Positibong Pag-iisip sa Bagong Taon

POSITIBONG PAG-IISIP SA BAGONG TAON
Rey T. Sibayan
January 3, 2007

Ngayong pumasok na ang taong 2007, kabi-kabilaang prediksiyon ang ating naririnig at marami ang umaasa na ang taong ito na tinaguriang “Fire Pig” ay magiging maganda ang buhay ng sambayanang Pilipino.

Hindi pa rin nawawala ang mga prediksiyon ng mga kalamidad, kaguluhan, pulitika sakit at iba pang mga negatibong maaaring mangyari sa ating bansa, na para sa akin ay bigyan din natin ng pansin para alam natin ang ating gagawin para hindi ito mangyari sa atin.

Ngunit, tulad ng aking sinulat sa nauna kong artikulo sa pitak kong ito na ang anumang nakita at hindi simpleng hula lamang ng mga taong sensitibo o psychic ay maaari nating baguhin sa pamamagitan ng kalayaan natin sa pag-iisip, pananalita at aksiyon o sa pangkalahatan ay kilala sa tawag na free will.

Muli gusto kong ipaliwanag dito, ang anumang prediksiyon ng mga psychic ay hindi ko itinuturing na mga hula lamang dahil sa ang mga lehitimong sensitibo at may kakayanan na makita ang future o hinaharap ay yun talaga ang kanilang nakita, at naramdaman sa panahon na ginawa nila ang psychic reading.

Ito ay bilang reaksiyon ko sa mga sinasabi ng ilan na ang mga prediksiyon ay pawang mga hula lamang ng mga manghuhula dahil sa hindi naman mangyayari ang mga ito, ngayon kung nangyari naman, sasabihin e natsambahan lamang ng manghuhula ang kanilang mga nakita.

Paano nga ba maaaring baguhin ang kapalaran ng isang tao sa tinatawag nating destiny o patutunguhan ng buhay ng isang nilalang sa planetang ito?

Sa aking personal na kaalaman, ito ay maaaring baguhin sa pamamagitan ng free will kung ano talaga ang nais mong mangyari sa buhay mo – mabuti man ito o masama.

Ngayon, paano natin gagawing mas maganda ang resulta ng ating buhay sa kabuuan ng taong 2007 at paano natin matiyak na mabuti ang magaganap sa atin sa pag-usad ng bagong taon?

Ito ay sa pamamagitan ng positibong kaisipan – isang pamamaraan ng pag-iisip na kahit pa negatibo na ang posibleng maging resulta ng isang sitwasyon ay isipin mong ito ay magiging mas positibo sa bandang huli.

Hindi ba’t lagi natin naririnig ang mga katagang “be positive” at “positive thinking”? Isang palaging paalala natin na kung maging positibo lang tayo sa ating buhay ay marami tayong aanihing biyaya mula sa Poong Maykapal.

Kahit binagsakan ka na ng sandamakmak na kamalasan sa buhay, maaari mo itong magamit para umunlad ang buhay sa mas positibong pananaw. Isang konsepto na gamitin mo ang enerhiya ng masama para maging mabuti.

Matuto tayong tanggapin kung ano man ang dumating sa ating buhay dahil sa anupaman ito na sa akala mo ay masama ang epekto ay magiging mabuti o maganda pa rin kung bukas lamang ang iyong kaisipan sa bandang huli.

Ipaubaya natin sa daloy ng pagpapala ng Panginoong Diyos ang lahat ngunit sikapin na ikaw bilang isang espiritu sa loob ng isang pisikal na katawan ay merong sapat na kapangyarihan na kung ayaw mo ang kasalukuyang sitwasyon ng pamumuhay ay kayang kaya mo itong baguhin.

Mabuti na kung manalangin tayo sa Poong Maykapal ay ang dasal ng pasasalamat. Ang ganitong pamamaraan ng pagdarasal ay isang matibay na ebidensiya na inaangkin mo na at nandyan na ang naging kahilingan mo sa Diyos.

Yan ang tinatawag na affirmation o pagbibigay diin sa sarili na ang gusto mong mangyari ay naganap na at hindi na maaaring mabawi o mabago pa.

May mga suhestyun na kung ano man ang pangarap mo sa buhay hayaan mo na lagi mo itong isama sa iyong imahinasyon lalu na sa gabi kung saan bago kayo matulog ay sikapin mong maranasan na at isabuhay ang nais mong maganap sa iyong buhay.

Ang isa pang dapat nating bigyan ng kaukulang diin at ito ang itinuturing kong pinakamahalaga bukod sa malakas na pananalig sa Poong Maykapal, ay ang pagpapatawad sa kapwa – kamag-anak mo man ito, kaibigan o mortal na kaaway.

Ang walang pag-aalinlangan na pagpapatawad sa kapwa na walang halong kundisyon ay masasabi kong napaka-kagandang magagawa natin para maging maayos ang daloy ng mga biyaya sa iyong buhay.

Sikapin na lunukin natin ang ating pride o ego dahil sa kung ito ang nangibabaw sa ating katauhan ay tiyak na dudurugin ka lamang nito at wala ka ng pag-asang matupad ang iyong pangarap.

Ilan lamang yan sa aking palagay ay mahalagang dapat nating gawin ngayong pumasok na ang bagong taong 2007 bilang pangontra sa masamang prediksiyon o pampalakas pa sa magagandang prediksiyon sa buhay ng tao.