Naniniwala ba kayo sa premonisyon o pangitain? Bagaman may mga naniniwala sa ganitong mga premonisyon o superstisyun, karamihan ay hindi pa rin ito pinapansin at saka na lamang makukumbinsi na totoo ang pangitaing nakita kapag may nangyari nang masama.
Bagupaman nangyari ang malagim na trahedya sa mahabang pila ng mamamayan sa Philippine Sports Commission o dating Ultra, may mga ilang mamamayan na nakapila mismo para makadalo sa unang taong anibersaryo ng sikat na TV noontime show Wowowie ang nagsabi na meron silang nakitang hindi pangkaraniwan.
Nabasa ko sa isang pahayagan ang salaysay ng ilan sa ating mga kababayan na merong masamang pangitain na may kaugnayan sa naturang trahedya.
Kabilang na rito ang premonisyon ni Willie Rinoza ng Tuy, Batangas na kabilang sa mga nakaligtas sa naturang malagim na trahedya ng stampede sa Ultra noong Sabado (February 4) ng umaga.
Sa kanyang salaysay, ipinagtapat ni Rinoza na kasalukuyan siyang umiihi sa pader ng dating Camp Miguel Ver sa Kapitolyo (tawid lamang ng kalsada ng Ultra), nang bigla nya mapansin, ang ilang matatandang babae sa harapan o unahan ng pila ay pawang walang mga ulo.
Ani Rinoza: “Ewan ko po. Nakita ko sila na parang walang mga ulo. Hindi ko mabilang pero marami silang mga nasa harapan.”
Binalewala lamang ni Rinoza ang kanyang nakita sa pag-aakalang namamalikmata lamang siya bunsod ng sobrang pagod at puyat dahil Huwebes pa lamang ay pumila na sila.
Isang tindera naman sa pangalang Gina Geron ng Balut, Tondo, Maynila ang nagsabi ring meron siyang napansin na kakaiba sa hugis ng buwan sa mga araw na nakapila siya patungong Ultra.
Biyernes pa lamang ng gabi ay nakaramdam na umano ng kilabot sa kanyang katawan si Gina at lalu siyang nanghilakbot nang makita niya ang buwan na animoy nakasahod o hugis mangkok.
Sa paniniwala ng mga matatanda, ang hugis mangkok na buwan, maituturing itong masamang pangitain dahil sa marami ang maaaring mamatay.
Karaniwan na ang buwan kapag ito ay half moon, ang hugis nito ay biyak lamang sa magkabilang gilid at hindi nakahiga.
Tulad ni Rinoza, ay binalewala rin ni Gina ang kanyang nakitang pangitain lalu na at nakatutok sila sa kanilang pila papasok sa Ultra.
Sa kabila ng ganitong mga pangitain ay hindi na ito mapapansin ng karamihan dahil sa ang nasa isip ng lahat ay magtiyaga sa pila para magkaron ng pagkakataon na makalikom ng malaking halaga bilang pangakong pa-kontes ng naturang pagtitipon.
Marami ang nagsasabi na ang ganitong mga premonisyon o pangitain ay hindi dapat na ipinagwawalang bahala dahil sa nagsisilbi ang mga itong babala sa atin para maagapan ang anumang malagim na trahedya.
Ang bawat isa sa atin ay may kakayanan na makasagap ng mga mensahe mula sa mga kaibigan nating hindi nakikita ng ating mga mata, maaaring ito ay nakikita mo mismo ng personal samantalang ang iba naman ay sa pamamagitan ng panaginip.
Karaniwan ay nalalaman natin na totoo ang premonisyon kapag may nangyari nang masama at marami na ang nagbuwis ng buhay. Ang makalumang paniniwala tungkol sa premonisyon ay hindi maaaring tawaran lalu na sa mga taong palaging nakikita ang mga susunod na mangyayari.
Ang ganitong paniniwala ay matagal nang ginagawa ng ating mga ninuno at para sa kanila noon ay sadyang mahalaga ang ganitong pangitain dahil sa nakatutulong ito sa kabuhayan.
Sa panahong ito ay hindi natin basta pinaniniwalaan ang ganitong mga pangitain ngunit iba na rin kung tayo ay nag-iingat sa ating sarili lalu na kung para sa atin ang mga mensahe. Hindi bat may kasabihan na ang bawat minuto ng ating buhay ay napakahalaga at ang bawat hakbang natin sa buhay na ito ay tiyak na may mensahe para tayo ay iligtas sa anumang kapahamakan at ituro ang tamang landas patungo sa tagumpay.
Kung maaari sana ay maging alerto tayo sa bawat mensahe na ibinibigay sa atin, hindi bat maraming pagkakataon na may iniisip tayong problema at nagugulat na lamang tayo na may nabasa tayo sa ating paligid o narinig na yun pala ang tamang solusyon at hindi ito malikmata lamang o kaya ay nagkataon lamang..