sunod na rin sa uso tulad ng ginagawa ng tao.
Roel ng Pampanga: Tanong ko lang po. Ano po ang mabisang pangontra sa masamang espiritu at sa elemento na di nakikita?
RS: Una muna, gusto kong sabihin na hindi lahat ng mga engkanto, elemento o mga nilalang na hindi natin nakikita ay masama. Ako ay naniniwala na marami sa kanila ang mabubuti. Inaakala lang natin na masama ang mga espiritu sa mga pagkakataong ayaw natin silang maramdaman, makita at makaugnayan. Paano kung gusto nilang magpakita o magparamdam dahil sa meron silang mensahe o babala sa atin? Hindi ba’t maganda ang resulta nun sa ating buhay. Gusto ko lang ipaalala sa lahat na masasabi lang nating masama ang manipestasyon ng mga espiritu o mga di nakikitang nilalang kung ang epekto nun sa atin ay masama tulad ng pagkakasakit, o kamatayan. Ngayon kung ano ang pangontra sa bad spirits ay una ang pananalig natin sa Poong Diyos na pinakamakapangyarihan sa lahat at pangalawa na lamang ang anumang dasal na alam ninyo ngunit kaakibat pa rin nito ng taos puso at buong loob na pananampalataya sa pwersa ng Kalangitan.
Cashper: Tanong ko lang po, paano ba mabuksan ang 3rd eye kasi ang dami ko ng karanasan sa ibat-ibang klaseng lugar na napakakuwestyunable sa aking isipan.
RS: Depende sa karanasan mo, ano ba ang mga nakita mo naranasan mo. Kung may mga nakikita kang mga nilalang tulad ng mga kaluluwa o mga engkanto, bukas na o aktibo ang iyong “3rd eye”. Ayaw kong tawagin na third eye ang pagkakaroon ng karanasan na hindi normal sa nakagisnang paniniwala ng tao bagkus ay tinatawag kong sensitibo na ang taong meron nito. Isang maling katawagan ang third eye o sixth sense dahil sa totoo lang kung meron tayong limang senses sa pisikal ay meron din tayong mga senses na ito sa espiritwal. Clairvoyance ang tawag sa abilidad na makakita, Clairaudience sa mga nakakarinig sa mga espiritu, Clairsentience naman ang tawag sa mga nakakaramdam. Clairalience sa mga nakakaamoy. Claircognizance sa mga nakakaalam kung sino at ano ang isang tao o bagay nang di mo alam kung bakit mo alam. Clairgustance naman ang tawag sa kakaibang panlasa mo na wala ka naman kinain o isinubong bagay.